Korapsyon sa militar*

HINDI maitatanggi na napakalalim na ng pagkakabaon ng kuko ng korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Maging ang mundo ng mga sundalo ay hindi pinatawad at patunay rito ang pagkakasibak ni President Duterte kamakailan sa 20 opisyal ng Armed Forces Medical Center na dating kilala sa pangalang V. Luna. kabilang ang commander ng ospital at ang pinuno ng overall health service unit ng militar.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay nagkakahalaga ng nakalululang PhP1.49 milyon ang unang dokumentadong ghost transaction rito. Nagpahayag naman si General Carlito Galvez Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, na aabot sa PhP200 milyon ang pagsisiyasat nila sa korapsyon.

Hindi na bago ang isyu kaya hindi ito kagulat-gulat. Sariwa pa sa isipan ng marami nang pumutok ang isyu ng korapsyon sa militar at naging malaking iskandalo ito noong si Speaker Gloria Arroyo pa ang pangulo ng bansa. Nabunyag ang ill-gotten wealth umano ni Major General Carlos Garcia na matagal na namuno bilang comptroller ng AFP kaya ito kinasuhan ng plunder o pandarambong na kinalaunan ay pinababa.

Dahil kay Garcia ay ibinasura ang office of the comptrollership at nagkaroon ng malawakang pagsisiyasat sa Kongreso na umabot hanggang sa termino ni dating President Noynoy Aquino. Sa katunayan ay ito ang naging dahilan ng pagpapatiwakal ng noon ay kalihim ng national defense na si Angelo Reyes na malapit kay Garcia matapos siyang maiugnay sa tinaguriang mafia sa tanggapan ng comptroller. Akalain ninyong binaril niya ang sarili sa harap mismo ng puntod ng kanyang ina.

Dahil sa kakulangan ng pera ay naghanap noon ng paraan o sistema ang militar upang makalusot at mapondohan ang pagbili nila ng mga bala, gas, pagkain, medisina at iba’t ibang bagay. Kinalaunan ay hindi nakuntento ang mga tiwaling opisyal at isinama ang pagpopondo sa pagbiyahe nila sa labas ng bansa, ang pagpapagawa ng kanilang mansyon at pati na ang pang-shopping ng kanilang mga kabit.

Sa sistema, halimbawang ang isang heneral ay kailangang gumasta ng PhP700 milyon para makabili ng dalawang mamahaling condominiums ay puwede niyang gamitin ang pera ng taxpayer kung ire-release niya ang naturang halaga sa V. Luna.

Dahil kontrolado ito ng militar, magiging lehitimo ang transaksyon sa mga resibo ng V. Luna na magpapakitang bumili sila ng medisina na nagkakahalaga ng PhP700 milyon. Ang naturang halaga ay palalabasing ibinayad sa ghost suppliers pero ang totoo ay paghahati-hatian nila ang pera.

Bukod sa droga ay mukhang mahihirapan talaga ang Pangulo na buwagin ang pagkakabaon ng kuko ng korapsyon sa gobyerno.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.