Modelong opisyal*

SA GITNA ng santambak na intriga at kontrobersya na kinakaharap ng Philippine National Police bunga ng katiwalian at kabalbalan ng ilang bugok nilang kasapi ay nakatutuwang malaman na may mga opisyal pa rin na tunay na may malasakit sa organisasyon at tumutupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na magpatupad ng batas, kahit na may kabaro silang masasagasaan.

Halimbawa na rito ang direktor ng National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) na si Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar dahil tunay na masinsinan, walang patid at walang sinasanto ang kanyang kampanya laban sa mga kriminal na pulis upang manumbalik ang tiwala ng mga mamamayan sa mga alagad ng batas.

Sinalakay nila kamakailan ang mismong Muntinlupa City police headquarters at inaresto ang apat na pulis na inakusahan ng pangingikil ng pera kapalit ng pagpapalaya sa isang babae at sa pitong-taong-gulang na anak nito. Ang hepe ng drug enforcement unit ng naturang himpilan at tatlo pa nilang mga pulis ay pawang nakatakas at pinaghahanap pa hanggang sa kasalukuyan.

Hiningan nila umano ng PhP400,000 ang isang construction foreman para mapalaya ang babaing kinakasama nito at ang anak nilang paslit na kinuha nang magsagawa ang mga pulis ng anti-illegal drug operation sa Barangay Tunasan.

Hindi pa nakuntento, kinulimbat pa rin umano nila ang ibang gamit ng biktima kabilang na ang alahas, LED television set, cell phones, laptop at pati pera. Nakiusap ang foreman kung puwedeng mapababa ang hinihingi at nagkasundo sila sa halagang PhP40,000.

Walang kaalam-alam ang mga sinasabing corrupt na pulis na nagsampa ng reklamo ang lalaki sa NCRPO. Nagresulta ito sa agarang pagsibak ni Eleazar sa walong pulis na sangkot sa operasyon at pati na sa hepe ng Muntinlupa police dahil sa command responsibility. Nahaharap ang mga nahuling pulis sa kasong kidnapping, robbery at extortion.

Kung nangingikil man ang pulis ilang dekada na ang nakalilipas ay baka dahil sa tunay na maliit ang tinatanggap nilang suweldo. Pero hindi nila ito puwedeng ikatwiran sa kasalukuyan dahil inaalagaan sila ng Pangulo at tinitiyak na ang suweldo nila ay sapat para sa kanilang pamilya.

Ayon kay Eleazar ay hindi siya magpapakita ng awa sa mga pulis na gumagawa ng ilegal lalo na ang pangingikil at kidnapping. Ito ay karapat-dapat dahil ang iilang pulis na gumagawa ng kagaguhan at kawalanghiyaan sa ngayon ay maituturing na tunay na bandido.

Sa kasalukuyang takbo ng kapulisan na kung ilang ulit na nabubuko ang mga kalokohang ginagawa ng ilang pulis ay tunay na kinakailangan ang isang opisyal na tulad ni Eleazar na walang kinikilingan sa pagpapatupad ng batas.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.