Mga salamisim 2*

MAYROONG nakarating na ulat sa Usaping Bayan mula sa mga nagmamalasakit na kaibigan na nagsasabing maraming “pro-people” na probisyon sa 1987 Constitution ang balak alisin o inaalis na sa ginagawang Duterte Constitution. Halimbawa raw nito ay yung may kaugnayan sa Human Rights at ang pagkilala sa papel ng mga kababaihan sa ating lipunan.

Kung totoo ang impormasyon na ito ay dapat mas lalong matyagan ang planong wasakin ang kasalukuyang siste upang mapalitan ito nang isang papabor sa pananatili ng sariling interes at warlordism, na ikinukubli sa konsepto ng pederalismo.

Hindi dapat hayaan ng sambayanan na magwagi ang kadiliman laban sa liwanag.

* * *

Makailang ulit nang sinasabi ng Usaping Bayan na hindi pederalismo ang sagot sa kasalukuyang problema ng bayan, na dinala sa atin ng neo-liberalismo sa pamamagitan ng mga dilawang grupo katulad ng Liberal Party at mga kaalyado nito.

Malinaw na nagbibigay ng sapat na awtonomiya ang kasalukuyang Saligang Batas para sa mga nangangailangan nito, kaya walang basehan ang mga katwiran na ginagamit para bigyang puwang ang pederalismo sa ating bayan.

Lalo lamang hahatiin ng pederalismo ang hati-hati ng pambansang kaakuhan natin. Palalakasin lamang nito ang mga political dynasties sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod, bayan, at barangay sa buong kapuluan. Mamamayagpag sa pederalismo ang mga tradisyunal na pamilya na may hawak na sa ngayon ng kapangyarihan at lalong madidisempower ang matagal nang kinakawawang taong bayan.

Ang pagpapalakas sa mga institusyon, lalo na yung nagbibigay serbisyo sa bayan, ang kailangan. Paglilinis sa hanay ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang isa sa mga dapat atupagin, samantalang hindi na dapat ipagpaliban ang pagusig sa mga human rights violator, mga taksil sa bayan, lalo na yung nagpapagamit sa mga Amerikano, Intsik at iba pang dayuhan.

Dapat ding usigin ang mga nagsulong ng neo-liberalismo at iba pang kahalintulad na kawalanghiyaan sa taong bayan.

Ilan lang ito sa mga dapat gawin NGAYON upang magkaroon ng mga makabuluhang pagbabago sa lipunan. Ito ang mga solusyon, hindi ang paurong na pederalismo na isinusulong ng kasalukuyang rehimen.

* * *

May mga nagpapanukala na dapat na raw buwisan ng pamahalaan ang Simbahan. Hindi ko alam kung abot ng isip ng mga nagpapanukala nito kung gaano kalaki ang magiging epekto ng kanilang sinasabi sa ating bayan. Ewan ko kung alam nila kung gaano kalaking tulong ang nagagawa ng Simbahan para sa mga taong mismo ay tinalikuran ng mga nagbibigay nang lisyang panukalang ito.

May palagay ang Usaping Bayan na totoong may mga pangaabuso na ginagawa ang ilang taong Simbahan. Minsan ginagamit ang kawalan ng buwis ng mga charitable at educational institutions para lamang payamanin ang ilan sa loob ng Simbahan.

Gayun man ang sagot ay hindi pagbubuwis kundi ang masusing pag-o-audit sa mga binibigyan ng tax exemptions. Dapat silang saklawin ng Commission on Audit upang hindi magamit ang mga ito sa pagpapayaman ng mga nasa loob ng dakilang institusyong Simbahan.

* * *

Kung ano man ang panghaharas na inaabot ng mga taong simbahan sa ngayon ay dapat din ninyong malaman na ito ay bunga lamang ng ginawang pang-aabuso ng iilang taong simbahan, hindi lamang ngayon kundi noon. Karma ang tawag dito at ito ay hindi saklaw ng panahon. Tulad nang isang magnanakaw, dumarating ang karma na walang abiso.

Gumawa ng mabuti at ng mabuti rin ang karmang abutin.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

* The opinion of this author is his/hers alone. It is not necessarily the views of Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this story/opinion? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.