Posts by Yop:

    Lolo na umano ay drug den maintainer, huli.

    May 22nd, 2018

    Ni Santiago Celario

    QCPD Director joselito Esquivel Jr. Photo © YouTube/Radyo Pilipinas 738

    DINAKIP ng pulisya ang isang lolo na umano ay drug den maintainer at apat na iba pa sa isang buy-bust operation sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.

    Kinilala ni Quezon City Police Department Director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. ang 67 taong gulang na suspek na si Francisco Pajola. Kasama niyang nadikip sina Adrian Bravante, 28; Albert Conge, 42; Wilmar Macalos, 42; at John Hordonez, 52.

    Nasamsam mula sa kanila ang ilang sachet ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o shabu, mga drug paraphernalia at ang pera na ginamit sa buy-bust.

    Sinabi pa ni Esquivel na dinakip ng mga operatiba ng QCPD Drug Enforcement Unit ang mga suspek mga bandang 9:45 ng gabi sa bahay mismo ni Pajola sa No. 043 Area 6, Barangay Botocan, QC matapos silang makatanggap ng ulat na may nag pa-pot session sa nasabing bahay.

    Para maikasa ang operasyon at mabasyo ang mga suspek ay nagpanggap ang isang pulis na mamimili ng droga mula sa kanila. Matapos maiabot ang shabu ay nagpakilala ang posuer buyer na pulis, dahilan para magtangkang tumakas ang mga suspek.

    Gayon man sila ay nakuwelyuhan ng mga nakapaligid na alagad ng batas sa bahay ni Pajola.

    Kasalukuyang nakapiit sa QCPD-DEU ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong kriminal laban sa kanila.

    No Comments "

    Bulkang Mayon nag-aalboroto muli

    May 20th, 2018

    Ni Santiago Celario

    FILE PHOTO: Clouds partially covers the Mayon volcano © Erik de Castro / Reuters

    MULING nag-alboroto ang Bulkang Mayon nitong Linggo ng umaga.

    Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nakapagtala sila nang apat na mahihinang lindol sa paligid ng bulkan. Idinagdag pa nila na kasalukuyang nagbubuga rin ito ng puting usok, tanda ng mga pagkilos sa ilalim ng lupa.

    Nakataas ngayon ang Alert Level 2 sa paligid ng nagaalborotong bulkan.

    Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko at mga lokal na pamahalaan na kung sakaling pumutok muli ang Mayon ay tiyak na magkakaroon ng kaakibat na pagguho ng lupa’t lava at magkakaroon din ng ash fall sa paligid.

    Sinabi pa ng ahensya na patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok ng sino man sa loob ng anim na kilometraheng radius na itinalagang Permanent Danger Zone (PDZ) ng Mayon. Samantala, pitong kilometraheng PDZ naman ang itinalaga ng Phivolcs sa timog-timog kanlurang bahagi ng bulkan hanggang sa silangan at hilagang-silangang sektor ng Mayon mula sa Anoling, Camalig hanggang Sta. Misericordia at Sto. Domingo, Albay dahil sa patuloy na bantang pagsabog nito.

    Ang mga residente na naninirahan malapit sa PDZ ay pinayuhan na maging mapag-matyag at maingat.

    Pinaalalahanan din ng Phivolcs ang Civil Aviation Authority of the Philippines na sabihan ang mga piloto na iwasan ang Mayon na itinuturing na isang active volcano. (Read More: http://beyonddeadlines.com/2018/02/06/bulkang-mayon-patuloy-na-sumasabog/)

    No Comments "

    Lola nabagsakan ng crane sa QC, patay

    May 18th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Ang crane na umano ay nakamatay sa 74-anyos na lola. Imahe © https://rmn.ph

    NAMATAY matapos mabagsakan umano ng crane mula sa construction site ng Manila Water ang isang 74 anyos na lola habang siya ay nagwawalis sa harap ng kanyang tahanan sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga.

    Kinilala ng pulisya ang namatay na si Rosalinda Mendez, residente ng Pag-Asa Compound, Barangay Old Balara. Dinala si Mendez sa isang malapit na ospital ng mga kaanak nito subalit hindi na siya umabot doon ng buhay.

    Ayon sa mga imbestigador, magkatabi ang bahay ng biktima at ang construction site kaya nahagip ang matanda ng bigla na lamang bumagsak ang crane na ginagamit sa construction site. Idinagdag pa nila na ito ang pangalawang pagkakataon na lumagpak sa lupa ang nasabing crane, masuerte na lamang at walang nabiktima sa unang insidente na nahulog ito.

    Sinabi ng mga residente na kalawangin na ang crane na ginagamit sa construction site. Idinagdag pa nila na matagal na nilang inirereklamo ito pero walang ginawang aksyon umano ang pamunuan ng Manila Water.

    Bukod pa sa kalawangin ang crane, malaking abala sa mga residente ang construction dahil hindi tuloy-tuloy ang trabaho dito.

    “Ang trabaho ay sa gabi nila ginagawa. Kapag umaga, nakaupo sila. Tapos kapag gabi, kung tulog na ang mga tao ay saka sila gagawa,” paliwanag ng mga residente.

    Samantala, sinabi naman ni Manila Water Corporate communications chief na si Jeric Sevilla na magpapaabot ng tulong ang kanilang kompanya sa biktima ng trahedya.

    Sinabi pa niya na nagtatayo nang isang aqueduct na “magdedeliver ng tubig mula sa La Mesa Dam papunta sa mga treatment plant sa Balara” sa nasabing construction site.

    Tinatayang aabot sa PhP5.3 bilyon ang halaga ng Novaliches-Balara Aqueduct 4 project.

    Iniimbestigahan pa ng awtoridad ang pangyayari upang malaman kung mayroong “criminal negligence” sa naganap na trahedya. Kung sakaling mapatunayan nila na may criminal negligence ay sasampahan kaagad ng karampatang kaso ang contractor at Manila Water upang mapanagot ang mga ito.

     

    No Comments "

    Starlet nalambat sa anti-illegal drugs operation sa QC

    May 10th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Image © Good News Network Philippines

    UMABOT sa 260 na pinaghihinalaang sugapa sa bawal na gamot ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa loob ng dalawang linggo nitong kampanya para masawata ang salot na droga sa lungsod.

    Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., dinakip mula sa iba’t ibang lugar ng QC ng mga miyembro ng QCPD-District Anti-Drug Enforcement Unit (DEU) ang mga drug dependent batay sa kanyang kautusan na ipinalabas noong huling linggo ng Abril.

    Umabot sa 68.8 na gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu at 88.2 na gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska mula sa mga nasakote, dagdag pa ni Esquivel.

    Lumabas sa rekord ng pulisya na 174 sa mga dinakip ay nahuli habang gumagamit ng droga samantalang ang nalalabing bilang ay huli naman sa akto na nagbebenta nito.

    Kabilang sa mga nahuli ay ang starlet na si Katrina Santos na miyembro umano ng Baywalk Bodies. Siya ay nadakip sa kahabaan ng Tagaytay Street, malapit sa kanto ng A. Bonifacio Avenue sa Brgy. San Jose, La Loma, QC.

    Nahaharap ngayon ang mga nalambat sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

    No Comments "

    Mabuting serbisyo ng tubig ipinangako ng Maynilad

    May 7th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Water concessionaire Maynilad’s logo is seen in Phil. Star file combo image.

    TINIYAK ng Maynilad Water Services Inc. nitong Lunes na masusuplayan nang malinis na tubig ang mga residente ng Lungsod ng Valenzuela at Imus, Cavite na dumedepende sa mga balon o deep wells.

    Ito ang napagalaman makaraang ipahayag ng Maynilad Water ang paglalaan nito ngayong taon nang PhP743 milyong para sa mga bagong pumping stations at reservoirs (PSR) upang maserbisyuhan ang mas nakararaming customer.

    We in Maynilad have made it our mission to improve the living conditions of our customers through better water access. Hence, we keep investing in the infrastructure enhancements needed to connect new customers and boost service levels for existing ones,” pahayag ni Maynilad President and Chief Executive Officer Ramoncito S. Fernandez.

    Ang itatayong bagong PSR ay magbibigay daan para mapalakas ang water pressure para sa tinatayang 87,000 kabahayan. Dahil din dito ay madadagdagan pa nang isang milyong kabahayan ang network ng kumpanya.

    Ang mga bagong PSR ay itatayo sa Valenzuela at Muntinlupa. Magbubunga ito ng combined water storage capacity na 75 milyong litro na bukod sa magreresulta sa mas malawak na koneksyon ay magiging daan din upang bumuti ang suplay ng tubig sa mga customers.

    Ang naturang mga PSR ay bubuuin ng high-efficiency pumps na magtataas sa water pressure mula sa kasalukuyang 7 psi (pounds per square inch) ay aabot ito sa 16 psi para sa 22,000 kabahayan sa mga barangays ng Maysan at Gen. T. de Leon sa Valenzuela, at sa Lungsod ng Imus.

     

    No Comments "

    Sampung pulis QC na sabit umano sa extortion pinakakasuhan ng NCRPO

    May 5th, 2018

    Ni Santiago Celario

    (File Photo) NCRPO Director Camilo Pancratius Cascolan. Image © Scoopnest com

    PINASASAMPAHAN ng kasong kriminal ang 10 kagawad ng Galas Police Station ng Quezon City Police District na naunang sinibak sa puwesto matapos silang maaktuhan umano sa loob mismo ng presinto na tumatanggap ng kinikil na salapi mula sa isang kaanak ng kanilang dinakip.

    Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Camilo Pancratius Cascolan ang 10 pulis na pinadedemanda niya na sina Police Chief Inspector Erwin Guevarra, hepe ng Galas Police Station Drug Enforcement Unit; at mga tauhan nito na sina PO2 Noel Sanchez, PO1 Edward Ramos, PO1 Michael Eric Ramirez, PO1 Ray John Rodriguez, PO1 Gaudencio Escoton Jr, PO1 Sepzon Suclad, PO1 John Ryan Rodriguez, PO1 Dennis Eria and PO1 Leny Atma.

    Kasalukuyang nakapiit ang 10 sa Camp Karingal na siyang headquarters ng QCPD.

    Batay sa imbestigasyon ng mga kinauukulan, nagreklamo si Lorenzo Miguel Soriano sa mga awrtoridad nitong Huwebes ng hapon matapos umano siyang hingian ng salapi ng mga pulis kapalit ng paglaya ng kanyang kamag-anak na kanilang hinuli dahil daw sa illegal possession of firearms at bawal na gamot.

    Napagalaman pa sa rekord ng pulisya na hinuli ng mga inirereklamong pulis ang tiyuhin ni Soriano na nakilalang si Flexis Jeffrey Soriano at ang drayber nito sa isang isinagawang buy bust operation noong Huwebes ng madaling araw sa kanto ng E. Rodriguez Avenue at Tomas Morato Avenue, Brgy. Kristong Hari, QC.

    Dinala ang mga dinakip sa Galas PS at doon umano humingi ang mga pulis nang PhP200,000, matapos bisitahin ng complainant ang mga nakakulong.

    Pumayag si Soriano at dinala ang nasabing halaga ng mga bandang 9 a.m. subalit humingi pa umano ng karagdagang PhP100,000 ang mga pulis dahilan upang magreklamo na siya sa Camp Karingal.

    Bunsod nito nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na operatiba ng District Intelligence Division (DID), District Special Operations Unit (DSOU) at Special Reaction Unit (SRU) na nagresulta ng pagkakadakip ng mga naturang pulis sa loob ng Galas PS.

    Samantala, maliban sa mga kasong robbery at extortion ay pinasasampahan din ni QCPD Director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. ng kasong administratibo ang mga inireklamong pulis. Bukod sa 10 ay isinama ni Esquivel sa mga kakasuhang administratibo ang hepe ng Galas PS na si Supt. Igmedio Bernaldez dahil sa command responsibility.

    No Comments "

    Tatlong pinaghihinalaang “killer for hire” todas sa QC

    May 2nd, 2018

    Ni Santiago Celario

    Bullet. photo © http://www.philstar.com

    NAPATAY ng pinagsanib na mga puwersa ng Quezon City Police Department, Special Traffic Action Group, Highway Patrol Group-Task Force Limbas ang tatlong pinaghihinalaang upahang mamamatay tao sa isang naghahabulang engkuwentro sa Lungsod Quezon nitong Miyerkoles ng madaling araw.

