Opinions

Parusahan ang nagkasala*

MARAMI ang naniniwala na dapat talagang maparusahan ang mga nagkasala kahit na ano pa ang estado o katayuan nila sa buhay.

Sa madaling salita, kahit na pulis ang may sala ay dapat managot pa rin ito sa batas kung mapatutunayang siya ay totoong may kasalanan. Ang pagkakaroon ng tsapa, uniporme at baril ay hindi sapat para makalibre ang sino mang pulis sa kanyang pananagutan.

Sa isang video na nakuha ng ABS-CBN ay nakita ang isang pulis na may mataas na ranggo na binabanatan ang mga bagong recruit sa pagkapulis. Akalain ninyong ang opisyal na nakilalang si Superintendent Alex Dimaculangan ay nakitang hinahampas ang mga binti at balakang ng mga baguhan habang gamit ang baseball bat.

Nahaharap si Dimaculangan sa kasong administratibo at nagsumite na ng kanyang kasagutan na pag-aaralan ng National Police Commission (Napolcom).

Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rogelio Casurao, ang pinakamataas na parusa na puwedeng igawad ng hearing officer sa isang pulis na nakagawa ng kapalpakan ay dismissal sa kanyang trabaho. Puwede rin umano itong masuspinde kung saan ang kanyang suweldo at mga allowance ay mapu-forfeit.

Tiniyak din ni Casurao na ang baguhang recruit na nagsampa ng reklamo laban kay Dimaculangan ay kanilang puprotektahan laban sa harassment. Sinisiguro raw ng gobyerno na bibigyan ng sapat na seguridad at walang makagagalaw sa nagrereklamo dahil hinihimok nila ang ganitong kapulisan na lumantad at isiwalat ang hindi tamang ginagawa ng kanilang mga superior.

Pero masisisi ba natin kung may mag-isip na hindi dapat matapos sa kasong administratibo at parusang dismissal ang dapat igawad sa umaabusong pulis? Dapat din umano silang maharap sa kasong kriminal at makulong tulad ng ibang lumabag sa batas. Ang ginawa raw ni Dimaculangan ay maihahalintulad sa initiation rites ng fraternity na ipinagbabawal.

Minsan-minsan ay may opisyal na nabubulagan sa labis na kapangyarihan at inaakala na kahit ano ay puwedeng gawin nang walang pananagutan. Dahil mga pulis sila ay iniisip nila na lahat ng kanilang gustuhin ay pupuwede nang walang magiging sabit.

At ang masakit pang tanggapin ay ito rin ang sinusunod ng maraming pulis na hindi naniniwala sa kahalagahan ng buhay at walang pakundangang pumaslang ng kanilang mga hinuhuli.

Mabuti at nasentensyahan nang reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taon na pagkakabilanggo ang tatlo nilang kabaro na nakatalaga sa Caloocan City Police dahil sa pagkakasabit nila sa pagkasawi ng teenager na si Kian delos Santos noong 2017. Patunay rin ito na hindi lahat ng sinabing nanlaban sa mga pulis ay totoong lumaban nga. Tandaan na ang gumagawa ng kalokohan ay hindi makalulusot sa lahat ng oras.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.