Milyong pabuya ibibigay ng QC sa makapagtuturo sa mga nasa likod ng pamamaslang ng matulunging Barangay chair

Ni Santiago Celario

Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong Photo © Philippine Star

UPANG madaling malutas ang kaso ng pagpatay kay Bagong Silangan Barangay Chairwoman Giselle “Beng” Beltran ay inaprubahan nitong Huwebes ng Quezon City Council ang panukalang paglalaan nang P5 milyong pabuya sa sinumang magkapagbibigay ng impormasyon o makakapagturo sa mga nasa likod ng nasabing pamamaslang.

Tinambangan ng apat na hindi pa kilalang salarin si Beltran at ang kanyang driver noong Miyerkules ng umaga sa kahabaan ng J.P. Rizal Street, malapit sa Gate 5 ng Filinvest 2, sa Brgy Bagong Silangan, QC. Si Beltran ay nagpahayag kamakailan ng layunin na tumakbo bilang kongresista ng QC.

Habang isinasagawa ang special session sa QC City Council ay unang ipinanukala ang pagbibigay nang P3 milyong pabuya sa magiging impormante kaugnay ng nasabing pamamaslang. Gayun man ay nag mosyon si QC Council Majority Leader Franz Pumaren na gawin nang P5 milyon ang reward money, na agad namang pinaboran ng mayorya ng konseho kaya’t nagbigay hudyat ang tumayong presiding officer na si Councilor Irene Belmonte na aprubahan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.

Sina QC Councilors Alfredo Roxas, Franz Pumaren, Godofredo Liban, Xenia Lagman, Alex Herrera, Voltaire Liban, Don Matias, Raquel Malangen, Lena Marie Juico, Lorenzo dela Fuente, Eric Medina at Ranulfo Ludovica ang may akda sa ordinansa.

Sa kanyang panig, ipinaliwanag ni QC Acting Mayor Josefina Belmonte-Alimurong na binigyang timbang ng konseho na maitaas sa P5 milyon ang reward money upang mas mapadali ang paglutas sa kaso ng pagpatay kay Chairwoman Beltran.

Sinabi din ni Belmonte na kanyang ikinalulungkot ang nangyari kay Beltran na anya’y naging close sa kanya dahil sa palagiang pakikipagtutulungan nito sa pagkakaloob ng serbisyo sa mga taga Bagong Silangan, na madalas na dumanas ng baha at minsa,y nakakaranas ng sunog ang mga taga roon.

Kasabay nito ay nanawagan din sa publiko si Belmonte-Alimurong na makipagtulungan sa pulisya para sa agarang ikadarakip ng mga suspek.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.