Ipit sa sitwasyon*

BATID ng lahat na halos nakabaon pa rin ang puwersa ng buong Philippine National Police (PNP) sa kontrobersya at kahihiyan bunga ng kapalpakan na nagawa ng ilang bugok nilang kabaro.

Halos araw-araw ay may nauulat na pulis o kanilang opisyal na sangkot sa krimen tulad ng pagkakadawit sa ilegal na droga, pangongotong, panggagahasa o paggawa ng kalaswaan at iba pa. Hindi na rin mabilang ang mga pagkakataon na nakapatay ang pulis sa katwirang nanlaban ang kanyang hinuhuli o kaya ay nang-agaw umano ito ng baril.

Alalahanin na tungkulin ng pulis na magpatupad ng batas at manghuli ng suspek na naaktuhan niya sa paggawa ng krimen. Pero ang uniporme niya at tsapa ay hindi nagbibigay ng lisensya para kumitil ng buhay lalo na ng mga inosente.

Maaalalang isa sa mga pangako na binitiwan ni President Duterte habang nangangampanya ay wawakasan niya ang illegal na droga sa loob daw ng tatlo hanggang anim na buwan. Pero dalawang taon na siya sa puwesto at libu-libong suspek na ang namatay pero naririyan pa rin ang ipinagbabawal na gamot.

Nangako rin siya na tatapusin ang ilegal na sugal pero alam nating lahat na hanggang ngayon ay namamayagpag ang jueteng sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nagmungkahi ang Pangulo kamakailan sa kapulisan na luwagan ang kampanya laban sa jueteng. Kapag may jueteng ay umiikot daw ang pera kahit na paano. Nag-aalala raw ang Pangulo na kapag nawala ang jueteng ay lalo pang lalala ang problema sa bentahan ng ilegal na droga na gamit ang jueteng operators.

Pumasok si Senator Panfilo “Ping” Lacson sa eksena at nagbabala sa kapulisan laban sa pagsunod sa mga ilegal na kautusan kabilang na ang pagtigil ng kampanya sa jueteng. Ang pagsunod sa ilegal na utos kahit na nagmula ito sa Pangulo o ibang superiors ay hindi raw magsisilbing sapat na legal na depensa sa korte.

Kung tutuusin ay hindi dapat balewalain ng kapulisan ang babala ni Lacson dahil may sapat na kaalaman ito sa kanyang sinasabi. Huwag kalilimutan na dati itong nagsilbi bilang hepe ng buong PNP.

Tandaan na ang kapulisan ay may tungkulin na dapat gampanan at ipatupad. Kapag nakakita sila ng gumagawa ng krimen kaugnay man ito ng ilegal na droga, ilegal na sugal, pagnanakaw, pamamaslang o anumang labag sa batas ay dapat nilang hulihin ito at ikalaboso.

Pero ang tanong ay paano kaya nila babalewalain ang utos ng Pangulo na kanilang Commander in Chief kung puwedeng mangahulugan ito ng pagkakasibak nila sa puwesto?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.