News

Isa sa tatlong holdaper todas sa mga pulis Kyusee

Ni Santiago Celario

NAPATAY ang isa sa tatlong pinaghihinalaang holdaper matapos umano itong makipagbarilan sa mga tumutugis na pulisya sa Quezon City nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Hindi pa nakikilala ang napatay hanggang sa mga sandaling ito bagamat inilarawan ng mga awtoridad na ito ay nasa 40 hanggang 45 anyos ang edad, maganda ang pangangatawan, mga 5’7” ang taas, may mga tatong “Bat” sa kanang balikat at “Tribal” sa kanang pulso. Bukod dito ay nakasuot ng puting shorts at t-shirt ang napatay.

Ayon kay P/Supt. Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 (Novaliches), naganap ang insidente ilang sandali makalagpas ang hatinggabi sa harap ng GSN Laboratory sa kahabaan ng Reliance Street, Barangay Nagkaisang Nayon, Novaliches. Sinabi niya na bago maganap ang barilan ay humingi ng tulong sa kanila si Edgardo Sugayan Montinola Jr., isang taxi driver at residente ng Meycauayan, Bulacan.

Bukod sa hinoldap ay tinangay pa ng tatlong holdaper ang taxi ni Montinola, paliwanag ni Cejas.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga taga-Station 4 at naglatag ang mga ito ng checkpoint sa pag-asang masasabat nila ang ninakaw na taxi cab. Hindi nga nagtagal at naispatan ang kinarnap na taxi at tinangka nilang parahin ito.

“Pero sa halip na huminto ay pinaharurot ng driver nito ang taxi kaya hinabol ito ng mga tauhan ko at nagkaroon ng ‘running gun battle,’” dagdag ni Cejas.

Napatay ang isa sa mga holdaper habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan nito.

Maliban sa taxi cab, nabawi mula sa napatay ang PhP700 na hinoldap mula kay Montinola, ang isang kalibre .38 na revolver; mga basyo ng 9 mm na pistola at limang sachet ng hinihinalang shabu sa lugar na pinangyarihan ng barilan.

Positibo ring kinilala ni Montinola ang napatay bilang isa sa tatlong humoldap sa kanya at tumangay ng kanyang minamanehong taxi.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang dalawang kasama ng napatay.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.