Mga salamisim 9*

WALANG itulak kabigin ang Usaping Bayan kay Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Antonio Trillanes IV dahil parehong may hibo ng pagiging mapusok at diktador ang dalawang ito.

Hindi lihim sa bayan ang paghanga ni Duterte sa nasirang diktador na si Ferdinand Marcos kaya mababakas sa kanyang mga gawain o pamamalakad ang malakas na tendensiya na balewalain ang Saligang Batas at itanghal ang mala-diktadurang pagpapatakbo ng pamahalaan.

Sa kabilang banda ay hindi dapat malimutan ng bayan ang ginawang pagtatangka ni Trillanes at mga katoto nito na agawin ang poder mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Malinaw na anti-demokratiko rin ang kilos na iyon na halos nagpabagsak sa ekonomiya ng bansa.

Ang pag-aanyong demokrata ni Trilanaes ngayon ay hindi sapat para kalimutan ng masa na minsan ay tinangka na niyang lapastanganin ang mga demokrating institusyon ng bayan. Hindi rin ito sapat para paniwalaan na siya ay isa ng tunay na demokrata na handang itanghal ang Saligang Batas.

Haaayyyy kawawang bayan.

* * *

Dapat itong mga namumuno ng pamahalaan ngayon ay ay bigyan lamang ng sahod na katumbas ng tinatanggap nang isang ordinaryong manggagawa upang malaman nila kung gaano ang hirap na inaabot ng mga maliliit nating kababayan.

Dapat maranasan nilang sumakay sa MRT at, LRT at mag-abang ng jeep at bus, lalo na sa panahon ng rush hour, araw-araw sa loob ng panahon ng kanilang panunugkulan para malaman nila ang kinakabaka ng ordinaryong taong bayan.

Dapat din na mamili ang mga ito sa mga palengke na pagkabaho-baho at maputik para malaman nila kung ano ang pakiramdam ng mga paang nakasayad, hindi sa karpet o marmol na sahig, kundi sa baldosang nanggigitata sa katas ng isda at karneng tinilad.

Itong mga opisyal ng pamahalaan na nagsasabing ok lang ang lahat ay dapat maranasan ang araw-araw na buhay ni Juan Dela Cruz.

* * *

Malinaw na hating-hati ang lipunang Pilipino subalit hindi natin dapat malimutan na ang pagkakahati-hating ito, at ang pamamayagpag ng kadiliman sa ngayon ay dahil sa kawalang pakiramdam at palpak na pamamalakad ng nagdaang administrasyong Aquino.

Ang palsong pagtugon nito sa mga isyung bayan, ang mabagal na pag-usad ng gulong ng katarungan, ang pagbabalik ng Kamag-anak Inc. sa anyong Kabarkada Incorporated, ang eksklusibong katangian ng paglago ng kabuhayan (mga mayayaman lamang ang yumaman sa panahon niya) ang ilan lamang sa mga dahilan ng pagkayamot ng mamamayan sa administrasyong nakilala rin sa sa tawag na administrasyong Noynoying.

Kaya hayun, kapit sa patalim si Juan Dela Cruz at ibinoto si Duterte. Haaay kawawang bayan.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.