Mga salamisim 5*

KAHAPON ay ginunita ng marami ang pataksil na pagpatay kay Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa tarmac ng Manila International Airport na mas kilala ngayon bilang Ninoy Aquino International Airport.

Naganap ang pamamaril ilang araw matapos magkaroon ng isang malaking symposium sa Pamantasang Santo Tomas kung saan nagsalita si dating Senador Jose W. Diokno (RIP) kaugnay sa nagaganap na pandarahas ng rehimeng Marcos laban sa mga katunggali nito. Isa ang symposium na ito sa mga nagmulat sa mata ng maraming kabataan at istudyante ng nasabing pamantasan at mula noon ay nagumpisang yumabong ang kasapian ng mga progresibong kilusan sa campus tulad ng League of Filipino Students, Student Christian Movement at Youth for the Advancement of Faith and Justice.

Linggo ng hapon ng mabalita sa amin sa Distrito ng Sta. Cruz, Maynila sa pamamagitan ng radyo ang asasinasyon ni Ninoy at di kalaunan ay napuno ang kalye sa aming barangay dahil sa isang biglaang rally ng mga taga sa amin. Mula noon ay hindi na natahimik ang diktadurang Marcos sa kaliwa’t kanang protesta at hindi naglaon ay napatalsik ang mga ito mula sa poder ng taong bayan.

Gayun man, nakalulungkot na mukhang hindi nagtanda ang bayang Pilipinas sa mga naging karanasan nito noong panahon ng diktadura dahil na rin sa ipinakitang walang kuwentang pamumuno ng mga sumunod na administrasyon.

Nagmukhang santo ang mga Marcos dahil sa kabi-kabilang katiwalian na napabalita sa panahon ng mga sumunod na pamunuan, umpisa sa administrasyon ni Aling Cory, asawa ni Ninoy at ina ni Noynoy.

Naandyang nagkaroon napabalita ang pagkakaroon ng Kamag-anak Inc. sa Malacañang, nabalita rin na naibenta ang mga lupain ng pamahalaan at napagkitaan ang mga ito, lumaganap ang droga at sugal dahil sa basbas daw ng palasyo, sabi-sabing na-korap ang officer’s corps lalo na ng magkaroon ng pamosong tawag sa telepono si madam, pinagkitaan din daw ang mga sangay ng pamahalaan ng mga kasama sa Kamag-anak Inc., at huling balita ay sng bulong-bulungang may nagmomonopolyo na sa kalakaran ng droga sa bansa.

Ang mga kontrobersya na ito ang dahilan kaya nakababalik ngayon ang mga luma o matatandang elemento ng panunupil ng mga Marcos, at kanilang matiyagang nililinis ang tala ng ating kasaysayan sa pagtatangkang baguhin ito at palabasain na mabuti para sa atin ang diktadura ng kanilang amo at masama ang antidote na demokrasya laban sa kanilang uri ng pasismo.

Sa mga kumilos noong panahon ng diktadura at tunay na naka-aalam ng katotohanan, dapat ay ilantad at tutulan, hindi lamang ang pagiging hungkag ng diktadura, kundi ang pagiging bulaan ng mga sumunod na liderato, mula kay Aquino hanggang kay Rodrigo Duterte. Dapat muling makiisa sa masa at pandayin ang bagong Pilipinas upang sa susunod ay hindi na natin babalik-tanawan pa ang Agosto 21, Septiyembre 21 o ang huling linggo ng Pebrero, mga nakasusulasok na panahon sa ating kasaysayan.

* * *

Binabati ng Usaping Bayan si Lyvinna “Bing” Lim dahil sa pagiging 2nd placer na Best Inspired Dealer Achivement (BIDA) awardee ng The Filipino Channel-North America para sa Texas. Samantalang ang kanyang kapatid naman na si Leona Sala ang highest BIDA awardee sa Hawaii at buong North America.

Congrats sa inyong masipag na magkapatid at sa iba pa na nadeklara ng TFC na BIDA.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.