Nasindak?*

HINDI man aminin ng magigiting nating mambabatas ay marami ang naghihinala na nasindak at nayanig sila sa inaning poot mula sa iba’t ibang sektor dahil sa desisyong ibaba ang pananagutan sa krimen sa edad na siyam na taong gulang.

At ito ang nagbunsod sa kanila para baguhin ang naunang desisyon at itaas ang age of criminal liability sa 12 anyos na kanilang inaprubahan noong Miyerkules.

Pero hindi ito sinasang-ayunan ng ilang senador tulad ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, na nagpahayag na ang edad 12 na inaprubahan ng House ay maituturing na masyadong bata pa rin at ang mungkahi niya ay gawin itong edad 13, na simula ng pagpasok ng bata sa puberty o pagiging teenager.

Sa edad 13 ay may pag-iisip na raw ito upang malaman kung ano ang tama o mali. Ang mga mahuhuling batang kriminal o children in conflict with the law (CICL) ay hindi raw dapat ihalo sa mga pangkaraniwang preso at dapat ilagay sa Bahay Pag-asa reformation centers.

Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat pagtuunan ng pansin ng panukala ang implementasyon. Batay raw sa kanilang mga pagdinig ay kumbinsido siya na walang mali sa batas kundi sa pagpapatupad nito at ang dapat pagtuunan ay ang gagawing pag-amyenda rito. Bago raw amyendahan ang batas ay dapat itong bigyan ng pagkakataon at magkaroon ng mahigpit na implementasyon upang matupad ang hangarin na nakapaloob sa batas.

Huwag kaliligtaan na dumarami ang mga batang kriminal bunsod ng kahirapan at kanilang ginagalawang kapaligiran. Nasaan ngayon ang ugat ng problema? Maraming batas at pangako ang gobyerno para protektahan ang mga bata at ang kanilang mga karapatan pero ang problema ay nasa tamang pagpapatupad nito.

Marami sa atin ang hindi nakababatid na ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice Act of 2006 na nagbibigay ng pagkakataon sa mga batang edad 15 pababa na makalusot sa mga krimen ay inamyendahan noong 2013 ng R.A. 10630. Nakasaad sa Section 20-A ng naturang batas na ang mga batang hanggang 12 anyos ay puwedeng mapiit sa mga seryosong krimen tulad ng rape, murder, homicide at iba pa. Inaatasan din nito ang mga local government units na pangasiwaan ang sarili nilang Bahay Pag-asa.

Bakit pa kailangang amyendahan ang batas? Maraming batas para sa bata at ang problema ay ang tamang implementsayon nito.

Higit sa lahat, huwag ninyong pag-initan at parusahan ang mga bata. Alam ko na mas madali para sa inyo na hulihin ang mga bata pero ang dapat habulin at ikulong ninyo ay mga walang awang kriminal at sindikato.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.


BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.