Kawalan ng respeto*

MARAMI ang nadismaya at hindi mabilang na mga tao ang nagalit nang tawagin ni President Duterte na “estupido” ang Diyos

Ayon sa Philippine Council of Evangelical Churches ay nasaktan ito nang husto sa birada ni Duterte laban sa Simbahan. Nagpahayag naman ang isang grupo ng mga Kristiyano na nakagawa umano si Duterte ng pinakamabigat na kasalanan na tanging si Satanas lang ang makagagawa. Hindi rin nagpahuli ang iba’t ibang pinuno ng Simbahan sa pagbatikos sa Pangulo.

Maging si Jesus Is Lord (JIL) Church founder Brother Eddie Villanueva ay hindi nakapagpigil sa pagpapakawala ng nadaramang “banal na galit” umano sa mga sinabi ni Duterte. Nilabag daw nito ang mismong Konstitusyon na dapat sana niyang sinusunod higit kanino man.

Maliwanag kasing nakasaad ang pagkilala sa Diyos lalo na sa simula pa lang ng Preamble ng 1987 Constitution na nagsasabing “We, the sovereign Filipino people, imploring the aid of Almighty God…”

Hindi masisisi kung marami man ang sumama ang loob dahil si Duterte ang Pangulo ng Plipinas at ng bawat isang Pilipino. Nararapat lang sanang maibigay niya ang karampatang paggalang sa bawat sektor ng lipunan, anuman ang relihiyon na kanilang kinabibilangan.

Pero sa halip na respetuhin ang bawat relihiyon ay tinawag niyang estupido ang Diyos, kinuwestyon ang kuwento ng “creation” at pinagdudahan ang konsepto ng “original sin”. Hindi pa nakuntento, pagkalipas ng ilang araw ay kinuwestyon naman ng Pangulo ang mga karakter sa “Last Supper” na ginawa raw santo dahil naroon lang sila sa painting.

Ang Last Supper ay ang kuwento sa Bibliya sa huling hapunan ni Kristo kung saan niya nakasama ang 12 niyang Apostoles na hinugasan niya ang mga paa sa bisperas ng daraanang mga pagpapahirap, pagpapako sa krus at pagkasawi.

Noong panahon ng kampanya ay hindi itinago ni Duterte ang galit sa kaparian na nag-ugat umano sa hindi magandang karanasan niya habang estudyante sa kamay nang isang pari. Kaya naman sa hindi mabilang na mga talumpati ay ilang ulit minura ng Pangulo ang mga pari at inakusahan sila ng korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Pero marami ang naniniwala na panahon na para maghunos-dili at magpreno si Duterte sa mga birada sa kaparian. Dapat daw igalang ni Duterte ang lahat ng relihiyon at umakto bilang tunay na pinuno ng bansa at hindi isang siga-siga. Kailangan umanong tuparin ni Duterte ang binitiwang pangako isang buwan bago manumpa sa tungkulin bilang Pangulo ng bansa na titigilan na niya ang labis na pagmumura at kikilos nang naayon sa isang presidente bilang respeto sa kanyang puwesto.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

BD Admin: You think your friends gonna like this piece? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.