Dr. Mildred Balbin Oliveros: Sa Pagtuklas ng Gamot at Humanitarianism

MARAMI sa atin ang “nagsusunog ng kilay” para sa sariling layunin – ang kumita at ng sa gayon ay umigi ang kalagayan sa buhay.

Pero, para naman kay Audrey Hepburn, isang British actress at humanitarian, ang sabi niya: “Habang tayo ay tumatanda, matutuklasan natin na ang isa sa ating dalawang kamay ay para tulungan ang ating sarili, at ang isa naman ay para tulungan ang ating kapwa.”

Nakapanayam ko si Dr. Mildred Balbin Oliveros, isang pharmacist, may ilang buwan na ang nakararaan. Masasabi ko na isa siya sa mga gumagampan sa sinabi ni Hepburn, at ito’y ay kahit noong siya nasa kabataan pa.

Ama

Bakit nga ba naman hindi, gayong nakuha niya ang genes ng kanyang ama na si Dr. Gavin V. Balbin, isang dating gobernador ng lalawigan ng Abra at naging regional director din ng Department of Health? Kilala itong si Dr. Balbin sa pagiging matulungin sa kapwa noong siya ay nabubuhay pa.

Nabanggit ni Dr. Oliveros na maawain ang kanyang ama sa mga mahihirap at hindi marunong humihingi ng kapalit. Ganoon pa man, sa pagtanaw ng utang na loob ng mga natulungan, kung ano-anong gulay, manok o prutas ang dinadala nila sa kanilang bahay.

“Tuloy, nakilalang isang opisyal ng gobiyerno na may malaking puso ang aking ama,” medyo nahihiya pang sinabi ni Dr. Oliveros.

Ina

“Ang aking ina naman, si Dr. Lourdes B. Balbin, ay may botika noon. Madalas akong kasama niya sa tindahan namin ng gamot kaya siguro malaki ang naging inpluwensiya niya sa aking propesyon ngayon,” salaysay pa ng doktora.

Edukasyon

Mabilis matuto si Dr. Oliveros. Sa edad na 19, ay nakatapos siya ng Bachelor of Science in Pharmacy degree sa Universidad ng Pilipinas o UP..

“Kaya nga lang, hindi ako nabigyan ng karapatang umakyat sa entablado para sa oath-taking, kasi hindi pa raw ako 21 anyos, and edad na required ng academe,” paliwanag niya.

Pagkatapos maka-graduate, si Dr. Oliveros ay kumuha agad ng pharmacist licensure exam. Ang resulta? Namayagpag sa exam – siya ang naging topnotcher.

Noong siya ay 21 anyos, nag-umpisa siyang magtrabaho at naging research assistant ni Dr. Magdalena Cantoria. Sa kanyang trabaho namangha si Dr. Oliveros sa galing na ibinibigay ng mga halaman para sa ating kabutihan.

“Marami akong natutunan kay Dr. Cantoria sa pagre-research namin hinggil sa benepisyo ng mga halaman. Marami siyang itinuro sa akin na siyang naging aking gabay sa propesyon na ito,” sabi ni Dr. Oliveros bilang pagtanaw ng malaking utang na loob sa kanyang naging dating boss.

May palagay ako na itong pagkahalina ni Dr. Oliveros sa kalikasan ay malamang na bunga rin ng kagandahan ng mga tanawin sa Abra na kinalakihan niya, at sa mga nakikita niyang mga tanim sa kapaligiran na nagbunsod sa kanya na saliksikin ang maibibigay nitong kabutihan para ating kalusugan.

Sa sipag at tiyaga, nakamit naman niya ang kanyang doctorate degree sa College of Pharmacy ng UP. noong 1977. Nabigyan rin siya ng Post-Doctoral Fellowship sa Universidad ng Wurzburg sa Alemanya noong 1996. Pati sa National Cancer Institute sa Maryland, USA ay napili siya na maging Exchange Visiting Scientist noong 1996 din, gawa nga nang nakikitang masidhing interest at contribution niya sa panaliliksik.

Napakasidhi ng pagnanais niyang makatuklas pa ng mga gamot na makabubuti sa lahat, lalo na doon sa mga kapus-palad. Nagtataka tuloy siya dahil sa dinami-rami raw ng ating likas na yaman sa bansa ay bakit ang mga alternatibong lunas sa sakit ay kakaunti, at kung mayroon man ay hindi pa rin makayanan ng bulsa ng mahihirap.

Mga awards at citations

Hindi maikakaila na sa dinami-rami ng taon niyang pananaliksik ng iba’t ibang klaseng gamot, malayo na rin ang narating niya locally o internationally. Naandon na nailimbag din ang mga sulatin niya – hinggil sa pananaliksik at iba pa – sa mga scientific journal sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Nabigyan din siya ng parangal bilang isa sa mga Women Achievers sa librong “A Century of Women in Science” na inilimbag ng National Academy of Science and Technology. Naroon din na ibinoto siyang “Most Outstanding Pharmacist in the Area of Research” ng Philippine Pharmaceutical Association nuong 1995.

Maliban dito marami pa siyang nakamit na awards at citations ukol sa kanyang career.