    Ayon sa ulat ng pulisya, hindi pa nakikilala ang mga napatay dahil sa kanilang kawalan ng mapagkikilanlan tulad halimbawa ng identification card. Nakuha mula sa mga napatay ang isang kargadong .45 caliber Colt pistol na may Serial No. (SN) 257491, isang kargadong kalibre .38 revolver, isang kargadong .45 caliber Remington pistol na burado ang SN, isang cellular phone, isang kulay itim na Yamaha Fino at isang SYM na motorsiklo na parehong walang plaka.

    Walang namatay o nasugatan sa panig ng mga awtoridad sa naturang engkuwentro.

    Napag-alaman pa mula sa ulat na nakarating sa QCPD na nakatanggap umano ang HPG ng impormasyon tungkol sa mga napatay. Mayroon daw tatambangan ang mga ito sa lungsod Quezon kaya’t kaagad kumilos ang HPG at humingi ng tulong sa STAG at QCPD, na mabilis namang naglagay ng “chokepoint” sa kahabaan ng Payatas Road malapit sa Violago Homes II, Barangay Payatas.

    Dakong alas- 2:00 ng madaling araw ng matanawan ng mga nasa chokepoint ang mga napatay sakay nang dalawang motorsiklo mula sa direksyon ng Munisipyo ng Montalban. Subalit nang makita ng mga suspek ang mga pulis ay mabilis na nag-u-turn ang mga ito pabalik kung saan sila unang namataan.

    Agad namang hinabol ng mga operatiba ng QCPD ang mga napatay subalit imbes na tumigil at sumuko ay pinaputukan  ng mga ito ang mga awtoridad, na napilitang namang gumanti ng putok. Matapos ang ilang saglit na habulan at barilan ay bumulagta ang tatlo sa lansangan dahil sa tama ng bala. Agad silang isinugod sa ospital sa pagtatangkang sila ay masagip subalit sila ay binawian pa rin ng buhay.

    No Comments "

    PDEA kakasuhan ang mga barangay officials na nasa narcolist

    April 30th, 2018

    Ni Santiago Celario

    PDEA Director General Aaron Aquino

    MATAPOS isapubliko ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong Lunes ang kontrobersyal na “narcolist” kung saan nakapaloob ang pangalan nang 207 puno at kagawad ng barangay na umano ay sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa buong bansa ay tiniyak ng nasabing ahensya na uusigin nila ang mga ito sa hukuman sa lalong madaling panahon.

    Ang pagtityak ay ginawa ni PDEA director General Aaron Aquino sa isang pulong balitaan sa kanyang tanggapan kahapon. Sinabi pa ni Aquino na 90 sa mga pangalang nakatala sa narcolist ay mga punong barangay samantalang ang nalalabi 117 ay mga kagawad.

    Napagalaman pa mula sa pinuno ng PDEA na 70 sa mga barangay officials na sangkot umano sa bentahan ng illegal drugs ay mula sa Region 5 (Bicol Region), sumunod ang Cordillera Administrative Region (CAR) kung saan 34 ang sinasabing sangkot sa kalakaran ng droga at 13 ay mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ang nalalabing bilang ay nakakalat sa buong bansa.

    Sinabi ni Aquino na inilabas ng PDEA ang narcolist matapos itong ipagutos sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte. Idinagdag pa ni Aquino na sasampahan nila ng paglabag sa Republic Act 6425 (the Dangerous Drugs Act) at iba pang kasong kriminal ang mga barangay officials na sinasabing sangkot sa droga sa hukuman.  (Basahin Pa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/27/kontrobersyal-na-narcolist-ilalabas-na-ng-pdea/)

    Kasabay nito ay idinagdag pa ni Aquino na mayroon pang 274 na personahe ng barangay ang kasalukuyang nasa watchlist at patuloy pa ang isinasagawang validation ng mga impormasyon laban sa kanila.

    Matatandaan na uminit ang panawagan ng publiko sa pamahalaan na isapubliko ang narcolist ng mga barangay officials upang sila ay matalinong makapagpasya kung sino ang iboboto sa darating na halalang pambarangay.

    Ipinaliwanag ni Aquino na may higit silang responsibilidad sa estado at sa publiko kaya kinakailangan ilabas ang mga pangalan ng barangay official na sangkot sa illegal drugs. Higit na mas mahalaga umano ang interest ng nakararami kaysa sa iilan.

    No Comments "

    Mga biktima ng karahasan hinikayat na agad humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan

    April 29th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Ang gusali ng QCPC na matatagpuan sa likod ng Quezon city Hall. Image © Safe Schools for Teens

    HINIKAYAT ni Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong ang mga naninirahan sa lungsod na biktima ng karahasan na agad na magtungo sa Quezon City Protection Center upang sila ay matulungan at mabigyang proteksyon.

    Ang panawagan ni Belmonte-Alimurong ay bunsod ng patuloy na nagaganap na karahasan, lalo na sa kababaiha’t kabataan, sa kabila ng kampanya ng lokal pamahalaan laban sa dito. Idinagdag pa niya na dahil dito ay parami nang parami ang humihingi ng saklolo sa QCPC.

    Ayon sa datos aabot na sa mahigit na 1,000 biktima ng karahasan at pang-aabuso, karamihan ay mga babae’t bata, ang napangalagaan ng QCPC simula ng maitayo ito noong 2011 ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod.

    Napagalaman pa mula sa rekord na ang QCPC ang pangunahing ahensiya ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon na nangangalaga sa mga naging biktima ng karahasan sa pamamagitan ng pagbibigay nito ng libreng serbisyong ligal at medikal.

    (File Photo) Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong Photo © Philippine Star

    “We have given them a venue, a place to run to whenever they need help. We are quite proud that through our crisis center, we have encouraged victims of gender-based violence to come out and fight back,” sabi ni Belmonte-Alimurong.

    Idinagdag pa niya na nagbigay katiyakan sa kanya ang pamunuan ng QCPC na ginagawa nito ang lahat para malimutan ng mga biktima na nasa kanilang pangangalaga ang kanilang masasamang karanasan dahil sa pandarahas na naranasan.

    “If you are a victim of abuse, you feel devastated and an outcast. Our aim is to help a victim to be back in his or her old self na may self-esteem, may dignity,” ani Belmonte.

    Samantala inihalimbawa naman ni Dra. Elsie Callos, isa sa mga medical consultants ng QCPC, ang kaso ng isang “battered wife” na humingi ng tulong sa kanila noong 2014.

