Opinions

Problemang shabu tuldukan*

PATULOY ang masinsinan na pagtutok at pagtugis ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency laban sa ipinagbabawal na drogang shabu at sa mga demonyong nagpapakalat nito.

Akalain ninyong kamakailan lang ay natuklasan ng PDEA ang 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng PhP4.3 bilyon na itinago sa dalawang magnetic scrap lifters sa loob ng isang container sa Manila International Container Port (MICP) na malamang ay inabandona dahil sa pangamba na mahuhuli ito ng mga awtoridad.

Dahil nakatago sa magnetic lifters ay hirap ang mga K9 na maamoy ang ilegal na droga mula sa labas ng container.

Nakuha ng PDEA ang pangalan ng kompanya na dapat sana ay tatanggap nito at pati na ang nagmamay-ari nito na kanilang ipatatawag at hihingan ng paliwanag sa ilegal na kargamento. Sisilipin din nila kung may katotohanan na ang may-ari ng kompanya at ang grupo nito ay sangkot sa pag-aangkat ng shabu sa bansa sa loob ng ilang taon ngunit patuloy lang na nakalulusot at hindi nahuhuli.

Ang kontrabando ay dumating sa bansa noong Hunyo 28 mula Malaysia pero naniniwala ang mga awtoridad na nanggaling ito sa China. Inaalam din ng ahensya kung sangkot ang mga kilalang sindikato tulad ng Bamboo Triad, 14K o Hong Kong Triad sa naturang shipment.

Ang tinututukan ngayon ni PDEA chief Aaron Aquino at ng kanyang mga tauhan ay ang posibilidad na may lima pang ibang shipments ng shabu na posibleng nakalusot sa Bureau of Customs. Nakatanggap kasi sina Aquino ng impormasyon na maaaring anim na container ang pinaglagyan ng droga.

Ngayon pa lang ay pinupuri na natin ang PDEA dahil sa walang humpay nilang pagtugis sa ilegal na droga. Pero upang tuluyang mawala ang pagdududa nino man na baka pinakikinabangan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno ang mga nakukumpiskang bawal na droga ay makabubuting ipakita sa publiko ang gagawing pagsunog sa shabu. Hindi maiiwasang may magduda na baka ma-recycle lang ang nakumpiskang droga at maibenta pa rin sa mga adik.

Higit sa lahat, makabubuting magsagawa ng malalim na imbestigasyon upang matukoy kung sino man ang nagparating ng droga at pati na ang walang konsensyang nakatakda sanang tumanggap nito.

Hindi maitatanggi na malalim na ang impluwensya na naitanim ng ilegal na droga sa halos lahat ng barangay sa bansa. Dapat maputol nang tuluyan ang pinag-uugatan ng droga kung nagmumula man ito sa abroad o ginagawa lang dito sa atin. Ilang buhay at kinabukasan na ang gumuho at nawasak bunga ng ipinagbabawal na droga kaya dapat itong tuluyang matuldukan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.