Babala sa pulis*

NAWA’y magsilbing babala sa ibang kapulisan na maaaring naliligaw ng landas ang sinapit ng tatlo nilang kabaro na nakatalaga sa Caloocan City Police dahil sa pagkakasabit nila sa pagkasawi ng teenager na si Kian delos Santos noong 2017.

Sinentensyahan sina police officers Arnel Oares, Jeremias Pereda at Jerwin Cruz nang reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taon na pagkakabilanggo sa pagpaslang sa 17-anyos na si Delos Santos na tumanggi raw na maaresto sa isang lehitimong anti-illegal drug operation.

Si Delos Santos ay binaril at napaslang nila sa Caloocan noong Agosto 2017. Lalo pang nagalit ang sambayanan nang lumutang ang CCTV footage na nagpapakitang kinakaladkad si Delos Santos ng mga pulis patungo sa isang madilim na eskinita kung saan siya binaril. Lumabas sa autopsy result na nagtamo siya ng mga tama ng baril sa ulo kahit na nakaluhod na ito sa lupa.

Ipinag-utos din ng korte na arestuhin ang nakalalaya pang police asset na si Renato Loveras alyas “Nono” na kasama ng mga nahatulang pulis nang maganap ang krimen. Inakusahan nila si Delos Santos na drug courier umano ng kanyang ama at tiyuhin. Pero ayon sa ina ni Delos Santos na si Lorenzana, ang pagkakahatol ng guilty sa tatlong pulis ay nagpapatunay lang na walang katotohanan ang kanilang mga ibinibintang.

Ipinagbunyi ng nakararami ang desisyon laban sa tatlong pulis. Ito ay tagumpay hindi lang para sa pamilya Delos Santos kundi para sa buong bansa na magpapatunay na ang batas ay pantay-pantay para sa lahat.

Dapat mag-ingat na nang husto ang ibang kapulisan kahit sabihing ipinatutupad lang nila ang kautusan ng Pangulo sa digmaan sa droga dahil hindi ito nangangahulugan na lisensyado na silang gawin ang kahit ano na kanilang gustuhin kahit na lihis pa ito sa batas. Sa oras na lumagpas ang sino mang pulis sa limitasyon ng batas ay puwede siyang mapanagot na tulad ng mga pangkaraniwang mamamayan.

Gayunman, ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra ay hindi maaapektuhan ng naturang desisyon ang isinasagawa nilang giyera laban sa ilegal na droga. Magpapatuloy pa rin daw ang sigla nila sa panghuhuli ng mga suspek sa droga. At patuloy raw na gagampanan ng DOJ ang tungkulin nito.

Pero huwag natin kaliligtaan na ang sentensya na iginawad sa tatlong naturang pulis ay patunay lang na totoong may mga alagad ng batas sa digmaan sa droga na nalilihis ng landas. Hindi natin alam kung ilan pa ang mga katulad ni Kian na inosente pero pinagbintangang sangkot sa ilegal na droga. At hindi lahat ng sinabing nanlaban sa mga pulis ay totoong lumaban nga.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.