News

Apat patay sa barilan sa QC

Ni Santiago Celario

PATAY ang apat na lalaki, kabilang ang isang tiktik na sibilyan, sa magkahiwalay na insidente nang pakikipagbarilan ng mga pulis laban sa mga hinihinalang holdaper at tulak ng bawal na gamot nitong Martes ng madaling araw sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., ang isa sa mga nasawi bilang si Christoper Blanca, 41, residente ng Batasan Hills. Samantala, hindi pa nakikilala ang kasama ni Blanca na tinatayang nasa mga 30 taong gulang, may taas na 5’3”, may maliit ang pangangatawan at kayumangging balat.

Sinabi pa ni Esquivel na nakilala si Blanca sa pamamagitan ng isang Identification Card na natagpuan sa kanyang pag-iingat.

Bukod sa ID, nakuha mula kay Blanca at kasama nito ang isang kalibre .38 na revolver at bala, isang .9mm na pistola at anim na bala, isang Honda Wave na motorsiklo, dalawang backpacks, mga gamit ng kanilang sinasabing hinoldap, cellphone at apat na sachet ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu.

Kasunod nito kinilala rin ng hepe ng QCPD ang dalawa pang nasawi sa pamamagitan lamang ng kanilang alyas na Gelo at Tom.

Si Gelo ay sinasabing may edad na tinatayang mula 25 hanggang 30-anyos, at nasa 5’5” ang taas. Ito ay nakasuot ng kulay blue na t-shirt at short pants at may iba’t ibang tattoo sa iba-ibang bahagi ng kanyang katawan. Samantalang si Tom ay sinasabing isang sibilyang tiktik o asset ng mga awtoridad, dagdag pa ni Esquivel.

Ayon sa ulat ng QCPD dakong alas 12:10 ng madaling araw, habang magkasabay na naglalakad sa kahabaan ng Kalayaan Avenue, malapit sa Elliptical Road sina Mauriel Anthony Villegas, 29; at Arjay Mortel, 20, ng bigla umanong dumating si Blanca at kasama nito sakay ng isang motorsiklo na walang plaka. Agad na bumaba ang back rider at hinoldap umano si Villegas at Mortel.

Mabilis na tumakas ang mga holdaper papuntang Elliptical Road.

Samantala, nakita naman ng mga biktima ang mga operatiba ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU) sa ilalim ni P/Superintendent Gil Torralba habang nagsasagawa ng anti-crime operations ang mga ito malapit sa lugar na pinangyarihan ng holdapan. Kaagad nilang iniulat ang nangyari sanhi para kumilos agad ang mga awtoridad at hinabol ang sinasabing mga holdaper.

Nasukol ang mga ito sa kanto ng Alley 32 at Road 10, Proj. 6 kung saan imbes na sumuko ay mas minabuti pa ng mga ito na makipagbarilan sa mga pulis na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Ayon sa mga imbestigador ay nagawa pang itakbo sa East Avenue Medical Center ang isa sa mga suspek subalit hindi na ito umabot pa sa pagamutan ng buhay.

Samantala, mga bandang 1:45 ng umaga ng makipagbarilan umano si Gelo sa mga miyembro ng QCPD Station 3 (Talipapa)-Drug Enforcement Unit sa loob ng Doña Josefa ll Subdivision, Brgy. Culiat, habang nagsasagawa ang mga ito ng buy-bust operation. Napatay din sa operasyon ang sibilyang tiktik ng mga pulis matapos itong unang paputukan ni Gelo habang umaaktong mamimili ng bawal na gamot.

Nakuha mula kay Gelo ang isang cal. .9mm na pistola, anim na bala at apat na sachets ng hinihinalang shabu.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.