News

Pulis patay sa ambus sa QC

ISANG miyembro ng Philippine National Police ang pinatay nang isang hindi pa nakikilalang mamamatay tao nitong Martes ng hapon sa Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Police Officer 3 Nepthalie Buensuceso, 35, operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at naninirahan sa Caloocan City. Siya ay agad na namatay matapos magtamo ng maraming tama ng bala mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril.

Ayon kay Senior Inspector Elmer Monsalve, hepe ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang pagpatay sa biktima bago mag-ala sais ng hapon sa kanto ng N. Domingo at Broadway Streets, Barangay, Valencia.

Ayon sa mga saksi, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo nang huminto ito sa intersection ng N. Domingo at Broadway dahil sa stoplight. Sinabi pa ng mga nakakita na habang naghihintay ng green light ay dumikit dito ang isa pang naka-motor na walang plaka at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.

Tumakas ang salarin, na naka jacket na kulay maroon, itim na helmet at sakay ng Yamaha Mio na motorsiklo; matapos bumagsak ang biktima na duguan, dagdag pa ng mga saksi.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng QCPD-CIDU para matuntun kung sino ang nasa likod ng pananambang.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.