Lotteng at jueteng sa QC, Southern Metro*

TULOY-tuloy pa rin ang ilegal na operasyon ng lotteng sa Quezon City ni Lito Motor. Dahil basang-basa na ang pangalan niya, nagpa-front tuloy siya kay “Carlo Lotteng” na siyang tumatayong operator.

Sa Quezon City pa rin, ang jueteng operation ni alyas “Ryan 1-3-7” ay lumalaganap na sa syudad. Ang dating kinokolektahan ng mga taya ay ang mga lugar na sakop ng Quezon City Police District (QCPD) Station 1 hanggang 3 pero akalain ninyong gumapang na ito sa area ng QCPD Station 4 at 5.

Para sa mga hindi tumataya at walang alam sa sugal na ito, ang 1-3-7 ay hango sa numero na tatayaan sa jueteng mula 1 hanggang 37.

Sa southern part naman ng Metro Manila, ang Lotteng umano ni Tony Santos ay walang humpay at mukhang hindi natitinag. Pero dahil masasabing batikan na siya sa ilegal na larangang ito, ang Lotteng ay mina-manage ng mga ibang tao para sa kanya. Ito ay sina Joy para sa Parañaque City, Richard Taba sa Muntinlupa, Jonjon at ang sinasabing dating pulis na si Arguta para sa Taguig, at si Jun Ayungin sa Pateros.

Dahil ang mga resulta ng bola nito ay hango sa resulta ng Lotto, ang mga nasa likod ng Lotteng ay mga hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno. ‘Yung mga mayor at police chief ng bawat bayan at lungsod, pakiaksyunan po ang mga ilegal na gawaing ito.

Para sa mga alagad ng batas, huwag niyo hayaang gamitin ng mga ilegalista ang kanilang impluwensya para mapaglaruan ang batas. Magpakatotoo kayo sa tungkulin. Mahalin ninyo ang inyong trabaho at maglingkod nang tapat upang mapasilbihan at maprotektahan ang mga mamamayan.

Kapag may gumagawa ng ilegal sa isang lugar ay natutunugan agad ng mga pulis na nakasasakop dito maging ito ay kaugnay ng bawal na droga, sugalan o kung ano pa man. Kaya imposibleng hindi nila alam kapag may ilegal na sugal na pumasok at nag-operate sa kanilang teritoryo.

Makalulusot lang sa bugok na pulis na corrupt sa trabaho ang pagpapatakbo ng sugal na ipinagbabawal kapag napag-usapan at naayos na kung paano at magkano gagampanan nang lingguhan ang obligasyon ng mga ilegalista.

Tinatawagan natin ng pansin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Guillermo Eleazar na aksyunan ang kalokohan ng ilan sa kanyang kapulisan.

Para naman sa mga alkalde, mahiya naman kayo sa mga mamamayan na nagtiwala at ibinoto kayo sa puwesto. Huwag niyo hayaang pati kayo ay magamit ng mga gambling lord para magtuluy-tuloy lang ang ilegal nilang operasyon. Maging tapat kayo sa mga tao.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.