Opinions

Lutas na*

IPINAGMALAKI ni Director- General Oscar Albayalde, hepe ng Philippine National Police, ang tinawag niyang major breakthrough umano sa imbestigasyon ng pagkakapaslang kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe at ng kanyang security escort na si SPO2 Orlando Diaz sa Daraga, Albay noong Disyembre 22, 2018.

Lumutang sa imbestigasyon ng PNP ang mga pangalan ng anim na persons of interest na pawang naglilingkod sa tanggapan ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Ang plano na paslangin si Batocabe ay binuo umano noong Agosto 2018 nang ianunsyong tatakbo siyang alkalde ng Daraga.

Umamin si Emmanuel Judavar na sangkot siya sa pagpaplano pero umatras sa araw ng pamamaslang. Nauna siyang nagpunta sa mga awtoridad upang ipagtapat ang nalalaman.

Kabilang sa mga suspek si Christopher Naval alyas “Tuping”, isang dating sundalo na pinagtitiwalaang security aide ni Baldo. Napilitan siyang sumuko bunga ng masinsinang police operations. Ayon kay Tuping ay nag-alok si Baldo ng PhP5 milyon noong Setyembre para paslangin si Batocabe at nagbigay ng paunang bayad na PhP250,000 para makabili sila ng mga baril at motorsiklo.

Karamihan sa grupo ni Tuping ay dating militar, paramilitary personnel at rebeldeng New People’s Army (NPA) na kasalukuyang nagtatrabaho bilang confidential staff ni Baldo na gamit ang pekeng pangalan at PhP7,000 ang buwanang suweldo.

Bumili raw si Tuping ng dalawang motorsiklo sa Camalig, Albay na gamit ang pekeng pangalan na Abelardo Castillo samantalang ang kagrupo niya na si Danilo Muella alyas “Manoy Dan” na isa ring dating militar ay bumili ng dalawang home-made na kalibre .45.

Kasama rin sa grupo sina Henry Yuson alyas “Romel”, isang dating NPA rebel na bumaril daw kay Batocabe gamit ang kalibre .40 pistola; Rolando Arimado alyas “RR”, isang rebel returnee na nagsilbing lookout at bumaril din kina Batocabe at Diaz; Emmanuel Rosello alyas “Boboy”, dating miyembro ng CAFGU, at Jaywin Babor alyas “Jie”, dati ring sundalo na nagmaneho ng getaway vehicle at motorsiklo.

Kung totoo nga ang lahat ng mga ito at hindi set-up na isinisigaw ni Baldo, binabati natin ang kapulisan sa kanilang tagumpay. Sinampahan ng double murder at multiple frustrated homicide sina Baldo at ang anim na iba pa. Gayunman ay tahasang itinanggi ni Baldo ang akusasyon at sinabing lingkod-bayan siya na patuloy na magseserbisyo sa nasasakupan.

Kung tutuusin ay malaking kagaguhan para sa isang alkalde na magpapatay ng kalaban sa pulitika dahil siya ang unang suspek na iisiping mastermind. Malilinis pa kaya niya ang pangalan samantalang ang mga suspek ay pawang tauhan niya sa Office of the Mayor? Tiyak na maaapektuhan ang kanyang kandidatura dahil hindi iboboto ng mga mamamayan ang isang kandidato na may mga tauhan na dating rebelde at pinaghihinalaang nagpapatumba ng kalaban.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.