    Agad binigyan ng QCPC ng karampatang tulong medikal ang ginang hanggang siya ay naka-recover. Kasabay noon ay tumulong din ang sentro na sampahan ng kaso sa kanyang abusadong asawa.

    No Comments "

    Balay Silangan rehabilitation program inilunsad ng PDEA

    April 28th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Balay Silangan MoU signing at the PDEA Headquarters in Quezon City (April 25, 2018)

    INILUNSAD ng Philippine Drug Enforcement Agency ang “Balay Silangan,” isang community-based na rehabilitation program para sa mga nalulong sa bawal na gamot upang sila ay makapagbagong buhay sa lalong madaling panahon.

    Bukod sa pagbibigay pagkakataon sa mga nabiktima ng bawal na gamot na makapagsimula muli, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na bahagi rin ng programa ang pagtatayo ng mga pansamantalang shelter para sa kanila.

    The program is reformatory in nature. It is an alternative intervention for drug personalities who are not users and are not eligible to undergo medical treatment and rehabilitation in facilities supervised by the Department of Health (DOH),” paliwanag ni Aquino.

    Idinagdag pa ni Aquino na ang naturang programa ay inaprubahan ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa ilalim ng Regulation Number 2, Series of 2018. Ang Balay Silangan ay pormal na inilunsad ng mga opisyal ng PDEA at miyembro ng Balay Silangan Program National Oversight Committee sa isang Memorandum of Understanding signing nitong Miyerkoles sa punong tanggapan ng PDEA sa Quezon City.

    Ayon sa Balay Silangan Program National Oversight Committee, unang ilulunsad ang programa sa General Santos City sa Mayo 22, 2018. Susunod naman sa Cabanatuan City (Mayo 24, 2018), sa lalawigan ng Capiz (Mayo 26, 2018) at sa Caloocan City (Mayo 30, 2018).

     

    No Comments "

    Kontrobersyal na “narcolist” ilalabas na ng PDEA

    April 27th, 2018

    Ni Santiago Celario

    PDEA DG Aaron Aquino

    TINIYAK nang Philippine Drug Enforcement Agency na ilalabas nito sa Lunes ang narcolist ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa bansa.

    Ito ang ipinahayag nitong Biyernes ni PDEA Director General Aaron Aquino sa isang pulong balitaan. Sinabi niya na ito ang tugon ng ahensya sa malawak na panawagan ng publiko na ilabas ang listahan ng mga barangay officials na sangkot sa pagpapakalat ng illegal na droga upang matalino silang makapagpasya kung sino ang dapat ihalal sa paparating na halalang pambarangay.

    Matatandaan na bago nagpasya ang PDEA na ilabas sa Lunes ang narcolist ay nagturuan pa muna si Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya at si Aquino kung sino ang dapat maglabas ng kontrobersyal na listahan na sinasabing “confidential.”

    (Basahin Pa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/24/confidential-ang-narcolist-pero-pdea-handang-magpangalan-ng-mga-barangay-officials-na-sangkot-sa-droga-kung-iuutos-ni-pangulong-duterte/)

    Gayun man ay sinabi ni Aquino na handa ang PDEA na isapubliko ang narcolist kung ito ay ipaguutos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bagamat walang nabanggit kung nagutos nga si Duterte na ilabas ang narcolist ay naniniwala ang mga tagasubaybay na may bumabang kautusan mula sa Pangulo.

    Ayon kay Aquino aabot sa 211 pangalan ang kabilang sa validated list ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa illegal drugs sa buong bansa. Sinabi pa niya na maaring madagdagan ang mga pangalan sa listahan dahil patuloy pa ang ang isinasagawang “validation report” ng PDEA.

    Tiniyak ni Aquino na ang narcolist ng mga barangay official mula sa 287 ng barangay ng bansa ay validated dahil masingsing hinimay ng mga intelligence agency ng pamahalaan, kabilang ang na PDEA.

    No Comments "

    Murang bigas mabibili ng mga taga-QC mula sa tindahan ng lokal na pamahalaan

    April 25th, 2018

    Ni Santiago Celario

    QC Mayor Herbert Bautista and QC Vice Mayor Joy Belmonte-Alimurong Photo ©
    http://www.interaksyon.com

    DAHIL sa nararanasang kakulangan ng mabibiling murang bigas, umarangkada nitong Miyerkoles ng umaga ang Rolling Tienda/Bigas ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon upang magbenta ng murang commercial rice sa mga mahihirap na residente ng lungsod.

    Katuwang ang Department of Agriculture, pinangunahan ni Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong ang pangangasiwa sa paglulunsad ng rolling tienda sa Brgy. Sto. Niño at Tatalon, QC.

    Napag-alaman ng mga mamamahayag na ibebenta ng Tienda sa halagang PhP38 lamang ang bawat kilo ng bigas. Ito ay mura ng PhP7 kumpara sa regular na ibinebentang bigas sa merkado.

    Gayun man ay limitado lamang sa 10 kilong bigas ang mabibili ng bawat pamilya mula sa Tienda. Ito ay para makasiguro ang pamahalaang lokal na mas maraming makikinabang sa programang ito.

    Ayon kay Belmonte-Alimurong, sa kagustuhan ng pamahalaang panglungsod sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista na maipaabot sa masa ang murang bigas ay siniguro ng kanyang tanggapan na maihatid sa mga taga Quezon City ang de kalidad subalit murang bigas mula CALABARZON sa kabila ng kakulangan ng NFA rice sa merkado.

    Nabatid pa kay Belmonte-Alimurong na ang rolling tienda ay mag-iikot sa iba pang barangay ng lungsod hanggang April 30, para maabot ang mas marami pang mahihirap na residente ng lungsod.

    No Comments "

    Confidential ang narcolist pero PDEA handang magpangalan ng mga barangay officials na sangkot sa droga kung iuutos ni Pangulong Duterte

    April 24th, 2018

    Ni Santiago Celario

    (File Photo) DILG Asst. Secretary Jonathan Malaya, PDEA DG Aaron Aquino, PH President Rodrigo Duterte.

    WALA umanong awtoridad ang Philippine Drug Enforcement Agency na ibunyag sa publiko ang mga pangalan ng 200 puno at kagawad ng barangay na sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa bansa.

