News

Dalawang pinaghihinalaang tulak todas sa isang buy-bust operation sa QC

Ni Santiago Celario

PATAY ang dalawang pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga matapos na makipagbarilan umano ang mga ito sa mga pulis nitong madaling araw ng Sabado sa Novaliches, Quezon City.

Nakilala lamang ang mga napatay sa pamamagitan ng kanilang mga alyas na “Kosa”, mga 45 anyos; at Jun “Sputnik,” na tinatayang nasa 35-anyos. Ang mga suspek ay sinasabing residente ng Caloocan City na dumayo sa Novaliches upang magbenta ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, dakong alas–2:30 ng madaling araw ng ikasa ang isang buy–bust operation sa kahabaan ng Ignacio Street, Barangay Gulod, Novaliches, QC ng mga operatiba ng QCPD Station 4 (Novaliches).

Sinabi ng mga awtoridad na habang nagaganap ang transaksiyon, natunugan ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon kaya agad bumunot ang mga ito ng baril at mabilis na pinaputukan ang mga pulis, dangan na nga lamang sila ay nagmintis.

Bunsod nito napilitang gumanti ng putok ang mga nakakubling pulis hanggang sa mauwi ang barilan sa habulan na umabot sa isang makitid na pasilyo sa Brgy, Gulod kung saan napatay ang dalawa.

Narekober umano mula sa napatay ang isang .38 kalibre ng baril, isang .22 kalibre na revolver, 12 plastic sachet na may pinaghihinalaang shabu, PhP500 buy- bust money at mga drug paraphernalia.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this story/opinion? If you do, kindly share it. Thanks.

 

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.