Mga salamisim 3*

ALAM ba ninyo na bago ang Hunyo 12, ay tuwing ika-4 ng Hulyo natin ipinagdiriwang ang araw ng ating kalayaan?

Binago ni dating Pangulong Diosdado Macapagal, ama ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), ang petsa nang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan para kalamayin ang kalooban ng mga makabayang elemento na nagupuyos ang kalooban dahil sa ginagawa umano niyang pangayupapa sa ating mga mananakop na Amerikano.

Binaklas ni Macapagal ang mga makabayang patakaran ni dating Pangulong Carlos P. Garcia at binuksan niya ang ating ekonomiya sa mga dayuhan, isang masamang kaugalian na itinuloy ng mga sumunod na pangulo, kabilang na si Ferdinand Marcos Sr., Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, GMA, Benigno Simeon Aquino III at Rodrigo Duterte.

Gayun man, may nagsasabing kaya binago ni Macapagal ang petsa ng Araw ng Kalayaan ay dahil walang dumadalo o pumapansin sa ating pagdiriwang tuwing ika-4 ng Hulyo. Dangan kasi lahat ng mga pinuno ng mundo ay nakatuon sa pagdiriwang ng mga Amerikano, dahil ang Hulyo 4, ang kanilang Independence Day mula sa Gran Britanya.

Matatandaan na “ibinigay” sa atin ng mga Amerikano ang ating kalayaan noong ika-4 ng Hulyo, 1946 bilang pagsunod sa Tydings McDuffie Law, isang batas pededral na pinirmahan ni dating US President Franklin Delano Roosevelt noong 1935. Si dating Senador Millard Tydings at Congressman John McDuffie, na parehong Democrats tulad ni FDR, ang may akda ng nasabing batas.

Nakasaad sa Tydings McDuffie Law na bibigyan tayo ng US nang 10 taon na transition period bago bago nila tuluyang ibibigay sa atin ang “kalayaan.” Kaya nagtataka ang Usaping Bayan kung bakit tila mas maraming Pilipino ngayon ang maka-Republican gayong ang mga Democrats ang nagbigay ng “kalayaan” sa atin.

Sa loob ng dekadang ito, 1935-1946, ay nagawa ng mga Amerikano na gawing “little brown Americans” ang mga lokal na elite kaya’t kahit kunwa ay ibinigay nila ang ating kalayaan ay hindi nagbago ang ating relasyon. Tayo ay naging neo-kolonyal ng US na siyang ugat ng ating kahirapan ngayon.

* * *

Sa kabila na Hunyo 12 na ang pormal na kinikilalang Araw ng Kalayaan, naninindigan ang Usaping Bayan na ang tunay na araw ng kalayaan ay ang huling linggo ng Agosto sapagkat sa huling bahagi ng buwan na ito naganap ang isang linggo na Cry of Balintawak 1896, ang kauna-unahang sigaw ng kalayaan sa Asya sa pangunguna ng Ama ng totoong Himagsikang Pilipino at tunay na Unang Pangulo ng Republika na si Gat Andres Bonifacio.

Ang Hunyo 12 ni Emilio Aguinaldo ay araw ng kataksilan sapagkat ito ay isang deklarasyon lamang nang pagiging US protectorate ng Pilipinas.

Samantala ang Hulyo 4 naman ay hungkag na deklarasyon sapagkat kahit nga ibinigay sa atin ang kalayaang politikal, hindi naman ibinigay ng mga Amerikano ang pitaka at kusina ng bahay ika nga. Tiniyak nila na tayo ay nasa lilim ng kanilang saya. Isang katotohanan na kitang-kita pa ang ebidensya sa ngayon.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

* The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.