    Ito ang tugon ni PDEA Director General Aaron Aquino kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya isang araw matapos ipahayag nitong huli na dapat isapubliko ng pangunahing ahensya laban sa bawal na gamot ang listahan na naglalaman ng mga pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.

    (Basahin pa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/23/pdea-dapat-ilabas-ang-listahan-ng-mga-opisyal-ng-barangay-na-sangkot-sa-kalakaran-ng-droga-sa-bansa-dilg/)

    I don’t have the authority to release it… the narcolist is considered as confidential…but if ordered by the President then I will publish it,” sabi ni Aquino sa isang text message sa mga reporter nitong Martes.

    Sa kabila ng pagtanggi ng PDEA na isapubliko ang narcolist ay tiniyak naman ni Aquino na walang dapat ipagalala ang publiko dahil ipanagpapatuloy naman ng PDEA, katuwang ang Philippine National police (PNP), ang mga operasyon laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs.

    We will continue to conduct negation operation against them…,” diin ni Aquino.

    Matatandaan na sinabi ng direktor heneral ng PDEA na aabot sa 287 barangay captain at kawagad ang hinihinalang sangkot sa kalakalan ng illegal drugs sa bansa. (Basahin pa sa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/11/mahigit-200-puno-at-kagawad-ng-barangay-sa-buong-bansa-sangkot-sa-kalakaran-ng-bawal-na-gamot-pdea/)

    Nauna rito ipinaliwanag ni Malaya sa isang pulong balitaan nitong Lunes na ang posisyon ng DILG kaugnay sa paglalabas ng pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa pangangalakal ng bawal na gamot ay bunsod ng lumalawak na panawagan ng taong bayan.

    Ayon sa kanya ay hinihiling ng mga mamamayan sa gobyerno na pangalanan sa lalong madaling panahon ang mga opisyal ng barangay na may kaugnayan sa pagpapakalat ng bawal na gamot upang matalino silang makapagpasya kung sino sa ang dapat iboto sa nalalapit na halalang pambarangay.

    Idinagdag pa niya na “dapat ang PDEA ang maglabas ng drug list ng mga barangay official dahil sila ang tamang ahensya na dapat magbigay pahayag kaugnay dito.”

    No Comments "

    PDEA dapat ilabas ang listahan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa kalakaran ng droga sa bansa – DILG

    April 23rd, 2018

    Ni Santiago Celario

    DILG Asec. Jonathan Malaya during a press conference. Photo by Darren Langit/Rappler

    DAPAT ilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency ang listahan ng sinasabi nitong 200 puno at kagawad ng barangay na sangkot umano sa kalakaran ng bawal na gamot sa bansa.

    Ito ang tugon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lumalawak na panawagan ng taong bayan na humihiling na pangalanan nang ahensya ang mga opisyal ng barangay na may kaugnayan sa pagpapakalat ng bawal na gamot upang matalino silang makapagpasya kung sino sa ang dapat iboto sa nalalapit na halalang pambarangay.

    Ayon kay DILG spokesperson Assistant Secretary Jonathan Malaya nitong Lunes, ang PDEA ay dapat na maglabas ng listahan ng mga barangay official na hinihinalang sangkot sa illegal drugs.

    Matatandaan na ipinahayag kamakailan ni PDEA Director General Aaron N. Aquino na aabot sa 287 na barangay captain at kawagad ang hinihinala nilang sangkot sa kalakalan ng illegal droga sa bansa. (Basahin pa sa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/11/mahigit-200-puno-at-kagawad-ng-barangay-sa-buong-bansa-sangkot-sa-kalakaran-ng-bawal-na-gamot-pdea/)

    Dapat ang PDEA ang maglabas ng drug list ng mga barangay official (Brgy. Captain at kagawad na sangkot sa illegal drugs) dahil sila ang tamang ahensya na dapat magbigay pahayag kaugnay ditopaliwanag Malaya habang nasa isang pulong balitaan.

    Sinabi pa ni Malaya niya na may impormasyon siya na maglalabas na ang PDEA sa lalong madaling panahon ng listahan ng mga barangay officials na sangkot sa kalakalan ng bawal na gamot.

    Kasabay nito, ipinaalala ni Malaya sa lahat na mahigpit na ipinagbabawal ng batas na gamitin ang pasilidad at likas yaman ng barangay sa mga illegal na aktibidad tulad ng pagbebenta ng illegal na droga.

    No Comments "

    Bulkang Kanlaon sa Negros muling kumilos

    April 19th, 2018

    Ni Santiago Celario

    (File Photo) Mount Kanlaon. Image © https://en.wikipedia.org

    PITONG beses na pagyanig ng lupa bunga ng pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon sa Gitnang Visayas ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Huwebes ng umaga.

    Ayon sa Phivolcs nasa alert level 2 ang Kanlaon, na mamatagpuan sa isla ng Negros, dahil sa patuloy na pagkilos at pagbubuga nito ng magkahalong maputi’t maitim na usok.

    Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang Phivolcs sa mga lokal na pamahalaan na nakasasakop sa bulkan at sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometraheng (4 km.) radius ng bulkan dahil ito ay isang Permanent Danger Zone.

    Pinagsabihan din muli ng Phivolcs ang Civil Aviation Authority of the Philippines na muling bigyang babala ang mga pilot na iwasang magpalipad ng eroplano malapit sa bunganga ng bulkan dahil sa maaring pagputok nito ano mang sandali.

    Sinabi pa ng Phivolcs na patuloy ang pagbabantay ng ahensya sa Bulkang Kanlaon dahil mga sa aktibidad nito.

    No Comments "

    Dating pulis sabit sa election gun ban?

    April 18th, 2018

    Ni Santiago Celario

    QCPD Dir. C/Supt. Gullermo Eleazar Photo © gmanetwork.com

    INARESTO ng mga awtoridad ang isang retiradong pulis nitong Lunes ng gabi matapos itong ireklamo ng panunutok ng baril ng isang traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority sa Quezon City.

    Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T Eleazar ang retiradong miyembro ng Philippine National Police si Robertson Cruz Estrella, 63, na may dating ranggo na Police Officer 1 (PO1) at residente ng 53 Siling Bata, Pandi, Bulacan.

