Mga salamisim 4*

SINO ang mag-aakala na makababalik sa poder si Aling Gloria Macapagal-Arroyo o GMA gayong dinurog siya ng kanyang dating estudyante, ang dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, sa pamamagitan ng mga patong-patong na kaso na isinampa laban sa kanya?

Hindi lamang nakabalik si GMA, nakaporma pa at nagawa pang gibain bilang Speaker of the House ang akala ng lahat na walang katinag-tinag na si Pantaleon Alvarez.

Grabe. Ito ay patunay lamang na talagang mahusay na politiko si GMA, kahit ano pa ang kanilang sabihin. Walang nakagawa ng kanyang mga ginawa, tama man o hindi ang mga iyon. Hangga’t hindi kinikilala ng kanyang mga katunggali ang kanyang husay sa larangan na kanyang ginagalawan, magngit-ngit na lang kayo sa tabi.

* * *

Hindi natin alam kung bakit nakalulusot sa Maynila ang pagbebenta ng mga kosmetiko na mapanganib sa kalusugan ng madla. Kamakailan lamang ay natuklasan ng EcoWaste Coalition na ibinebenta sa mga tindahan sa Divisoria ang mga lipstick na kontaminado ng tinatawag na heavy metal tulad ng tingga.

Ayon sa grupong ito na bantay ng kalikasan at pampublikong kalusugan, hindi lamang may tingga, kundi kontaminado rin ng cadmium (yung ginagamit sa baterya), arsenic (isang uri ng nakalalasong kemikal), at mercury (na nagiging sanhi ng maraming sakit kabilang na ang pagka-buang) ang mga lipstick na may tatak na Qianxu at MAC, na pinaniniwalaang peke).

Tanging dito na lamang yata sa Pilipinas at sa Tsina nabibili ang ganitong mga “health hazard” na produkto. Dangan kasi ban na ang mga ganitong produkto sa mga karatig bansa natin, lalo na yung mga kasapi sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN. Ano kaya ang ginagawa ng pamahalaang panglungsod ng Maynila? Natutulog sa pansitan?

* * *

Sa kabila ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa salot na droga ay kataka-takang patuloy ang mga sindikato sa kanilang pagtatangka na magpasok ng illegal na narkotiko sa bansa sa pamamagitan ng koreo at mga kargamento na dumaraan sa pantalan.

Naalala ko tuloy yung mga pelikula na napanonood ko noong kabataan ko tungkol sa mga sindikato na malakas umangkat ng droga at kung paano nila ito ibagsak sa mga pantalan dahil may mga bigatin silang kontak na sumasalubong sa kanila. Hindi kaya, hindi lamang sa pelikula nangyayari iyon? Baka kaya may mga maimpluwensyang kontak sila na namamayagpag ngayon na nakapaloob sa mga institusyon na kumikilos para sugpuin ang salot na ito?

Hmmmm….

* * *

Saludo ang Usaping Bayan sa mga kasapi ng Quezon City Police Department dahil sa kanilang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa ng Kyusee. Halos umaabot na sa limang laksa (5,000) ang kanilang nadarakip dahil sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa ng lungsod na nagbabawal sa paglalakd ng nakahubad, paninigarilyo sa pampublikong daan, sa paglabas ng mga menor de edad sa panahon ng curfew, jaywalking, pagihi sa daan at kung ano-ano pa.

Ang disiplina ay naguumpisa mga maliliit na bagay. Mabuhay kayo Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., mabuhay din kayo Mayor Herbert “Bistek” Bautista.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

* The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.