Ito lang Hunyo 16, 2018, iginawad sa kanya ng UP Pharmacy Alumni Association ang 2018 Lifetime Achievement Award.

Kagagaling lamang niya sa Macau nitong Hulyo kung saan siya ay isa sa mga naging plenary speakers nang 5th Association of Asian Schools of Pharmacy Dean Forum. Ito ay ginanap sa Macau University of Science and Technology.

Guro

May 42 taon na rin si Dr. Oliveros sa pagiging isang guro. Libo-libong istudyante and kanyang mga naturuan sa iba’t ibang pamantasan, tulad ng UP Manila at Clark Air Base, at sa Manila Central University (MCU). Nagturo din siya sa UP San Fernando, at naging assistant director ng paaralan. Doon sa UP College of Pharmacy siya pinakamahabang nakapagturo, simula 1964 hanggang 2006. Sa panahong ito ay pinanatili niya ang “standards of excellence” ng paaralan.

“Natutuwa ako kung ang aking mga istudyante ay nagpa-participate. Ang aking mithiin ay pukawin ang kanilang interest – isang bagay na napakalahaga kung ikaw ay nagtuturo. Ang research o pananaliksik ay nakahahalinang gawain lalo na, sa aking opinyon, kung ito ay maraming matutulungang tao gaya nga ng pagtuklas ng mga gamot sa iba’t ibang klaseng kapansanan,” pahayag ni Dr. Oliveros.

Mga tuklas na halamang gamot

Dr. Mildred Oliveros. Photo by Vics Magsaysay

Para sa kanya, ang pamilya ng ginger o luya ay nakahahalina gawa ng marami nitong benepisyo. Isa na dito ang anti-bacterial property nito. Mayruon din siyang katangiang anti-inflammatory. Tuloy na-formulate niya itong Zengiment Ointment na may active ingredient na terpinem-4-ol. Ang formulation na ito ay nanalo sa Inventors, Innovator Week sa UP.-Manila. Sa ngayon hindi pa ito commercially available at wala raw siyang plano na ibenta ang formulation para sa sakit sa balat.

Tinanong ko siya kung bakit? Ang sagot niya: “Ito’y akin na lang ibinibigay na libre sa mga taong walang pambili ng gamot.

May natuklasan din siyang isang gamot na may pag-asang panlaban sa cancer: ito ay ang Millettia merrillii, isang halamang matatagpuan sa Palawan. Kaya nga lang nawalan ng momentum ang pagsasaliksik dito dahil nawalan ng funding ang National Cancer Institute.

“May mga estudyante sa pharmaceutical field ang ibig ipagpatuloy ang research sa gamot na ito dahil sa malaki nitong potential laban sa malubhang sakit na cancer,” ayon sa doktora.

Nandoon na rin iyong naka-formulate siya ng isang pulbos na galing naman sa dahon ng avocado na magaling na larvicidal laban sa Aedes aegypti, ang lamok na nagdadala ng virus na nagiging sanhi ng dengue at yellow fever.

Mayroon din siyang nakita sa Zerumbone (isang compound na galing sa ugat ng isang kapamilya ng luya) at ginawang active ingredient sa shampoo. Ito ay mayroon pang anti-bacterial properties at commercially available na.

Naka-diskubre rin siya ng isang compound na galing sa Strongylophora, isang Philippine marine sponge, na may magaling na anti-cancer properties din.

Ayon sa doktora, “May malaking impact ito sa delivery ng healthcare, lalo na sa mga mahihirap.”

Humanitarian

Sa kanilang pamilya, hindi lang si Dr. Oliveros ang humanitarian. “It runs in the family,” ‘ika nga.

Ang panganay na anak niya, si Lourdes Oliveros, ay dating Chief of Staff ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema. siya ay aktibo sa He Cares Foundation na tumutulong sa pagpapakain at edukasyon ng mga batang kalsada.

Ang bunsong anak, si Milagros Oliveros, ay isang physician na madalas ang medical missions kasama ang mga madre. Kadalasan sa mga okasyon na ito ay sariling pera ang ginagamit para pambili ng mga gamot sa mga nangangailangan.

Ang pangalawa sa bunso naman, si Milette, ay isa ring physician at nasa Portland, Oregon. Palagi din siyang kasama sa mga medical mission at na-feature pa sa isang local morning TV show dahil sa pagbibigay ng libreng medical procedure.

Ang kanyang kapatid na si Luz Balbin-Spanks ay active naman sa kaniyang Music Ministry at masigasig din sa pagpapalaganap ng sining sa La Habra Art Gallery, La Habra, California.

Ipinakita sa atin ni Audrey Hepburn, Dr. Mildred B. Oliveros, at iba pang mga humanitarian, na sa mundong ito na ating ginagalawan, nandoon na iyong tulungan natin ang ating sarili, at pagkatapos naman ay tulungan din natin ang mga nangangailangan.

Kahit na nga ang Dalai Lama, nabanggit niya na kahit wala ka raw relihiyon, pero kung maawain ka naman sa kapuwa mo, husto na. Ito din ang madiing itinuturo ng lahat na mga malalaking relihiyon sa mundo.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this story/opinion? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.