    Sabi ng mga imbestigador, si Estrella ay nakasakay sa isang UV Express na minamaneho ni Melchor Tanalgo sa kahabaan ng Commowealth Avenue, Brgy. Batasan Hills ng parahin ito nila MMDA Traffic Constable Christopher Bangalisan at Wilson Balceta sa harap ng Commission on Audit (COA) Bldg dahil umano sa paglabag sa batas trapiko.

    Ayon sa ulat ng pulisya, imbes na hayaan na lamang ang proseso ay nakialam si Estrella at nakipagtalo ito kina Bangalisan at Balceta. Hindi pa nakuntento, bumunot pa umano ito ng baril at sabay na tinutukan ang mga traffic constables.

    Agad naman humingi ng police assistance ang dalawang traffic constables sa kalapit na Batasan Police Station na naging dahilan upang agad na maaresto si Estrella.

    Sinabi ni Eleazar na nakumpiska mula kay Estrella ang isang lisensyadong Armscor caliber .45 pistol at 13 bala gayun man ay wala itong maipakitang exemption papers mula sa Commission on Elections para sa kasalukuyang ipinatutupad nitong election gun ban.

    Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) in relation to Omnibus Election Code si Estrella.

    No Comments "

    Minarkahan ng trahedya ang isang swimming party sa QC

    April 14th, 2018

    Ni Santiago Celario

    NAUWI sa trahedya ang masaya sanang pagtatampisaw ng pitong magkakaibigan makaraang makuryente’t masawi ang isa nilang kasamahan habang naliligo sa isang swimming pool sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

    Kinilala ng hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na si P/ Supt. Rodelio B. Marcelo ang biktima bilang si Joseph Manuzon Rivera, 17, at residente ng Babuyan Alley, No. 13 F. Gen. Avenue, Brgy, Bahay Toro, QC.

    Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:25 ng gabi sa swimming pool ng Magnolia Place na matatagpuan sa kahabaan ng Tandang Sora Ave. sa Brgy. Talipapa habang nagkakatuwaan ang mga magkakaibigan.

    Batay sa pahayag ni Jan Jedson Umali, isa sa mga kasama ng biktima, umahon na umano siya kasunod si Rivera subalit nadulas ito sa hagdanan ng pool at napahawak sa mga nakakabit na ilaw sa isang kalapit na hardin.

    Dahil dito ay bigla na lamang kumislap ang mga ilaw at nakita na lamang niyang nangingisay ang kaibigan.

    Ayon sa ilang testigo, tatangkain sana na hilahin ang biktima mula sa pool ng kanyang mga kaibigan subalit may sumigaw na baka sila ay makuryente rin kaya humingi na lamang ang mga ito ng saklolo sa pool attendant na agad namang inalis ang pagkakasaksak ng mga ilaw sa outlet ng kuryente.

    Agad na iniahon ang biktima at isinugod sa RLCT Mother and Child Hospital subalit binawian din ito nang buhay.

    No Comments "

    Mahigit 200 puno at kagawad ng barangay sa buong bansa sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot – PDEA

    April 11th, 2018

    Ni Santiago Celario

    (File photo) PDEA DG Aaron Aquino

    UMAABOT sa 287 puno at kagawad ng barangay ang kabilang sa mga personahe na nasa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency na pinaghihinalaang sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa bansa.

    Ayos sa isang pahayag ng PDEA sa isang pulong balitaan nitong Miyerkoles, ang pangalan ng mga opisyal ng barangay na nasa listahan ng PDEA ay nasa listahan na tangan rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

    Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na katuwang ng PDEA ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippine ISAFP sa pagkukumpirma sa pagkakasangkot sa kalakaran ng illegal na droga ng mga personahe ng barangay na nakalista sa talaan ng kanyang ahensya.

    Gayun man ay tumanggi si Aquino na tukuyin ang mga pangalan ng mga opisyal ng barangay na nasa listahan ng PDEA at ng intelligence community ng pamahalaan.

    Ginawa ni Aquino ang pahayag pagkatapos nitong lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) ng PDEA at Philippine Ports Authority (PPA).

    Ipinaliwanag ni Aquino na ang naturang kasunduan ay sasawata sa smuggling ng illegal drugs papasok sa ating bayan gamit ang sa mga puerta at pantalan ng bansa.

    Under the agreement the two parties are enjoined to continue utmost cooperation and coordination to conduct an intensive and unrelenting campaign against drug smuggling while encompassing the organized and systematic implementation of both the anti-drug and port laws,paliwanag ni Aquino sa mga mamamahayag.

    Kasabay nito ay tiniyak ng Aquino PDEA na ang naturang kasunduan ay mabibigay ng ganap na kapangyarihan sa ahensya para masawata ang pagpasok ng illegal drugs sa mga pantalan ng bansa.

    No Comments "

    Umabot sa 38 ang nadakip sa mga anti-illegal drugs operation ng pulisya sa QC

    April 10th, 2018

    Ni Santiago Celario

    (File photo) QCPD Dir. C/Supt. Gullermo Eleazar Photo © gmanetwork.com

    UMABOT umano sa 38 pinaghihinalaang tulak ng bawal na gamot ang inaresto ng mga kagawad ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency sa mga magkakahiwalay na buy-bust operations nitong Lunes sa Lungsod Quezon.

    Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga buy-bust operation ay isinagawa sa mga barangay ng Pasong Tamo, Talipapa, Laloma, Fairview, Anonas at Galas. Idinagdag pa niya na malaki pa rin ang bilang ng mga nadakip sa kabila ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa salot na bawal na gamot.

    Ilan sa mga nadakip ay kinilala bilang sila Elmerson Balleras, alyas Wowie, 28, at ang kanyang live-in partner na si Josephine Lumayog, 34, na umanoý pitong buwan buntis. Kilala umano ang dalawang ito bilang talamak na mga drug dealer.

    Tatlo pang suspek ang kinilalang sina Benjamin Rios, 24; Almario Bernardino, 51; at Andrean Lamiano,19, pawang residente naman Brgy. Pasong Tamo.

    No Comments "

    Boracay isasara na sa Abril 26

    April 7th, 2018

    Ni Santiago Celario

    (File photo) Playing with the sands of Boracay Island. Photo © CJ Espiritu

    PORMAL ng inihayag nitong Biyernes ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu ang anim na buwang pagsasara ng isla ng Boracay sa mga lokal at dayuhang turista simula nitong darating na April 26.

