Rice smuggling tuldukan*

HINDI maitatanggi na bukod sa kawalan sa buwis ng gobyerno na tinatantiyang nasa halagang PhP2 bilyon na napupunta sa bulsa ng mga suwapang na tiwaling opisyal ng mga ahensya ng pamahalaan ay patuloy rin nagsisilbing banta at nagpapahirap sa mga magsasaka ng bigas ang rice smuggling lalo na sa Mindanao.

Kaya buong-buo ang suporta ng Firing Line sa mungkahi ng Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Secretary Manny Piñol sa National Food Authority na maglunsad ng rice trading center sa Tawi-Tawi na kontrolado ng NFA upang tuluyang matuldukan ang rice smuggling sa mga isla ng Southern Philippines.

Ayon kay Piñol, ang Tawi Tawi Rice Trading Center ay inaasahang magbibigay sa pamahalaan ng buong kontrol upang mapangasiwaan ang ilegal na bentahan ng bigas na ilang dekada nang pinamamahalaan ng mga smuggler sa mga lugar ng Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na kilala sa bansag na Zambasulta.

Maibibigay rin nito sa Zambasulta ang sapat na supply ng bigas na naputol matapos ang matagumpay na operasyon ng gobyerno laban sa nagpupuslit ng bigas sa pagitan ng Sabah at Southern Islands. Akalain ninyong dahil sa kakulangan ng supply sa rehiyon ay nagtaasan ang presyo ng bigas hanggang sa PhP60 kada kilo sa Zamboanga City at PhP100 sa Tawi-Tawi.

Tinatantiyang nasa 200,000 metric tons ng bigas mula Vietnam at Thailand ang ipinupuslit taun-taon na idinaraan sa backdoor ng transshipment ports ng Sandakan at Labuan sa Malaysia. Ang Zambasulta ay nakalilikha lamang ng 22,000 metric tons ng bigas.

Ang pagpupuslit na ito ay nagresulta sa “pagkamatay” ng industriya ng bigas sa Zambasulta bunga ng pag-abandona ng mga magsasaka at trader sa rice industry dahil hindi nila kayang makipagkumpetensya sa mababang presyo ng smugglers.

Sa ilalim ng rice trading center ay maglulunsad ng pasilidad sa Tawi-Tawi kung saan ang lahat ng imported na bigas ay kakailanganing maging dokumentado na may kaukulang binayarang taripa at nasunod na sanitary at phytosanitary quarantine requirements.

Bukod sa rice trading center, isang medium-term solution ay ang PhP100-M Production Loan Easy Access (PLEA) na ibibigay sa Zamboanga Sibugay upang mapataas ang produksyon ng bigas at masuplayan nito ang bahagi ng pangangailangan ng Zambasulta. Kabilang sa long-term programs ay ang pagdedebelop ng hindi bababa sa 1,000 ektaryang bukirin ng bigas sa kasunduang partnership ng DA at ng local government units.

Kapag muling nabuhay ang industriya ng bigas ay mababawasan ang imported rice na papapasukin sa Tawi-Tawi Rice Trading Center upang hindi maapektuhan at tuluyang masira ang kabuhayan ng mga magsasaka ng bigas.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.