DOJ nanindigan na legal ang aksyon ng pamahalaan laban kay Sen. Trillanes

Ni Santiago Celario

(File photo) Senator Antonio Trillanes © INQUIRER PHOTO/JOAN BONDOC

NANINDIGAN nitong Biyernes si Department of Justice Secretary Menard I. Guevarra na legal ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnesty na ibinigay ng pamahalaan kay Senador Antonio Trillanes IV.

Ipinaliwanag ni Guevarra na dahil walang inamin si Trillanes na kasalanan, bilang isa sa kondisyon na kailangan para sa pagbibigay ng amnesty, ay walang saysay ang amnesty na ibinigay dito noong 2010 ng nagdaang administrasyon.

“Paano magbibigay ng kapatawaran kung unang-una ay di mo naman inamin na meron kang ginawang kasalanan?” tanong ni Guevarra habang ginaganap ang 52nd anniversary ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa punong tanggapan nito sa DILG Building sa Edsa, Quezon City.

Sinabi pa ni Guevarra, na itinalagang tagapangalaga ng pamahalaan ni Duterte habang siya ay nasa Gitnang Silangan, na ang kanilang aplikasyon para sa isang “alias warrant” at “Hold Departure Order” sa sala ni Makati Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano ay isa sa mga epekto ng pagpapawalang bisa ng Pangulo sa amnestiya ni Trillanes sa pamamagitan ng Presidential Proclamation Number 572.

Idinagdag pa ng secretary na hindi na siya puwedeng magkomento sa mga usapin ng pagkakasuspindi sa amnestiya ni Senador Trillanes dahil nasa korte na ito.

“Hindi na ko puwedeng mag-komento dyan kasi ang mga bagay na yan ay naiakyat na nya (Sen. Trillanes) sa Supreme Court at tama naman yun” ani pa ni Guevarra.

Dahil sa pagbawi ng amnestiya, si Trillanes ay maaring arestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police ano mang sandali, isang bagay na mariing kinondena ng mga human rights advocates dahil malinaw umano na ang ginagawa ni Duterte ay sinusupil ang lahat ng tumututol sa kanyang umano ay mali at anti-demokratikong pamamalakad ng pamahalaan.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.