Mga salamisim 7*

MARAPAT lamang na tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok ng Estados Unidos na bentahan tayo ng F-16 multi-role fighting aircraft dahil mukhang nakita rin niya na isa itong uri ng manipulasyon upang mapanatili tayong mga Pilipino sa ilalim ng kanilang laylayan.

Matagal nang mahusay na ginagamit ng mga Kano ang pagbebenta ng mga pinaglumaang armas sa atin para manatili tayong sunod-sunuran sa kanilang kagustuhan. Isa ito sa marami nilang paraan ng pamimilit para sundin natin lagi ang gusto ng Washington. Ang pagbili natin ng mga pinaglumaang armas ang pangunahing dahilan kaya nananatiling bansot ang ating Hukbong Sandatahan at walang kakayahan na ipagtanggol ang ating bayan sa panghihimasok ng mga dayuhan.

Ang Washington ang nagsasabi at ang mga sinanay nilang lokal na lider, na karamiha’y mula sa mga tradisyunal na makapangyarihang pamilya, ang tumitiyak naman na masusunod ang kanilang sinasabi lalo na sa usapin kung sinong bansa ang ating magiging kaibigan, kaututang dila, kanegosyo. Sila rin ang nagtatakda kung papaano natin patatakbuhin ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng mga ibinibigay nilang ayuda.

Kaya laking gulat at galit ng mga puting ito ng sabihin ni Duterte na sa mga Russo at Intsik na tayo bibili ng ating mga armas. Alam kasi nilang masisira ang isa sa mga subok nilang pamamaraan kung paano nila tayo kinokontrol.

* * *

Hindi maka-digmaan ang Usaping Bayan, pero sa mga kaganapan ngayon sa mundo ay dapat na tayong bumili at masanay na gumamit ng ripleng Kalashnikov, tangke na T-72, T-90, mga eroplanong Sukhoi at Mig, mga submarinong Kilo class, mga Udaloy class destroyer etc… Ang mga ito ay mura na at maaasahan pa sa larangan ng digmaan kumpara sa mga lumang armas na inaalok sa atin ng mga Kano.

* * *

Hindi ba kayo nagtataka kung bakit puro mga bulok o pinaglumaan lamang na armas ang ibinebenta sa atin ng mga Kano gayong panay ang kanilang banggit sa ating espesyal na relasyon sa kanila? Bakit mga helicopter at armored personnel carrier na panahon pa ng Vietnam war o di kaya ay mga cutter ng kanilang coast guard na ineretiro na at walang armas ang ibinibigay na ayuda sa atin? Bakit hindi tayo binibigyan ng mga makabagong armas tulad ng jet planes, air to air o surface to air missiles, mga barkong destroyer, frigate, cruiser o helicopter carriers gayong matapat tayong alyado nila?

Kasi takot ang mga Kano na baka maraming Pilipino ang tulad ni Duterte na naghihintay lamang ng pagkakataon para lagutin ang gintong tanikala na kanilang pinanggapos sa atin. Alam nila na ang sinasabi nilang ating pagkakaibigan ay pinilit sa dulo ng riple matapos nilang lapastanganin ang Republikang ating itinatag sa Malolos noong 1899. Patuloy nila tayong nilalansi sa pamamagitan ng kanilang sistema ng edukasyon, wika, at dekadenteng kultura pero sa kabila nito ay may malalim silang palagay na hindi lahat ay naloko nila, isang patunay na rito si Rodrigo Duterte.

Malinaw na ngayon na hindi lubusan ang kanilang tagumpay kahit dumating pa sa ating dalampasigan ang mga ahente ng misedukasyon at panlilinlang na mas kilala sa tawag na Thomasites.

* * *

May palagay ang mga Kano na marami pa rin ngayon ang mga katulad nina Benigno Ramos, Artemio Ricarte, Lope K. Santos, Pedro Abad Santos, Crisanto Evangelista, Jesus Lava, Vicente Lava, Eulogio Rodriguez, Dr. Jose P. Laurel, Renato Constantino Sr., Teodoro Agoncillo, Jose W. Diokno, Lorenzo Tañada, I.P. Soliongco, Guillermo Capadocia, Casto Alejandrino, Luis Taruc, Macario Sakay, Agueda Kahabagan, Torres Bugallon, Don Claro Mayo Recto, Isabelo De los Reyes, Bart Pasyon, Apolinario Mabini, Julian Montalan, Francisco Carreon, Leon Villafuerte, Benito Natividad, Jose Ma. Sison, at Col. Lucio de Vega na bitbit ang damdaming makabansa, mga tao na naniniwalang dapat maging tunay na malaya mula sa diwa hanggang kaisipan ang mga Pilipino.

Kudos sa pagkakataong ito kay Pangulong Duterte.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

One Comment

  1. bencio malunao says:

    GOOD and daring piece from an equally candid and enlightening opinion writer-journalist, Mr. Nelson Flores.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.