Mga salamisim 13*

NAKALULUGOD na idineklarang Santo ng Simbahang Katoliko Romano ang Martir ng San Salvador na si Arsobispo Oscar Romero.

Una kong narinig si San Oscar Romero noong ako ay istudyante pa sa Pamantasang Santo Tomas noong dekada 80. Hinangaan ko ang Arsobispo ng San Salvador (sa El Salvador ito) dahil inialay niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga mahihirap, pinagkakaitan at inaapi sa kanyang bansa.

Kasabay ng Pilipinas, pinaiiral noon ang isang mapanupil na siste sa El Salvador at ang biktima ng pandarahas na ito ay ang mga taong pinagpasyahang paglingkuran ni San Oscar Romero bilang Arsobispo ng kanyang bansa.

Dahil dito ay walang awang pinaslang si San Oscar Romero ng mga ahente ng estado habang siya ay nagmimisa noong Marso 24, 1980. Ayon sa ulat ay binaril ang santo sa puso habang itinataas nito ang kopa na naglalaman sa simbolikong dugo ni Hesukristo kaya simboliko ring naghalo ang dugo ng santo sa dugo ng ating manunubos na si Kristo.

Salamat sa Diyos sa kanyang biyaya sa mundo, si San Oscar Romero.

* * *

Ayon sa isang ulat ng Beyond Deadlines na isinulat ni Santi Celario, mahigpit daw na ipatutupad ng Department of Environment and Natural Resources ang mga alituntuing pangkalikasan sa isla ng Boracay pero ang tanong nang isang mambabasa ng nasabing news site , “bakit sa Boracay lang?”

Tama ang puna dahil hindi lamang sa Boracay nagaganap ang paglapastangan sa kalikasan. Tanungin ninyo ang dating kalihim ng DENR na si Gina Lopez at malalaman ninyo na talamak ang gawaing ito. Pansinin na lang ninyo ang pinaggagagawa ng mga dambuhalang korporasyon ng pagmimina at makikita ninyo ang katotohanan sa puna ng nasabing mambabasa ng BD.

* * *

Huwag kayong kakain ng pagkain na ginamitan ng “paint brush” dahil ito ay maaring kontaminado ng delikado sa kalusugang tingga.

Ayon sa EcoWaste Coalition, natuklasan nila na ang mga ginagamit na “paint brush” na pamahid sa mga bar-b-que ay kontaminado ng tingga o lead. Ang tingga o lead ay sanhi ng kanser at pagkabuang o pagka sira ng ulo kaya huwag kainin ang mga pagkain na ginamitan nito maliban na lang kung gusto ninyong magkaroon ng “Big C” o di kaya ay ibig ninyong mabuang ng hindi gumagamit ng shabu.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes. Mabibili rin ang Hataw sa suki ninyong News stand.

 

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.