Opinions

Privacy ingatan*

HINDI maitatanggi na malaki ang maitutulong at magiging bahagi ng Philippine Identification System Act na pinirmahan na ni President Duterte sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino.

Nakasanayan na ng maraming Pinoy na magdala ng wallet na saksakan nang kapal dahil naglalaman ng iba’t ibang klase ng ID na tulad ng Pagibig, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philhealth at marami pang iba para magamit sa kanilang transaksyon sa araw-araw.

Pero magwawakas na umano ito sa sandaling umarangkada na ang national ID system. Bukod dito ay mapadadali pa raw ang ating mga transaksyon sa mga pribado at pampublikong tanggapan habang gamit ang naturang ID.

Gayunman ang mga benepisyo ay hindi rin maiiwasang mag-alala ng iba nating kababayan sa posibilidad na ang national ID ay maging daan para maabuso at manakawan ng mahahalagang impormasyon ang mga mamamayan.

Tiniyak naman ng Pangulo na ang mga impormasyon na maitatala sa naturang ID ay hindi magiging iba sa mga nakatala at tinataglay na ng Philippine Statistics Authority (dating National Statistics Office o NSO), SSS, GSIS at iba pang ahensya na kumakalap ng personal data ng mga tao kaya hindi malalabag ang kanilang “right to privacy.” Naulat na bukod sa larawan ng nagmamay-ari ng ID, ang ilan sa maitatala ay ang kanyang pangalan, kasarian, kaarawan, lugar ng kapanganakan, blood type at marital status.

Mga pangkaraniwang impormasyon lang ito kaya ayon nga kay Duterte, wala raw dapat ipag-alala ang mga mamamayan maliban na lamang kung sangkot sila sa mga ilegal na gawain.

Pero alalahanin din natin na ang bilang ng mga Pilipino sa kasalukuyan ay nasa 100 milyon na. Hindi biro ang laki ng data na makakalap at kailangang itabi sa iisang lugar lamang. Paano matitiyak na ligtas ang lahat ng sensitibong impormasyon na ito ng ating mga kababayan at hindi maha-hack? Paano sisiguraduhin na hindi magkakaroon ng identity theft?

Batid natin na maganda ang hangarin para maglagay ng national ID. Pero hindi naman masasabi na walang batayan ang pag-aalala ng iba dahil maaalalang kahit ang Commission on Elections (Comelec) ay hindi nakaligtas sa mga hacker noong 2016. Bukod diyan ay marami ring malalaking kompanya na ang mga sistema ay pinerhuwisyo ng mga hacker sa mga nakalipas na taon.

Tandaan na hindi biru-biro ang impormasyon na ipagkakatiwala sa inyo ng mga mamamayan kaya nararapat lang itong pangalagaan nang husto. Ngayon pa lang ay patatagin na ninyo nang todo ang sistema kaugnay ng national ID upang hindi umabot sa pagkakataon na maaabuso ang karapatan ng mga mamamayan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.