Isinumpang selda ng pulisya?

Ni Santiago Celario

Image © kotaku.com.au

MULI na namang may nagbuwis ng buhay sa “tila-isinumpang” selda ng Quezon City Police District Station 4 (Novaliches) matapos may mamatay na namang detainee dito nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi bilang si Ariel Gutierrez Salandana, 52, vendor at residente ng Geronimo compound, Barangay Sta. Monica, Novaliches, QC.

Ayon sa nakasaksi sa pangyayari at kapwa detainee ni Salandana na si Roper Navarro, katatapos lamang maligo ng namatay mga bandang 5:10 ng umaga ng bigla itong manginig at lumugmok sa kinatatayuan.

Sinabi ng pulisya na tinawag ni Navarro ang duty jailer na agad namang kumilos. Dinala si Salandana sa kalapit na Novaliches District Hospital subalit, ayon sa mga doktor ng pagamutan, hindi na ito umabot pa ng buhay.

Samantala, tumanggi namang paimbestigahan pa ng anak ni Salandana na si Maybel ang kanyang pagkamatay. Ayon kay Maybel, noon pa mang 50-anyos lamang ito ay mayroon na itong hypertension.

Namatay si Salandana halos dalawang buwan matapos mamatay rin ang isang Genesis Agoncillo sa loob din ng nasabing selda. Bigla na lamang umanong hindi nakahinga si Agoncillo at binawian ito ng buhay.

Napag-alaman pa ng Beyond Deadlines na bukod kay Salandana at Agoncillo ay may apat pa na mga detainee ang namatay din sa loob ng nasabing selda matapos manikip ang kanilang mga dibdib, na tila ba parang may sumakal sa kanila.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.