Suicide bombers*

SUICIDE bombers umano ang nasa likod ng brutal at madugong pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 22 tao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa, dalawang araw matapos maratipikahan ang Bangsamro Organic Law (BOL).

Ito ang kinumpirma ng pulisya at militar batay sa pinagsama-samang pagsisiyasat at testimonya ng mga testigo. Nakita raw ang isang babae at lalaki na pumasok sa simbahan. Ang lalaki lang daw ang nakitang lumabas ng simbahan samantalang ang babae na may suot na jacket at dalang bag ay naiwan.

Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año ay mag-asawang Indonesian ang nagpasabog sa simbahan na ginabayan ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na nagsagawa ng surveillance sa target area. Maaalalang inako ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pagsabog sa loob at labas ng simbahan.

Para sa inyong kaalaman, ang suicide bombings ay hindi pangkaraniwan sa lokal na terorista dahil ang gumagawa kadalasan nito ay mga dayuhan sa paghahasik nila ng lagim sa ibang bansa

Naulat na hindi ito ang unang pagkakataon na naging target ng terorista ang naturang simbahan. At kadalasan, mga bandidong ASG ang nasa likod ng mga pag-atake.

Noong Hunyo 3, 2000 ay hinagisan ng granada ang Our lady of Mount Carmel sa kasagsagan ng mga negosasyon para palayain ang mga binihag ng mga terorista sa Mindanao.

Bobombahin sana ng mga terorista ang simbahan sa Jolo noong Marso 27, 2006 pero nabaling ang pagpapasabog sa kalapit na gusali ng multipurpose cooperative kung saan lima ang nasawi at 17 ang sugatan.

Isang improvised explosive device (IED) naman ang pinasabog sa harap ng tindahan na 100 metro lang ang layo sa katedral noong Hulyo 7, 2009 na ikinasawi ng anim na tao at ikinasugat ng 40. Dalawa pang IEDs ang natuklasan sa lugar na nakatago sa nakaparadang motorsiklo.

Naitala na may mga granada ring pinasabog sa labas ng simbahan sa mga petsang Oktubre 27, 2009, Disyembre 31, 2009, Enero 10, 2010, at Mayo 21, 2010. Noong Agosto 1, 2012 ay may pinasabog na granada sa bubong ng simbahan pero walang nasugatan. Isang granada rin ang pinasabog sa labas ng katedral noong Agosto 14, 2013 kung saan isa ang nasugatan.

Ang pagsabog na naganap noong Enero 27 ang pinakahuli sa mga pag-atake ng mga terorista sa naturang simbahan at unang pagkakataon din na suicide bombers ang nagsagawa nito. Huwag na sanang maulit ito at magkaroon na ng tunay na kapayapaan sa lugar na matagal nang inaasam at ipinagdarasal ng mga residente.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.


BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.