Rebolusyunaryong Simbahan ng mga Dukha*

SA araw na ito, ika-3 ng Agosto, ginugunita ng mga makabayang mananampalataya ang 116 na anibersaryo mula nang ipahayag ng teologo at sosyalistang labor leader na si Don Isabelo de los Reyes o Don Belong sa ating bayan ang Iglesia Catolica Filipina Independiente kasama ang mga kasapi ng Union Obrera Democrata, ang unang kilusang manggagawa sa Pilipinas.

Ang ICFI, na mas kilala ngayon sa mga pangalang Aglipay, IFI at PICC (Philippine Independent Catholic Church), ay ang Pambansang Simbahan ng Pilipinas dahil ito ay anak ng Himagsikang Pilipino laban sa pang-aabuso ng mga Kastilang prayle’t Simbahang Romano, at digmaang Pilipino-Amerikano.

Masasabi rin na ang ICFI ay bunga ng mga sakripisyo ni Padre Pedro Pelaez, ang unang Pilipinong pari na administrador ng Romano Katolikong Diyosesis ng Maynila at ama ng kilusang sekularisasyon para sa mga katutubong pari; at nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na mas kilala bilang Gomburza at Ama ng Kaakuhang Pilipino (Filipino national identity).

Hindi maitatatwa na ang makabagbag damdaming kamatayan nila Gomburza sa Bagumbayan (Rizal Park ngayon) ang nagsilbing mitsa ng Himagsikang 1896 na pinangunahan ng unang Pangulong Bayan na si Andres Bonifacio.

Ito ay ilan lamang sa mga dahilan kaya hindi kataka-taka na malaking bahagi ng unang kasapian ng ICFI ay mga beterano ng Katipunan ni Bonifacio. Ang damdaming makabayan at pananampalatayang mapagpalaya ang nagbunsod sa mga mananampalatayang Pilipino na humiwalay sa Roma at itatag ang isang Pambansang Simbahan bilang karapat-dapat na papasan sa mga pangangailangang pampananampalataya ng bayang Pilipinas.

 

Dapat din na maging malinaw na bagamat may hibo ng pagiging protestante, ang buod ng pananampalataya na sinasandigan ng ICFI ay nananatiling Kristiyano’t katoliko kaya patuloy na dinadasal ang Nicean Creed sa mga misa nito.

* * *

Si Gregorio Aglipay, isang dating pari ng Simbahang Romano Katoliko at military vicar ng rehimen ni Emilio Aguinaldo, ang unang obispo ng ICFI. Gayun man, bagama’t ang simbahan ay nakilala rin ng madla bilang Simbahang Aglipay, ay marapat lamang na maging malinaw na ang nagproklama sa simbahang bayan ay si Don Belong at si Aglipay ang napili ng tao upang maging unang obispo ng kanilang simbahan na itinayo.

Ayon sa mga kwentong bayan, nagpasyang sumanib si Aglipay sa ICFI matapos ang isang mainitang pakikipagtalo sa noon ay Arsobispo ng Maynila na si Bernardino Nozaleda, isang baliktarin na Kastila, sa loob ng Apostolic Center sa Sta. Ana, Maynila. Matapos umanong magpang-abot, ay nagpupuyos na tinalikuran ni Aglipay si Nozaleda, dahilan upang manatili ang kanyang excommunication  sa Simbahang Romano Katoliko.

* * *

Ang rebolusyunaryo at mapagpalayang katangian ng ICFI ang dahilan kaya kahit na mga protestante ang mga mananakop na Amerikano ay kanilang kinampihan ang Simbahang Romano Katoliko laban sa ICFI, dahil bukod sa makapangyariha’t mayaman ang simbahang ito ay baliktarin ang mga obispo nito. (Maka-Kastila sa panahon ng mga Kastila at maka-Amerikano sa panahon ng mga Amerikano).

Ang pagkatig ng mga Amerikano sa baliktaring mga obispo ng Romano Katoliko ang dahilan kaya kinilala at malugod na tinanggap ng taong bayan ang ICFI bilang kanilang Simbahan…bilang Simbahan ng mga Dukha. Ito rin ang paliwanag kung bakit maliliit ang mga simbahan ng ICFI ngayon kumpara sa mga simbahan ng mga Romano Katoliko.

* * *

Muli isang maalab na pagbati ang hatid ng Usaping Bayan sa mga mananampalataya na kabilang sa ICFI sa pagdiriwang ng ika-116  na anibersaryo nito. Mabuhay ang Iglesia Catolica Filipina Independiente.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkules at Biyernes.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.
Tags: , ,

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.