Salamat*

NITONG nagdaang Biyernes sa Stafford Centre ay pinasaya ng husto ng mga crooner na sina Rey Valera at David Pomeranz ang ating mga kababayan sa saliw ng kanilang mga walang kupas na “love songs.”

Tiyak ko na marami sa mga nanood ng konsierto ang naglakbay pabalik sa panahon sa pamamagitan ng landasin ng mga alaala o “memory lane.” Nabuhay na piho ang masasaya’t masasakit na mga gunitang inihatid ng mga awitin ni Rey at David na sumikat ng todo noong dekada 70, 80 at 90.

Halos mapuno ang Stafford Centre na nasa Stafford, Texas, isang lungsod na 20 milya (32.1 kilometro) lamang ang layo sa Lungsod ng Houston, ang ikaapat na pinakamalaking siyudad sa US kasunod ng Chicago sa Illinois; Los Angeles sa California at New York City sa New York.

Nagumpisa ang dalawa at kalahating oras na konsierto bandang 7:30 ng gabi sa pamamagitan nang isang opening number na Dancing Queen ng pamosong Abba na inawit nang mahusay ni Darlene Reyes, isang local singing talent.

Pagkatapos noon ay ipinakilala ni Darlene si Rey na bukod sa inawit ang kanyang mga hits tulad ng “Naaalala ka,” “Maging Sino Ka Man,” “Kumusta ka,” “Pangako,” “Ayoko na sa ‘yo,” “Tayong Dalawa,” “Kahit Maputi na ang Buhok Ko,” “Kung Tayo’y Magkakalayo,” “Malayo pa ang umaga,” “Walang kapalit,” at “Ako si Superman” ay umakto bilang isang stand-up comedian din.

Pagkatapos ni Rey, ay ipinakilala naman niya ang katandem na si David na inawit naman ang kanyang sariling mga hit songs tulad ng “Got to believe in magic,” “Undying admiration,” “Tryin to get the feeling again,” “If you walk away on this day” na ka duet si Darlene, “Old songs,” King and Queen of hearts” at “Born for you.”

Kung mayroong One Man Band o OMB, si David naman ang one man total performer.

Maganda ang kumbinasyong Rey at David dahil tila pinagtiyap ang mababang tono ni Rey, na ala “Bread,” at ang may pagkamatining na boses ni David, na medyo ala “Freddie Mercury.”

Sa ating panayam sa dalawang sikat na singer matapos ang konsierto ay nalaman natin na mahigit isang linggo pa lamang nang magkakilala at magkasama sa tour si Rey at David. Sa kabila ng ikli at kakapusan ng panahon para magensayo, sa obserbasyon ng marami ay patok naman ang Rey-David tandem at mukhang sila ay magkasundong-magkasundo.

Napagalaman ng inyong lingkod na ang show sa Stafford ay inisponsoran ng Happy Owl, Productions, SG Productions at MTS Law.

Nang lumabas ang pitak nating ito ay bukod sa Stafford, nakapagperform na rin sila Rey at David sa Dallas, Texas; at sa Los Angeles. May iskedyul din silang performance sa Bob Hope Theatre sa Stockton, California sa ika-4 ng Agosto.

* * *

Ibinunyag ni Rey sa Usaping Bayan na may planong dalhin ang kanilang tandem ni David sa Maynila. Kung sakaling matuloy ito ay tiyak na pagkakaguluhan ang dalawang ito ng mga love song diehards.

Nagpahayag din si Rey na siya ay magbibitiw na bilang punong hurado ng “Tawag ng Tanghalan” na bahagi ng noontime show na “Its Showtime.” Masyado raw ang presyur na kanyang nararamdaman at marami siyang ibig gawin na hindi niya magawa dahil sa dami ng “hindi puwede.”

* * *

Taos pusong nagpapasalamat ang Usaping Bayan kay Ms. Lyvinna “Bing” Lim, na kundi dahil sa kanyang imbitasyon ay hindi natin nasaksihan ang konsierto at hindi rin nakapanayam si Rey at David. Salamat ng marami Bing. Mabuhay ka.

Salamat din kay Bro. Joel ng Freedom Cargo sa kanyang mainit na pagtanggap sa Usaping Bayan, Hataw at Beyond Deadlines.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.