TIYANG TOTANG (Maliit na Anggulo ng Buhay Pilipino)

By Kleo Hernandez Kannangara

SIYA ang aking si Tiyang Rosa, pinsan ng aking nanay; malas mo na lang kung bago ka sa komunidad (o sa iba pang malapit na barangay) at walang nakapagbigay alam sa ‘yo kung sino siya. Kilalang-kilala siya, hindi dahil famous ika nga, kundi “notorious”.

Libot nya ang buong siyudad ng Pasay dahil kubrador siya ng huweteng noong ‘di pa ga’nong ipinagbabawal ito. Alam mo kung parating na siya dahil lumilinis ang kalye; nagsisi-iwasan ang mga tambay na nag-iinuman, mabilis na tumatahimik o nagsisi-uwian ang mga tsismosang tawag ng Tiyang ay mga ‘Dalahirang walang magawa sa buhay,’ higit sa lahat, nagtatakbuhan ang mga batang naglalaro sa mga lansangang kanyang dinadaanan. Lagi silang may taga-antabay sa kanyang pagdating o pagdaan; kung kaya’t nang isang paslit ang kanilang naging ‘look-out,’ nabulol ito sa takot at naghihiyaw ng “Tiyang Totang! Tiyang Totang!” Nanakbo agad ang medyo malalaking mga bata, yung mga di nakaintindi na ang ‘Tiyang Totang” ay si Tiyang Rosa, naabutan pa at nahalibas ng Tiyang ng payong.

Mula noon ay si Tiyang Totang na siya sa mga hindi kamag-anak. Siya si Tiyang Rosa sa amin, kapatid mo man siya, hipag o lola, siya pa rin si “Tiyang” (o sa aming henerasyon nga eh si ‘Tiyang Totang). Siya ang ‘tagapag-alaga ng mga pamangkin’ dahil si Tiyang Totang ay baby sitter naming magpipinsan na nakatira sa aming compound. Sa bawat bahay ng mga kamag-anak ay may espasyo siya pero ang address na ibinibigay niya ay yung kay Tiyang Gunding na kapatid niya, kung saan ay mayroon siyang sariling kuwarto.

Hindi pabigat si Tiyang sa kanyang mga kamag-anak, isa siyang matandang dalaga na lumilipat ng tutulugan kung saan siya kinakailangan. Magbabakasyon? Si Tiyang ang tatao sa bahay; may Pabasa? Cook o taga-luto ang papel niya; may bagong panganak? Si Tiyang ang mag-aalaga sa nanganak at bagong silang na bata… kadalasan, hanggat sa paglaki nito, tulad ko.

OC (Obsessive Compulsive) ang Tiyang kung kaya naman lahat ng mga bahay na tinitirhan niya ay busilak ang kalinisan, walang hagdanan ang hindi niya ini-is-is hanggang makita na ang bawat hibla ng kahoy. Nang ipagbawal ang huweteng, nag-umpisa siyang maglako ng ampalaya na tanim niya. Ang ampalaya ay nadagdagan pa ng iba’t-ibang gulay.

Hindi lumalabas ng bahay ang Tiyang na walang bitbit na payong, panangga niya sa ulan, sa init ng araw (“Ang puti puti ko, masakit ang tama ng araw!” ani ng Tiyang), sa mga asong gala at higit sa lahat, panakot sa mga batang nagkalat sa lansangan…“Magsiuwi kayo at tulungan ang inyong mga magulang sa gawaing bahay!” o kaya ay “Uwe! Uwe! May mga leksiyon na di pinag-aaralan ng mga diyaskeng batang ito!” at pag inabutan ka ay may kasamang palo ng payong.

Ang palo naman ng Tiyang ay di talaga nakapananakit sa mga bata, pinapa-abot lang niya ang dulo ng payong para maramdaman ito. Marami lang talagang sinasabing mga inimbentong salita ang Tiyang na wala naman kabuluhan talaga pero nakatatakot mapakinggan. Naku! Pero pag nagkwentuhan ang mga paslit, parang pagkasakit-sakit at nagkikindatan na lang ang kanilang mga magulang.

