‘Laban o Bawi’*

KUNG naaalala ninyo ang sikat na larong “Laban o Bawi” na kontes noon sa isang noontime show sa telebisyon ay maihahalintulad ito sa nangyayari sa kasalukuyan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga puwersang komunista.

Ilang ulit nang nagalit si President Duterte at tinuldukan ang peace negotiations sa mga kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na pinangungunahan ng kanilang founder na si Jose Maria Sison pero laging nagbabago ang pasya ng Pangulo.

Ang pinakahuli ay naganap noong Hulyo ng nakalipas na taon nang sitahin ng administrasyon ang sunud-sunod na pagsalakay ng armed wing ng CPP na New People’s Army (NPA) sa mga tropa ng militar sa kabila ng mga umaandar na negosasyon. Sinuspinde rin ang anumang pag-uusap na maaaring maganap sa hinaharap.

Ang pagputol sa peace talks ay ikinatuwa ng marami nating kababayan na hanggang ngayon ay may poot sa dibdib sa mga komunista at naniniwalang hindi nararapat pagtiwalaan ang mga ito sa kahit anong kasunduan. Maliwanag naman na may katwiran sila dahil sa ipinamalas na katraydoran ng NPA kahit umaandar ang peace talks.

Maraming beses din nagpalitan ng maaanghang na pananalita si Duterte at ang dati niyang propesor na si Sison sa iba’t ibang bagay pati na sa isyu ng kalusugan ng Pangulo. Pero bigla na naman nagbago ang ihip ng hangin nitong huli nang purihin ni Duterte ang mga komunista dahil tinulungan daw siya ng mga ito na manalo sa halalan. Dahil sa binitiwang pananalita ng Punong Ehekutibo ay mukhang maayos na naman ang lahat sa pagitan ng dalawang pinuno sa ngayon.

Nagpahayag si Sison kamakailan na ang standing policy umano ng kanilang political arm na National Democratic Front of the Philippines (NDF) ay makipagnegosasyon sa gobyerno sa anumang sandali na magdesisyon ang Pangulo na ituloy ang peace talks nang naaayon sa The Hague Joint Declaration.

Binatikos din ng communist founder ang alok ni Duterte na pabahay at trabaho sa mga rebeldeng susuko sa pamahalaan. Nagkakasundo lang ang dalawang lider sa punto na mananatili pa rin ang NPA kahit na kapwa yumao na sila at wala na sa mundong ito.

Sa palagay ng iba, ang sitwasyong ito na sa isang sandali ay magdedesisyon si Duterte na laban siya sa komunista na bigla ring magbabago at babawiin ang naunang napagpasyahan ay parang isa umanong palabas na pati ang taumbayan ay parang napaglalaruan.

May nagsabi rin na hindi pa ba kayo nasanay? Ganu’n naman daw talaga si Duterte na kahit noon ay urong-sulong bago tumakbo sa pagkapangulo. Ano ang masasabi ninyo?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

 

Tags: , ,

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.