Nahimasmasan*

GINULAT ni Presidente Rodrigo Duterte ang sambayanan kamakailan sa pag-iisyu ng Proclamation 572 na nagdeklarang wala umanong bisa ang amnesty na ibinigay ni dating President Noynoy Aquino at ng kanyang Kongreso sa pinakamasugid niyang kritikong si Senador Antonio Trillanes IV.

Nakabibigla rin ang pahayag ng Department of Justice (DOJ) na hindi na kakailanganin ni Duterte ang pagsang-ayon ng Kongreso sa desisyon. Inutos din ng Pangulo ang agarang pag-aresto kay Trillanes. Naging palaisipan tuloy ito para sa marami na kumukuwestyon kung sinakop na raw ba ni Duterte ang mga sangay ng gobyerno na ehekutibo, lehislatura at hudikatura sa kanyang ginawa.

Gayunman ay mukhang nahimasmasan ang nagliliyab na galit ni Duterte kay Trillanes nang magdesisyon itong maghintay raw muna na mag-isyu ang korte ng arrest warrant sa halip na mag-utos ng military arrest sa senador. Mabuti at nakinig si Duterte sa paliwanag ng mga miyembro ng kanyang Gabinete. Dapat nauunawaan ni Duterte bilang dating piskal na ang korte lang ang puwedeng maglabas ng arrest warrant sa huhulihing tao.

Pero may nakapagsabi raw sa Pangulo na maaaring arestuhin ng militar ang senador dahil ang paglilitis sa court martial ay hindi na-dismiss at naka-pending pa rin. Hindi nila iniintindi ang ipinaliliwanag ni Trillanes na wala nang hurisdiksyon sa kanya ang military courts mula nang magbitiw siya sa pagkasundalo apat na taon bago mabigyan ng amnesty.

Ang tanong ng iba ay kung bakit minamadali na maipakulong si Trillanes samantalang ang paglilitis ng court martial ay kaugnay lang ng paglabag sa Article 96 ng Articles of War dahil umano sa “conduct unbecoming of an officer and a gentleman”. Ang pinakamabigat na parusa rito ay ma-dismiss sa serbisyo. Nakalimutan ba nila na hindi na sundalo ang naturang senador?

Mukhang nakaligtaan din nila na noong 2011 ay idineklara ng Supreme Court na legal ang amnesty na iginawad ni Aquino kay Trillanes at sa ibang mga kawal na sangkot sa Oakwood mutiny noong Hulyo 2003, sa kumprontasyon ng mga Marine noong Pebrero 2006 at sa pagsugod nila sa Manila Peninsula noong Nobyembre 2007 na pawang pagtatangka upang mapabagsak ang administrasyong Arroyo. Pinamunuan ni Trillanes ang pagsalakay sa Oakwood at Manila Peninsula.

Marami ang naniniwala na si Duterte ay biktima ng witch hunt. Pero sa pagkakakulong ni De Lima at posibleng pati na si Trillanes ay parang ang Pangulo pa ang namumuno nito. Ginagawa nilang bayani si Trillanes.

Sa palagay ng nakararami, kapag naigawad na ang amnesty ay hindi na ito puwedeng bawiin. Hindi ako sang-ayon na ginagawang laruan ang Konstitusyon kaya sa unang pagkakataon ay sumusuporta ako kay Trillanes.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.