MMDA Traffic Enforcer namatay dahil sa rumaragasang armored van

Ni Santiago Celario

Image © metromanila.politics.com.ph

BINAWIAN ng buhay ang isang Metropolitan Manila Development Authority traffic enforcer ilang oras matapos itong mabundol ng isang rumaragasang armored van habang nagmimintine ng maayos na daloy ng trapiko sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Namatay dakong alas 9 ng gabi ang 27-anyos na si Maricel Gammad dahil sa tindi nang pagkakabagok ng ulo habang tinatangkang sagipin ng mga doktor sa East Avenue Medical Center.

Nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya ang driver ng armored van na si Dennis Tanate Ellaraiz, 40, at residente ng No. 141 Sitio Mulawin, Brgy.San Juan, Valley Golf Road, Cainta, Rizal. Siya ay nahaharap ngayon sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide.”

Ayon kay Chief Inspector Aldrein Enrico, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) Traffic Sector 3, naganap ang insidente dakong alas 10 ng umaga sa kahabaan ng northbound lane ng EDSA patungong Balintawak kung saan nag-tatrapik ang biktima.

Sinabi ng mga saksi mabilis ang takbo ng van nang mabundol nito ang biktima. Sa lakas ng pagkabundol ay tumilapon, gumulong nang tatlong beses at nabagok ang ulo ng traffic enforcer.

Matagal ng inirereklamo ng mga mamamayan ang mga driver ng armored van, lalo na yung pag-aari ng mga bangko, dahil sa pagiging kaskasero at abusado ng mga ito sa lansangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.