‘Reyna ng Pergalan’*

NGAYONG mahigit isang buwan na lang at Pasko na naman ay muling namamayagpag ang maliliit na karnabal na mas kilala sa tawag na perya.

Legal ang operasyon ng perya kapag nakakuha ng permit para mag-operate at nakapagbayad ng kaukulang amusement tax sa gobyerno.

Nagiging ilegal lamang ang takbo ng perya kapag pinasukan ng mga bawal na sugal na tulad ng “color game” at “drop ball” kaya tinatawag na itong “pergalan”.

At kapag mga sugal sa perya na ang talakayan, hindi maaaring makaligtaan ang pangalang “Marissa” na binansagang “Reyna ng Pergalan” sa Maynila.

Sa katunayan ay dinudumog ang mga sugalan ni Marissa na nakapuwesto sa Recto, Quiapo, Blumentritt at pati na sa Ilaya sa Divisoria na malapit lang sa police community precinct (PCP) at sa mismong simbahan. Hinihintay lang nila na magsara ang simbahan kinagabihan at bubuksan na nila ang pergalan.

Batid naman natin na kapag ilegal ang isang negosyo at malaki ang kinikita ay hindi ito makapagpapatuloy kung walang basbas ng mga corrupt na awtoridad. Ang mga nagpapatakbo ng pergalan ay obigadong maglagay at magbigay ng lingguhang parating sa mga nangongotong na pulis.

Pero sadyang tuso at mautak si Marissa dahil bago pa siya magbukas ng sugalan ay “inaayos” niya muna ang mga grupo na maaaring maging sagabal at baka magbigay ng problema sa kanyang operasyon. Kaya hindi na magiging palaisipan kung bakit hindi matinag ang kanyang mga pasugalan.

Bukod pa rito ay sinasabing may koneksyon siya hanggang sa Manila City Hall kaya malakas din kay Mayor Joseph “Erap” Estrada. Totoo naman kaya ito na pati ang alkalde ng Maynila ay kanyang nagagamit?

Posible nga na matindi ang koneksyon o kapit ni Marissa dahil dati nang ibinunyag at binatikos ng Firing Line ang kanyang color games. Akalain ninyong isang araw lamang natigil ang ilegal na operasyon ng gambling operator na ito at agad din nagpatuloy ang kanyang pamamayagpag at maliligayang araw.

Ang tanong na natitirang umiinog sa isipan ng mga nagsumbong sa Firing Line kaugnay ng ilegal niyang operasyon ay kung ano raw kaya ang “regalo” o “pamasko” na isinuka nito sa mga “panginoon” para magtuluy-tuloy ang kanyang pagtakbo?

Tinatawagan natin ng pansin sina Superintendent Dave Mejia, hepe ng Manila Police District (MPD) Station 2 at Superintendent Julius Caesar Domingo, hepe ng MPD Station 3. Aksyunan ninyo ang mga sugalan ni Marissa upang hindi isipin ng publiko na pati kayo ay tinatapalan niya ng pera.

Paano kayo rerespetuhin ng mga mamamayan kung patong kayo at protektor ng mga iligalista?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.