Opinions

Pergalan na naman*

NGAYONG palapit na ang Pasko ay tiyak na unti-unting mag-uusbungan na naman ang mga pergalan sa mga sulok-sulok at paminsan-minsan ay garapalang nakalabalandra pa sa ating kapaligiran.

Ang pergalan ay pinagsamang salita ng perya at sugalan. Sa madaling salita ay sugalan ito na matatagpuan sa loob ng maliliit na karnabal na kung tawagin ay perya na tradisyonal na libangan na ng mga Pilipino.

Kung ang perya ay may kaukulang permit mula sa gobyerno ay legal ang operasyon nito at puwedeng magpatakbo ng Ferris Wheel, Horror Train at Octopus dahil may insurance ang rides dito.

Nagiging bawal ito kapag hindi wholesome entertainment ang inihahandog kundi bawal na sugal na tulad ng “color games” at “drop ball” na dinudumog pati ng kabataan. Nagsisilbing front lamang ang peryahan.

Dahil iligal at malaki ang kinikita ay may lingguhang lagay rin na ibinibigay ang may-ari nito sa iba’t ibang sangay ng pulisya kaya patuloy ang operasyon.

Isa na rito ang pergalan na may apat hanggang limang mesa ng color games sa Alabang, Muntinlupa. Ayon sa ating mga espiya, ito ay matatagpuan malapit sa terminal ng mga jeepney na biyaheng San Pedro at Biñan, Laguna.

Ito ay nasa harap din umano ng barangay hall kaya tiyak na may basbas din ng kanilang mga kagalang-galang na opisyal.

Ang nagpapatakbo ng sugalan ay isang nagngangalang “Roy”. Ang financier daw ng illegal gambling operation nito ay isang “Baby Panganiban.”

Tinatawagan natin ang Muntinlupa police chief na si Senior Superintendent Gerardo Umayao na aksyunan ang sugalang ito.

Ang bulong pa sa atin, kaya raw hindi kumikilos ang Southern Police District (SPD) na nasa pamumuno ni Senior Superintendent Eliseo Cruz ay sa kadahilanang pasok na ito sa intelihensya na kinokolekta nang isang “Aguas.”

Bukod sa Alabang, may pergalan din sa Evacom sa Barangay San Isidro, Parañaque na pagmamay-ari rin ni Baby Panganiban.

Paging Parañaque acting police chief Senior Superintendent Rogelio Rosales at SPD chief, paki-aksyunan lang ito at baka isipin ng mga taga-Parañaque na patong din ang pulisya dito.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.