Maging aral sana*

DAPAT mag-ingat tayo sa bawat sasabihin dahil kapag nakapagbitiw ng maaanghang na salita na nakababastos sa ating kapwa ay hindi na ito mababawi kahit na ano pang paghingi ng paumanhin ang ating gawin.

Ito ang dapat tandaan ng bawat isa lalo na ng mga lingkod-bayan o opisyal ng gobyerno na patuloy na nakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao sa pang-araw-araw nilang gawain.

Bunga ng matinding tensyon dahil sa mga kontrobersya na patuloy na bumubuntot sa kanya sanhi ng panlalait na kanyang ginawa sa isang empleyado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ay naospital ang deputy minority leader na si ACTS-OFW Representative Aniceto Bertiz III. Nakaranas daw ito ng pananakit ng dibdib, hypertension at dati nang may diprensya sa puso ayon na rin sa kanyang mga kabaro sa Kongreso.

Nakuhanan kasi ang mambabatas kamakailan ng video habang minamaliit, kinakastigo at kinukumpiska ang identification card ng isang airport security checker na humiling na alisin ng kongresista ang suot na sapatos habang dumaraan sa metal detector ng NAIA.

Ilang araw bago ma-confine ay paulit-ulit na nagso-sorry si Bertiz sa kanyang nagawa. Ang puna naman ng iba ay baka umiiwas lang daw ang mambabatas sa imbestigasyon na isasagawa ng mga kapwa niya kongresista dahil naospital ito isang araw bago siyasatin ng House ethics and privileges committee ang kontrobersya na kinasangkutan niya sa NAIA.

Binatikos din si Bertiz lalo na ng mga miyembro ng women’s rights group at pati ng ilang kapwa mambabatas dahil sa kanyang pahayag na sumiklab ang kanyang galit dahil sa kanyang “monthly period” o buwanang dalaw. Para na rin niyang sinabi na ang mga kababaihang may buwanang dalaw ay moody at wala sa katwiran.

Bukod dito ay nagalit din ang mga netizen sa video na nagpapakita kay Bertiz na sinasabihan ang mga agricultural at biosystems engineer na hindi raw nila makukuha ang kanilang professional license kung hindi nila kilala si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.

Isa pang video ang lumutang kung saan makikita si Bertiz na nakikipagsigawan sa isang migrant worker sa Hong Kong. Nakaligtaan kaya ni Bertiz na isa siyang mambabatas na kinatawan ng mga OFW o overseas Filipino worker sa Kongreso? Hindi na ba siya nahiya sa mga OFW?

Sa mga kontrobersya na kinasasangkutan ni Bertiz ay wala siyang dapat sisihin kundi ang sarili. Laging tandaan na kahit mga opisyal ng gobyerno o kongresista ay dapat manatiling mapagkumbaba at sumusunod sa mga alituntunin upang makapagpakita ng magandang halimbawa sa mga mamamayan. Magsilbing aral sana ito sa ibang opisyal ng gobyerno.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.