Di rin siya pinapatulan ng mga tambay na nag-iinuman dahil kakampi ni Tiyang ang kanilang mga nanay o asawang naghihintay sa kanilang mga tahanan. Ang mga tsismosa naman, dahil wala silang makatkat sa buhay ng Tiyang ay aminado rin siguro na mali ang ginagawa nila tuwing ipapamukha ng Tiyang sa kanila kaya iniiwasan na lang siya; takot din, dahil ng minsang may isang sumagot kay Tiyang ng “Ano ba pakialam ninyo? Ay! Nakatikim ng pagkahaba-habang litanya tungkol sa sarili niyang mga pagkakamali! Aba’y gala nga pala ang Tiyang at dahil tahimik kung maglakad ay siya namang abala ng mga mata sa pagmamatyag. Masakit sa tenga ang mga salita ng Tiyang dahil siya ay hindi sinungaling. Kung kaya marahil ang mga tao, iniiwasan na lamang siya dahil ayaw marinig ang katotohanan tungkol sa kanila galing sa matatalas na pananalita ng Tiyang.

Yun ngang manliligaw ko noon ay nagka-hepatitis kakakain ng barbecue sa kanto, araw-araw kasi ay hinihintay niyang umalis ang Tiyang sa bahay bago siya umakyat ng ligaw. Labis ang takot niya kay Tiyang, dangan kasi’y inabutan siya ng Tiyang isang gabi, tinanong siya ng Tiyang habang nanliliit at nanlilisik ang mga mata nito, “Nanliligaw ka ba sa pamangkin ko? Sumagot ka!!!” Sa pagkalito ay napasagot ito ng “Hindi po!” Pak! Malakas ang tunog ng payong sa balikat ang kasabay ng pagalit na tanong ulit ng Tiyang, “Hindi ka nanliligaw? Eh halos gabi-gabi kitang natatanaw na nanghahaba ang leeg dyan sa karinderya sa kanto sa pagsisipat mo dito sa bahay! Ano ka? Magnanakaw? Sinungaling na bata ito! Kundi ka nanliligaw eh umalis ka dito at baka di kita matantiya!” Karipas si manliligaw sa pag-alis habang ibinubulong, “Nanliligaw po…Sorry po…Nanliligaw po… Sorry po…”

Makailan lang ay nagtanong ang Tiyang, “Ano ba yang pesbuk pesbuk na yan na naririnig ko?” Napatingin ako kay Tiyang, sa likod niya ay mga kapatid at pinsan ko na nag-iilingan lahat sa pagkahindik! Sabay lingon din si Tiyang sa likod niya at nakatatawa na lahat ay biglang napayuko animo abala na parang di siya narinig talaga! “Facebook, Tiyang?” tanong ko, “Oo at narinig mo ako” sagot niya. Napa-explain tuloy agad ako kung ano ang Facebook. “Ba’t mo naman natanong, Tiyang?” “Hmp! Katagal ko na kasi naririnig ang tungkol d’yan; sumama ang loob ng Ditse (Ate) mo dahil sinimot daw siya sa Pesbuk na yan ng pamangkin nyong si Ella!” “Sinimot sa Facebook Tiyang?” laking lito ko. “Oo! Sinimot sa Pesbuk!” Diin nya. Isip… isip… Isip pa rin ako…Pati ang mga abala sa kani-kanilang ginagawa sa likod ni Tiyang. “Ahhh Tiyang! Scene Mode! Scene-nin Mode sa Facebook!” “Marahil”, anya. “Nung isang araw naman, narinig kong kinagagalitan ni Tiyang Oreng nyo mga bata sa harap ng hapag-kainan, kasabi-sabi’y bago raw magsikain eh kinukunan muna ng pictures ang mga putahe para sa Pesbuk na yan, sa inis ng Tiyang Oreng mo eh pinagkukuha ang mga pagkain at ibinalik sa kusina, sabi eh, ‘kainin nyo yang pesbuk nyo, wala na kayo ginawa kundi yan!

