Opinions

Mag-ingat sa flu*

PINAAALALAHANAN natin ang publiko na mag-ingat na mahawahan ng flu o trangkaso na naulat na uso na naman sa kasalukuyan.

Kung minsan ay binabalewala natin ang pagkakaroon ng simpleng sinat o lagnat na hindi nararapat dahil ang inaakala nating kaunti o katiting na sakit ay puwedeng lumala at maging dahilan ng maaga nating pagkasawi.

Kung papasok sa paaralan o kaya ay hindi maiiwasang magpunta sa matataong lugar gaya ng simbahan, shopping mall o mga pamilihan tulad ng Divisoria, Quiapo at Santa Cruz ay gawing ugali ang pagsusuot ng face mask upang hindi makalanghap o makasagap ng sakit mula sa mga tao na kahit may karamdaman ay binabalewala lang ang kalusugan at walang pakialam kung makapanghawa man sila ng kanilang kapwa na mahihina ang naturalesa at pangangatawan.

Ang paalala naman ni Philhealth independent director Anthony Leachon, dapat umanong matuto ang publiko na magtakip ng bibig, maghugas ng kamay o gumamit ng rubbing alcohol matapos magpunta sa matataong lugar. Maaari raw hindi alam ng tao na nahawakan niya pala ang mga bagay na napatakan o nabagsakan ng droplets ng virus.

Kailangan natin ng sapat na pahinga, malusog na pangangatawan at malakas na immune system upang makaiwas na magkaroon ng trangkaso lalo na ngayong malamig ang panahon tuwing madaling-araw. Hangga’t maaari ay uminom ng maraming tubig. Kapag napuna na nanghihina na ang pasyente at parang naguguluhan na ito sa kanyang paligid ay dapat maisugod na siya sa pagamutan at ipa-check sa mga manggagamot.

Hindi ito dapat binabalewala dahil kapag napabayaan ay may posiilidad na mauwi ang trangkaso sa mas malalang sakit na tulad ng pneumonia na batid nating nakamamatay. May posibilidad din daw na kumalat ang virus sa anumang bahagi ng katawan tulad ng utak, puso o magkaroon ng impeksyon.

Ang sintomas nito ay ang pagkakaroon ng lagnat. Paminsan-minsan ay wala itong lagnat pero kadalasan ay may sipon, ubo at pananakit ng lalamunan. Ang iba ay nakararanas ng panginginig ng katawan at pakiramdam na parang walang ganang kumain. Puwede umanong umabot ng isang linggo ang pagkakaroon ng trangkaso.

Ayon sa DOH, mas delikado sa mga senior citizen at mga bata kapag nasabayan ang trangkaso ng bacterial infection kaya makabubuti kung magpapabakuna sila.

Ingatan ang sarili at lalo na ang ating mga mahal sa buhay. Gawin ang lahat ng pag-iingat at huwag ninyong pababayaaan ang kalusugan. Ayon sa Department of Health (DOH) ay nakapagtala sila ng 249 kaso ng trangkaso at flu-like illness noong Disyembre. At ang lalong nakaaalarma ay tumataas pa raw ang bilang nito tuwing Enero hanggang Marso.

Pahalagahan ang buhay.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.


BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.