Ang Kapatiran*

BUKAS ay ang ika-25 taon na pagkatatag ng Confraternitas Justitiae, dating Knights of the Fraternal Order of Justice, isang progresibong Kapatiran ng mga mag-aaral ng batas sa Adamson University.

Naalala ko pa kung sino-sino ang mga dumalo sa pulong ng gabing iyon sa harap ng National Press Club.

Nagharap-harap kami nina Kapatid na Rolando Calara, Mario Cleto Claris, Lyndon John De Leon, Santiago Escape Jr., Jose “King Gutierrez, Romencio Lagrimas, at kasama ang ilang bote ng SMB at pulutan ay pormal na itinindig namin ang Kapatiran noong gabi na iyon, ika-5 ng Hulyo, 1993.

Bago ko nakumbinsi ang magiting na anim na bigyan buhay ang proyekto para sa isang Kapatiran, ay nagkaroon muna ako ng mga paunang pulong, hindi lamang sa kanila kundi sa iba pang mag-aaral na katulad ko noon ay nasa ikalawang taon ng kurso sa batas. Sa mga pulong na ito sa harap ng hapag kainan ay nilinaw ko ang layunin at prinsipyo na bibitbitin ng Kapatiran.

Masaya at masuwerte ako dahil sa dami ng aking kinausap ay tinugon nang magiting na anim ang aking panawagan at simula noon ay humabi na ng kasaysayan ang Kapatiran.

Naalala ko pa na ang kauna-unahan nating proyekto ay ang pagkakaroon ng mga basurahan sa Deans Office, classrooms at sa library. Naalala ko pa rin kung paano ako kinausap ni Kapatid na Teresa Ablang-Lachaona sa corridor nang ikalawang palapag ng College of Law, at kung paano siya nagpresinta na maging kauna-unahang babaeng Kapatid.

Makabuluhan din sa akin na ang unang initiation rites ng ating Kapatiran ay ginawa sa isang overnight session sa banal ng bundok ng Makiling. Ayon sa matatanda, ang Makiling, kasama ang Banahaw-San Cristobal at Arayat ay ang tatlong banal na tanod bundok ng Luzon.

Hindi ko rin nalilimutan kung paano tayo hinaras nang ilan sa mga kasabayan nating mag-aaral na “barbaro” sa kanilang hungkag na pagtatangka na pigilan ang paglago ng ating Kapatiran. Hindi ko nalimutan ang pagkakataon na kinailangan kong magnindigan, matapos may lumaslas ng gulong ng aking sasakyan, upang tigilan nila tayo sa kanilang panghaharas.

Sa awa naman ng Diyos ay nagliwanag ang kanilang isip at napagtanto siguro na mali ang kanilang ginagawa.

Nagpa-raffle draw din ang Kapatiran noong pasko ng taon na iyon, nag-sponsor din ang Kapatiran ng mga symposia kung saan ang nakuha nating tagapagsalita ay ang pamosong sosyolgo na si Randy David, Human Rights Lawyer Ulan Sarmiento at may isang sikat na madre sangkot sa kilusang Pro-Life na nakalimutan ko ang pangalan.

Isa ang Kapatiran, kasama ang Student Council ng mga undergraduate, sa mga tumutol noon sa pagtataas ng tuition sa unibersidad, at isa tayo sa nagprotesta sa hindi magandang trato noon sa miyembro ng LGBT community. Kung hindi ako nagkakamali ay ito yung sa panahon ng batch nila Kapatid na Meldream Dizon.

Di ko na rin mabilang kung ilang beses nagkaroon ng outing, harapan sa inuman at kainan, at bar operations sa may La Salle ang mga Kapatid.

Naalala ko rin kung papaano pumayag na maging adviser ng Kapatiran sina Atty. Aleli Manimtim, dating konsehal ng Quezon City na si Moises Samson, si Manila Regional Trial Court Judge Reynaldo Alhambra, dating Manila City Administrator at RTC Judge Juan Nabong, at si dating Court of Appeals Justice Maximiano “Hukom Bitay” Asuncion, (SLN). Si Atty. Samson, para sa kaalaman ng lahat, ang nagbigay ng bulletin board sa ating Kapatiran.

Naging honorary member ng Kapatiran ang nasirang abogado at Political Law professor na si Agustin Organista (SLN), si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Sr., si dating DILG Secretary Atty. Joey Lina, at naging kaibigan natin ang nasirang Criminal Law Professor na si Atty. Rodolfo Mapile (SLN), at si Atty. Juan Victor Llamas.

Naalala ko rin si Allan Cañares, na isa nang prosecutor sa Office of the Ombudsman, bilang kauna-unahang abogado ng Kapatiran. Kasamang naalala ko si Kapatid na Lalaine Luza kung paano na siya ang unang naging Grand Knight (GK) na babae at si Kapatid na Benjamin Asakil, na siyang sumunod sa akin na puno ng Kapatiran, bilang kauna-unahang GK na Muslim, patunay na wala sa kasarian o pananampalataya ang basehan ng pamumuno sa ating bigkisan.

Marami pa akong naaalala kaso kapos na tayo sa ispasyo. Sayang wala ako sa ating reunion at selebrasyon para sa araw ng ating ika 25 anibersaryo. Napagkuwentuhan sana natin ang mga ito.

Sa aking mga Kapatid, MALIGAYANG ANIBERSARYO AT MULI NATING ITINDIG ANG KAPATIRAN, HINDI LAMANG SA PAMANTASANG ADAMSON, KUNDI LAGI SA ATING MGA PUSO.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.