News

Dalawang pinaghihinalaang rapists patay sa enkuwentro sa QC

Ni Santiago Celario

Image by tnt.abante.com.ph

NAPATAY ang dalawang pinaghihinalaang manggagahasa at tulak ng bawal na gamot matapos makipag barilan umano ang mga ito sa mga awtoridad sa Quezon city nitong nagdaang Miyerkoles ng gabi.

Hindi pa nakikilala ang mga napatay pero sinabi ni Superintendent Joel Villanueva, hepe ng Quezon City Police District Station 6 (Batasan Hills) na ang isa sa mga ito ay nasa pagitan ng 30 hanggang 45 anyos, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na t-shirt at short, maroon na bonnet, itim na helmet at burdado ito ng mga tattoo na Bahala na Gang at Bukol Jun Jun sa kaliwang tuhod.

Ang ikalawa naman, ayon kay Villanueva, ay nasa pagitan ng 25 hanggang 30 anyos, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng puting t-shirt, itim na jacket at sombrero, at naka face mask.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, mga dakong 11:30 ng gabi habang nagmamanman sa checkpoint ang mga tauhan ng QCPD Station 6 sa kanto ng Payatas Road at Molave Street, Brgy. Payatas B, isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at nagsabing isang Anabel Cabatbat, 18, na taga Barangay Commonwealth ang dinukot nang dalawang hindi pa kilalang lalaki sa kanto ng Majaas Street at Payatas Road.

Dahil dito ay agad tumugon ang mga operatiba ng Station 6 at pagdating sa lugar na sinabi ng impormante ay natagpuan nila ang sinasabing dinukot na umiiyak at walang suot na damit sa kalahati ng kanyang katawan. Agad na humingi ng tulong ang biktima matapos nitong matanawan ang mga pulis.

Sa puntong ito ay naispatan din ng mga pulis sa di kalayuan ang dalawang pinaghihinalaang rapist ng biktima at tinangka nila itong pasukuin. Gayun man, imbes na sumuko ay pinaputukan ng mga suspek ang mga awtoridad dahilan para mapilitan ang mga ito na gumanti ng putok.

Matapos ang ilang sandaling palitan ng mga putok ay humandusay ang mga suspek sa daan na wala ng buhay.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD sa lugar na pinangyarihan ng enkuwentro ng dalawang snub nose na .38 caliber na revolver, bala at walong sachet ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o shabu.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.