LAYAK

Tula ni Perfecto “Boyet” Caparas

Nais ko

ng karera

ng mga bangka;

mga bangkang

pawang tinungkab

na gomang sinelas

sisisid, aalimbukay

sa dagat-dagatang baha

ng dalita

nais ko ng bangka;

bangkang may binaling blade

timon pampatulin

sa karera

ng pag-asang inaaba

nais ko’y

gomang sinelas

basang-basa

sa baha ng Maynila

ritwal ng mga batang

nagpipista pag-ahon

ng mikrobyong

hatid ay kaunting tuwa;

mga batang

tulad ng gomang sinelas

tinungkab

hiniwa

hinalay at sinira

upang anud-anuring

tila layak

nagpupumiglas

sa piling ng pinagkakatuwaang baha

naglalanguyang ipis, daga

ako’y batang nagpipista

sa simoy ng imburnal;

nagnanaknak

sa baho’t

saya

sa piling ng kapwa batang

nagpapagandahan

ng bangkang sinelas

na gomang

sinira

sa lungsod ng baha

baha ang dukha

aking ngiti’y

payak

na pangungulila

sa simoy ng hanging

pampatulin-kadyot

ng timon

sa puwit

ng gomang bangka;

plastik ay layag

bumibirit

sa hataw

ng hangin

(nalasahan mo na ba ang tubig-baha?)

sa bawat pag-igkas

pagsalpok

pagragasa ng sasakyang

bumubuwal

ng bangkang nagpapatianod

ngunit di mailigwak

ng sakuna…

tulad ng bumabahang

lansangan

kanal

imburnal

ang bata ay layak

na bangkang

sinira

ng madla;

at ang layak

ay bahang nagsasaboy

nanghahalihaw

na baho’t nakapandidiring lasa

ng tubig-baha

sa Sampalok, Maynila;

pugad ng layak

nilulura

niluluraan

inililigwak

ng sigwa

isa akong musmos

sa dahas

ng bahang

lubhang mailap

makilos

tulad ng bangka;

isang musmos

lubhang mailap

makilos;

mata ko’y blade

sa puwit

ng bangkang naglalayag

gumuguhit

sa tubig-bahang sumusulong

dumadaluyong

ako’y bangkang

matimpi

umaalulong

isang bangkang

sinisikaran ng daluyong.

 

Perfecto “Boyet” Caparas

Tungkol sa may akda: Tubo’t laking Sampalok, Maynila. Nagkamit si Perfecto “Boyet” Caparas ng Unang Gantimpala sa Galian sa Arte at Tula noong 1986 para sa kalipunan ng kanyang mga tulang pinamagatang: “Mga tula para sa bayan ko at iba pang tula.”
Isa siyang Fellow ng UP National Writers’ Workshop, Sentro ng Malikhaing pagsulat ng UP Diliman noong 1992.
Naglingkod siya bilang mamamahayag ng The Manila Times, Ang Pahayagang Malaya, Isyu News magazine, Pinoy Gazette, UCA News at The Philippine post.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

No Comments

  1. Cristina Brehm says:

    Napakagandang tula sa mamamayan ng ating Bansa. Pilipinas kong minumutya pugad ng luha at dalita ating adhika makitang sakdal laya Ito ang paborito kong talata sa minamahal kong Bayan na aking sinilangan pinagmamalaki kita Cousin Boyet Caparas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.