    Sa isang pulong balitaan sa tanggapan ng DENR, sinabi ni Cimatu na kahit magbukas ang mga establisimyento sa Boracay ay walang makapapasok na turista sa isla dahil bukod sa naipagbawal na ito ng DENR ay nasabihan na rin ang publiko.

    Ayon pa kay Cimatu, bagamat malayo sa Stations 1,2 at 3 ng Boracay ang kontaminadong lugar ng dagat ay hindi pa rin papayagan ng DENR ang mga turistang makapasok dahil nga sa isasagawang rehabilitasyon ng isla.

    Nagbabala si Cimatu na sakaling magmatigas ang may 900 establishment owners laban sa show cause order na naipadala sa kanila ng DENR ay mapipilitan ang ahensiya na kasuhan sila sa korte ng paglabag sa mga environment laws ng bansa.

    Ani ni Cimatu, ang kanyang pangasiwaan ay patuloy na maglalapat ng kaukulang parusa sa mga mahuhuling violators ng environment laws sa isla, gayundin sa iba pang tourist spots ng bansa.

    At upang higit na mapangalagaan ang isla ng Boracay at ang kapakanan ng mga naninirahan dito, sinabi ni Cimatu na irerekomenda niya na maisama ang Department of Labor and Employment, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Energy at Department of Transportation sa Inter Agency Task Force-Boracay. (Read More: http://beyonddeadlines.com/2018/04/06/state-of-emergency-to-be-declared-in-boracay/)

    Sa kasalukuyan, tanging ang DENR at Department of Interior and Local Government lamang ang nakapaloob sa IATF-Boracay na siyang may responsibilidad sa rehabilitasyon ng nasabing isla.

    Sa kabilang banda, niliwanag ni Cimatu na wala silang kinalaman sa planong pagtatayo ng Floating Casino ng mga Chinese businessmen sa Boracay at nagulat na lamang siya ng malaman ang tungkol dito.

    No Comments "

    Mindanao niyanig ng lindol – Phivolcs

    April 5th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Image © phivolcs.dost.gov.ph

    NIYANIG ng lindol ang ang ilang bahagi ng Mindanao nitong Huwebes ng umaga.

    Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs dakong 11:53 ng maramdaman ang intensity 6 na paguga ng lupa sa Davao Oriental at mga karatig lugar. Idinagdag pa ng ahensya na tectonic ang sanhi ng lindol. Bagamat tumigil na ang paggalaw ng lupa ay may mga inaasahan pa rin na aftershocks.

    Walang naitalang napinsala o nasugatan sa insidente, sinabi ng Phivolcs.

    Ayon pa sa ulat ng ahensya, naramdaman naman ang intensity 4 na lindol sa Mati City, Tarragona, Lupon at Manay, Davao Oriental, Tagum City.

    Habang naitala naman ang intensity 3 na lindol sa Davao City, Cagayan de Oro City, General Santos City at intensity 2 naman ang pagyanig sa Surigao City, General Santos City, Koronadal City, Alabel, Malapatan, Sarangani, Hinatuan at Surigao del Sur.

    Samantala, intensity 1 ang naganap na pagyanig sa mga lungsod ng Bislig at Kidapawan.

    No Comments "

    Women and Children’s Protection Desk dapat dagdagan sa QC

    April 3rd, 2018

    Ni Santiago Celario

    Photo © Cofi Nuguid via Flickr | Manila Bulletin

    NANGANGAILANGAN pa ng mas maraming “Women and Children’s Protection Desk” sa Quezon City dahil talamak pa rin ang pambabastos sa mga kababaihan sa mga kalye at ang pang-aabuso sa mga bata sa buong bansa.

    Ito ang ipinahayag ni Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong nitong nagdaang Martes matapos mapansin na kulang ang mga WaCPD sa mga presinto ng pulisya upang matugunan ang pangangailangan sa proteksyon ng mga kababaihan at kabataan. Dapat umano ay magkaroon ng WaCPD sa lahat ng punong tanggapan nang 142 barangay ng lungsod.

    Ang QC ang pinakamalaking lungsod sa Metro Manila at ayon sa huling ulat ng mga awtoridad, tatlo sa bawat limang kababaihan ang nakakaranas ng pambabastos sa kalye.

    QC Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong Photo © Philippine Star

    With more women and children’s protection desks in every barangay, in addition to those at the police stations, we can address the vulnerabilities of women,” sabi pa ni Belmonte.

    Dahil dito ay kailangang gamitin ng lokal na pamahalaan ang laang Gender and Development (GAD) budget upang mapondohan ang mga ikakalat na WaCPD.

    Ayon sa Philippine Commission on Women, iniaatas ng GAD Budget Policy na dapat maglaan nang limang porsyentong halaga mula sa kabuuang budget ang gobyerno at mga sangay nito, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan, na gagamitin upang matustusan ang mga programa na may kinalaman sa gender equality.

    Sinabi ni Belmonte-Alimurong na ngayong 2018, ang budget ng QC ay umaabot sa PhP19 bilyon at ang limang porsyento nito, na tinatayang nasa PhP950 milyon, ay nakalaan para sa GAD.

    Magugunitang sa pangunguna ni Belmonte-Alimurong ay ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng QC noong 2016 ang Amended Gender and Development Code.

    Ang QC ang kauna-unahang lungsod sa bansa na nagpasa ng batas laban sa tinatawag na street-level harassment ng kababaihan na mas kilala sa tawag na anti-catcalling ordinance.

     

    No Comments "

    PDEA namudmod ng pabuya sa mga impormante nito

    March 28th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Ang mga impormante na tumanggap ng pabuya kasa ang miyembro ng Operation: Private Eye

    ANIM na impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency ang tumanggap nitong Martes ng pabuya na umaabot sa mahigit na PhP7 milyon mula sa nasabing ahensya dahil sa mga impormasyon na kanilang ipinaabot na naging dahilan ng pagkakaaresto ng mga “drug personalities” na kinabibilangan ng mga mamumuhunan at tulak ng bawal na gamot.

    Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino malaki ang tulong nila alyas Krugger, Jacpat, Mata, Keeper, B1-1 at Highway Man sa pagkakadakip ng mga susing personahe na sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa bansa, at ang pagkakakumpiska ng mga illegal na droga. Ang mga impormante ay nakapaloob sa programang “Operation: Private Eye” ng PDEA.

