News

Punong tanggapan ng Land Transportation Office sa QC tinangkang looban

Ni Santiago Celario

TINANGKANG pagnakawan ng mga hindi pa nakikilalang kawatan ang tanggapang sentral ng Land Transportation Office sa Quezon City nitong nagdaang katapusan ng linggo o weekend.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Public Information Office nadiskubre ang panloloob sa tanggapan ng LTO Central Office sa kahabaan ng East Avenue, Barangay Pinyahan dakong 7:00 ng umaga. Partikular na nilooban ang opisina ng LTO-Law Enforcement Service (LES) na nasa ikalawang palapag ng gusaling LETAA sa loob ng LTO compound.

Nabatid mula sa pulisya na isang encoder ng LTO, na nakilalang si Sherwin Leal, 39; ang nag report ng insidente sa pulisya.

Ayon pa sa mga awtoridad, hinalungkat ng mga kawatan ang mga drawers ng LES kung saan nakalagay ang mga papeles ng Data Control Unit, Custodial Unit at Investigation Section of the Intelligence and Investigation Division.

Gayunman, dagdag pa ng mga imbestigador, wala umanong nawala sa drawer ng LES. Sinabi pa nila na sa air condition vent dumaan ang mga nagtangkang magnakaw sa tanggapan ng LES.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang ginagawang pagiimbestiga ng mga tauhan ng QCPD Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Samantala, tatlong construction workers mula sa isang itinatayong gusali malapit sa LTO ang inimbitahan ng mga awtoridad upang magbigay linaw sa mga kaganapan sa LTO. Gayun man, nilinaw nila na hindi mga suspek ang mga ito.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this story/opinion? If you do, kindly share it. Thanks.
Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.