Nabalewala*

MAITUTURING na malaking setback para sa mga awtoridad ang naganap na pagbalewala sa kanilang pagsisikap at kontrobersyal na pagpapalaya sa anak ng nakapiit at nasentensyahang 72-anyos na Taiwanese drug queen na si Yu Yuk Lai.

Akalain ninyong ayon sa desisyon ay kulang umano sa probable cause ang pag-isyu ng korte ng search warrant sa anak ni Yuk Lai na si Dianne Yu Uy at may mga iregularidad daw na ginawa ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pinamumunuan ni Director General Aaron Aquino.

Ang droga na nakumpiska sa unit ni Uy ay “itinanim” lang daw at kumuha pa raw ang mga taga-PDEA ng PhP500,000 suhol mula sa suspek.

Tahasan itong itinanggi at kinondena ito ng PDEA. Ginulat daw sila ng desisyon na lumalabas na parang pumapabor pa umano sa akusado sa halip na magmukhang parehas at walang kinikilingang paglilitis. Ang pagkakahuli kay Uy ay resulta raw ng lehitimo at maingat na pagpaplano at isang buwang pagmamanman ng mga tauhan ng PDEA.

Bago hulihin si Uy ay sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PDEA, Special Weapons and Tactics (SWAT) at Bureau of Corrections (BuCor) ang selda ni Yuk Lai sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City. Nakakumpiska ang mga awtoridad ng 135 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng PhP1 milyon na itinago sa pantyliners, dalawang kilong shabu na may halagang PhP10 milyon, libu-libong kapsula na walang laman, mga tseke ng bangko at bank account na may depositong PhP1,501,934.

Makalipas ang ilang oras ay sinalakay ng PDEA sa tulong ng Presidential Security Group (PSG) ang condominium unit sa San Miguel, Maynila na malapit sa Malacañang at inookupahan ni Uy kung saan dalawang kilo ng shabu na may halagang PhP10 milyon ang nasamsam. Bukod sa mahigpit na pagmamanman ay nagsagawa rin sila ng test buy kaya nakumpirma ang bentahan ng droga.

Pinagbubuhusan ng matinding pagsisikap ang mga operasyon ng PDEA laban sa droga kaya sunud-sunod ang kanilang nahuhuli. At kung inyong napuna, hindi tulad ng pangkaraniwang mga pulis ay bihira lang ang mga nasasawi sa kanilang mga tinatrabaho.

Ayon sa korte ay tumanggap ang mga taga-PDEA ng PhP500,000 na suhol mula kay Uy samantalang noong mahuli ito ay sinubukan na niyang manuhol ng PhP5 milyon pero tumanggi ang mga nag-raid.

Paano natin tuluyang mapupuksa ang droga kung ganito ang magiging resulta? May mga pagkakataon na pinagtatawanan lang ng mga drug lord ang mga awtoridad dahil nabubutasan ang kanilang kaso. Paano magiging masinsinan ang kanilang operasyon kung mapapalaya lang ang kanilang pinaghirapang mahuli?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.