    PDEA DG Aaron Aquino

    Sinabi ni Aquino na mayroong Rewards Committee ang Operation Private Eye na binubuo ng mga taga-academe, non-government organizations, law enforcement, religious at business sectors. Ang komiteng ito, matapos ang masinsing deliberasyon, ang nagapruba sa resolusyon na nagbigay ng kabuuang PhP7,525,235.19 milyong pabuya sa mga impormante.

    Ayon sa PDEA si “Krugger” ang tumanggap ng pinakamalaking pabuya at umabot sa halagang PhP2 milyon. Siya ang nagbigay ng impormasyon na nagresulta ng pagkakakumpiska ng 162.55 kilograms ng methamphetamine hydrochloride o shabu at pagkakadakip sa dalawang drug personalities sa kahabaan ng A. Bonifacio Street, San Juan City nitong nakalipas na Disyembre 23, 2016.

    Sumunod kay Krugger si “Jacpat” na tumanggap naman ng mahigit sa PhP1.8 milyong pabuya dahil sa pagbibigay impormasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 76,695.70 gramo ng shabu at pagkakadakip ng dawalang personahe sa Maynila noong ika-21 ng Enero, 2016.

    Natanggap naman ni “Mata” ang halagang mahigit sa PhP1,5 milyon matapos magbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 29,883.88 gramo ng shabu at pagkakadakip sa drug personalities sa Claveria, Cagayan noong Hunyo 23, 2016.

    Mahigit PhP1.4 milyon naman ang natanggap ni “Keeper” dahil sa pagbibigay ng impormasyon na nagresulta ng kumpiskasyon sa 28,564.07 gramo ng shabu at pagkakadakip sa isang drug personality sa Imus, Cavite noong Mayo 20, 2016.

    Umabot naman sa mahigit na kalahating milyon ang natanggap ni “BI-1” dahil sa kanyang impormasyon na nagresulta ng pagkakakumpiska ng 19 piraso ng ecstasy tablets,17.9943 gramo ng marijuana, pagkakalansag ng isang small scale clandestine shabu laboratory at pagkakadakip sa anim na drug personalities sa Barangay Hulo, Mandaluyong City noong Nobyembre 1, 2017.

    Habang pinagkalooban naman si “Highway Man” ng PhP174,256.40 dahil sa kanyang naging tulong sa PDEA.

    No Comments "

    Trapik inaasahan sa mga tollways ngayong panahon ng Semana Santa

    March 20th, 2018

    Ni Santiago Celario

    Vehicles queue up before the NLEX entrance in Balintawak. Image © mb.com.ph/MArk Balmores

    INAASAHAN ang pagtaas ng bilang ng mga motorista na gagamit sa North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway at Cavite Expressway ngayong darating na Semana Santa dahil sa pagdagsa ng maraming motorista na bibiyahe sa kani-kaniyang mga probinsya.

    Kaugnay nito ay tiniyak ng pamunuan ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na handang ayudahan at alalayan ang inaasahang libo-libong motorista na dadagsa sa mga lalawigan ngayong semana santa sa ilalim ng “Safe Trip Mo, Sagot KO”(SMSK) motorist assistance program sa NLEX, SCTEX at Cavitex.

    Gayun man ay nagpahayag ang pamunuan ng MPTC hindi pa rin maiiwasan ang pagsikip ng daloy ng mga sasakyan dahil sa dagsa ng motorista.

    Inaasahan na magkakaroon ng mahabang pila ng mga sasakyan sa mga toll booth ng NLEX, SCTEX, Cavitex mula Marso 26 hanggang Abril 2 at dahil dito ay tiyak na magsisikip ang daloy ng trapiko sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Sta Ines, Tarlac at Subic Tipo toll plaza.

    Matatandaan na noong nakaraang Semana Santa ay umabot sa tinatayang 300,000 sasakyan ang bumiyahe sa mga tollways ng MPTC.

    Sa ilalim ng programang SMSK 2018, hindi lamang ngayong semana santa magkakaloob ng ayuda sa mga motorista ang MPTC sa mga pangunahing tollways nito, kundi sa panahon din ng Undas, Pasko at sa mga long weekends tulad sa April 7-9, National Heroes Day sa August 25 -27 at Bonifacio Day-November 30-December 2.

    1 Comment "

    Isang pulis at dalawang iba pa huli sa buy-bust operation sa QC

    March 19th, 2018

    Ni Santiago Celario

    QCPD Dir. C/Supt. Gullermo Eleazar Photo © gmanetwork.com

    DINAKIP ng mga awtoridad ang isang aktibo at isang dating pulis, at isa pang kasama nila matapos silang mabitag sa isang buy-bust operation sa Cubao, Quezon City nitong Linggo ng gabi.

    Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang mga dinakip bilang sila Police Officer 2 (PO2) Joseph Soriano, 44, na nakatalaga sa Police Holding and Accounting Unit (PHAU) ng Philippine National Police; retired Senior Police Officer 1 Eduardo Valle, 53; at Don Jacky Cortez, 32.

    Ayon kay Eleazar si Soriano ay pumasok sa police service nitong nakalipas na September, 1997, at na-assign sa iba’t ibang police units sa Mindanao bago natalaga sa PHAU sa Camp Crame matapos itong humiling ng early retirement dahil sa isang head injury na tinamo nito sa isang motorcycle accident.

    Sinabi pa rin ni Eleazar na si Soriano at Cortez ay parehong nasa target list ng Philippine Drug Enforcement Agency at kasalukuyang under surveillance ng mga elemento ng QCPD Station 7 (Cubao) anti-drugs personnel sa pangunguna ni P/Supt Louise Benjie Tremor at mga kagawad ng Barangay Socorro, Cubao.

    Ayon sa ulat ng mga awtoridad na nakalap, dakong 11:35 ng Linggo gabi ay nagsagawa ng buy-bust operation ang Station Anti-illegal Drug Enforcement Unit (SDEU) Cubao Police Station sa pakikipagtulungan sa PDEA sa kanto ng 10th Ave. at P. Tuazon Blvd. Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

    Nakumpiska umano mula sa kanila ang 19 sachets ng shabu na nagkakahalaga ng PhP20,000.00, dalawang cellphone na umano ay ginagamit sa mga drug transactions at ang pera na ginamit daw sa buy-bust.

    No Comments "