Ang buwan ng Agosto*

NGAYON ang huling araw ng buwan ng Agosto, ang buwan ni San Bartolome Apostol, isa sa mga disipulo ng panginoong Hesus. Ang kanyang istatwa sa simbahan ng Malabon ay kakaiba sapagkat makikita ito na may hawak na gulok at nakagayak ng pulang damit. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang mga katipunero ay laging isinalalarawan na nakapula at may hawak na itak.

Makabuluhan ang Agosto para sa atin sapagkat maraming pangyayari ang naganap sa buwang ito na bumago sa takbo ng ating kasaysayan. Ang Agosto ay kinikilalang buwan na nagluwal sa mga pagkilos na ang layunin ay palayain ang bayan mula sa mga mananakop at mang-aapi.

Nagumpisa ang himagsikang 1896 sa buwan ng Agosto matapos ang mga pahayag ng kalayaan ng mga Katipunero sa pangunguna ni Supremo at Unang Pangulo ng Republika na si Andres Bonifacio laban sa mga Kastila. Ang mga pahayag na ito, ayon sa mga saksi, ay naganap sa loob ng magkakasunod na tatlong araw mula noong ika-23 ng Agosto sa mga barrio ng Pugad Lawin, Bahay Toro, Kangkong, Balintwak at Banlat na pawang sakop ngayon ng Lungsod Quezon.

Sa pamamagitan ng mga sigaw na ito ay nagumpisa ang pagkilos ng taong bayan para makamit ang ating kalayaan mula sa mga Kastila. Nakalulungkot na nauwi lamang ang mga pahayag at pagkilos na ito sa pagtatayo ni Emilio Aguinaldo ng “landlord o cacique dominated” ng rehimeng diktadura na mas kilala sa tawag na Malolos Republic (1899-1901).

Ika-21 ng Agosto, 1983 ng paslangin naman ang dating senador na si Benigno Simeon Aquino Jr. sa tarmac ng noon ay Manila International Airport, ngayon ay mas kilala sa tawag na Ninoy Aquino International Airport. Ang kanyang kamatayan ay nagsilbing mitsa sa pagsiklab ng galit ng taong bayan laban sa mapaniil na martial law ni Ferdinand Marcos Sr.

Ang mga kilusang protesta na ito ay nauwi sa pagpapatalsik sa mga Marcos nuong 1986 at pagbabalik naman sa poder ng mga mapagsamantalang oligarkiya at panginoong maylupa na siya lamang nakikinabang ngayon sa ating pambansang yaman.

Buwan ng Agosto rin ang kinikilalang buwan ng wika bilang pagpupugay kay dating Pangulong Manuel Luis Quezon na ipinanganak noong ika-19 ng Agosto, 1878. Ang pagdedeklara ng buwan ng Agosto bilang buwan ng wika ay isang paraan para malinang ang wika bilang instrumento ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Gayon man, sa kabila ng pagiging makabuluhan ng buwan na ito ay tila kapos sa pagbibigay halaga rito ang pambansang pamahalaan. Halimbawa, mapapansin na mga lokal na pamahalaan lamang ang gumugunita sa mga pangyayari na nagbigay daan sa pagkakatayo ng Unang Republika nuong 1896.

Dahil sa kawalan ng interes ng pambansang pamahalaan na ipagdiwang ng todo at taos ang buwan ng Agosto ay parang nalilimot na ng kasalukuyang henerasyon ang mga sakripisyo ng mga ninuno natin para sa ating kalayaan.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.