Kahapon naman, nadaanan ko sa balkonahe ang mga tiyahin at tiyuhin ko, hindi sila nagkukwentuhan kundi aliw na aliw ang iba at ang ilan naman ay parang bagot o naiinis sa pakikinig; nasa loob at maingay kahit mag-isa ang Tiyang Totang habang nanonood ng balita sa telebisyon.

Linsyak ang mga ito, nang nakaraang linggo, pinabayaang naghihintay sa barko ang mga bigas hanggang binukbok, tapos eh sasabihin na wala namang problema kahit kainin ang kanin mula sa binukbok na bigas! Aba! Ang mayayaman kayang bumili ng bigas na ‘alang bukbok, o de mahihirap na mamamayan na naman ang magdidildil ng bigas na yan?” ang una niyang puna.

Hala! Ang pag-pintog ng piso (inflation), 6.4% na! Naiintidihan mo ba yun, Pinky?” hiyaw nya mula sa Living Room na parang pinapaabot ang boses hanggang kusina kung saan nandoon ang kasambahay naming si Pinky na ‘hindi po’ at ‘opo’lang ang parang laging may pangamba at pabulong na isinasagot. “Aba noong 1970’s natatandaan ko, ang halaga ng Piso nung pinapadalhan pa ng Kuya Benny mo ng dolyar mula Vietnam ang Ate Toying mo eh, Pitong Piso! Ang pamasahe sa dyip eh diyes centimos kada upo! Ngayon, sili lang eh umaatikabong siyento otsenta na isang kilo! Eh bakit nga ba kalusog ng lupa sa paligid ng mga bahay-bahay eh di na lang magtanim ang mga tao ng gulay? Kahit wala nang bumili sa kin! Sigarilyo na lang ititinda ko, kasi kahit anong ipatong na buwis dyan, ay! Bibili pa rin ang mga yan! Magbebenta na rin ako nung Vape ba yun? Yung ipinapayo ni Meng, yung asawa ba ni Maria Victoria na apo ko sa tuhod. Sabi niya kay Dante eh, mag-Vape ka na kaysa yosi.”

Tingnan mo nga naman ito oo! Wala na ba tayo talagang kahihiyan bilang mga Pilipino? Akala ko eh isyung pang-Moralidad ang pamimintas? Eh parang tumagas na at naging legalidad ah! Gantihang walang hangganan! Parang ang lumalabas nito eh wala tayo talagang maayos na istraktura bilang isang lipunan! Ibig bang sabihin nito eh, sa lahat ng panahong ito eh hinayaang tumakbo yang tao na yan sa senado ng makailang beses eh may isyu pa? Hindi ba nakulong na yan at pinagdusahan nga yung pag-aalsang ginawa nila? Binigyan nga ng amnestiya eh! Ang kapitbahay nga natin eh di pwedeng bumoto kung hindi bibigyan ng pardon o amnestiya sa kadahilanang nakulong dahil sa hindi pagtayo ng marinig ang Lupang Hinirang eh! Yung sa boboto, mahigpit tayo! Sa iboboto o ihahalal ganyan? Ang daming dinaanan na proseso at ahensya ng gobyerno para makatakbo bilang senador, sasabihin ngayon na wala palang bisa yung amnestiya. Pinky!!! Tama ba na parang naiinsulto ako bilang matinong tao na nag-iisip? Ako’y naiirita! Pinky! Tapos ka na ba sa mga gawain mo? Tara Maglaro na lang tayo ng Ungguyan sa baraha, ito pakiramdam ko sa napapanood ko sa mga balita eh!”

Pag pasok ko sa salas eh patuloy ang Tiyang sa pagsasalita nya, “Mabuti nandito ka na, ‘lika laro tayo ng Ungguyan.” Mabilis ang sagot ko dahil kanina pa rin ako nakikinig sa balkonahe kasama ng ibang umiwas na pumasok ng bahay dahil kay Tiyang, “Marami pa po akong gagawin sa kwarto eh, di na po muna ako sasali.” Mariin na sagot ni Tiyang Totang ay, “Nakow! Kahit ano gawin ay kasali ka pa rin sa Ungguyang ito, hindi mo ba alam o nagmamaang-maangan ka lang? Baka naman, wala ka kayang pakialam? Sige, mag-Solitario ka na lang dyan!”

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.