Maynila*

NITONG nagdaang araw ng Linggo ay ginunita ang ika-447 taon na pagkatatag ng Maynila.

Ayon sa tala ng mga historyador na Kastila, ang Lungsod ng Maynila ang ikalawa sa pinakamantandang ciudad sa Plipinas, kasunod ang Cebu sa gitnang Visayas. Ang Maynila ay itinatag noong Hunyo 24, 1571 ng conquistador na si Miguel Lopez de Legazpi matapos nitong gapiin ang Kaharian ng Bayan ng Maynila na pinamumunuan ni Rajah Suleiman.

Ang Bayan ng Maynila na dinatnan nang mga Kastila ay isang mayamang kaharian na pinaninirahan nang mga Tagalog mula pa noong ika-12 siglo. Ang kahariang ito ay bahagi ng Sultanado ng Brunei at may ugnayang komersyal sa Ming Dynasty ng Tsina at mga kalapit na kaharian sa Timog Silangang Asya.

May mga ebidensya rin na nagsasabing bago naging bahagi ng Sultanado ng Brunei ang Maynila, na kilala rin sa pangalan na Selurong, ito at ang Sulu ay bahagi ng emperyong Madjapahit.

Karamihan sa mga Tagalog na nanirahan sa Maynila noong dumating ang mga Kastila ay mga Sunni Muslim at pinamumunuan ni Rajah Suleiman na may palasyong kawayan na nakatayo kung saan naroroon ngayon ang Fort Santiago.

Ang Maynila ay nasa bunganga ng Look ng Maynila o Manila Bay at nahati ito sa hilaga at timog na bahagi ng ilog Pasig. Ang Tondo ang sentro noon ng kapangyarihang politikal sa Maynila dahil sa mga panahong iyon, bago dumating ang mga mananakop na kanluranin, ay Tondo ang naging tirahan ng mga naging hari ng “Bayan ng Maynila.”

Dapat ding maging malinaw sa lahat na ang mga naghari sa Maynila ay hindi hari-harian o chieftain lamang kundi talagang hari na kinilala ng Emperador ng Tsina.

Ang Maynila ang ginawang kapitolyo ng mga Kastila sa panahon ng kanilang pananakop. Ganun din ang ginawa ng mga Amerikano at Hapones sa panahon ng kanilang pananatili sa lupa nating mga Kayumanggi.

Ang tradisyon na pagkilala sa Bayan ng Maynila bilang kapitolyo ng bansa ay ipinagpatuloy na rin nating mga Pilipino sa kasalukuyan.

Hitik sa kasaysayan ang Maynila, lalo na’t dito nagsimula ang pambansang himagsikan noong 1896 sa pamumuno nang isang tunay na Anak ng Maynila na si Andres Bonifacio. Naging saksi rin ang Maynila sa kataksilan ng mga Amerikano laban sa atin noong panahon ng kanilang kunwari’y “pakikidigma” sa España, na naging pamoso sa katawagan na “Mock Battle of Manila Bay.”

Ang Maynila ang naging ikalawa sa pinakawasak na lungsod noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kasunod ang Lungsod ng Warsaw sa Poland. Winasak ng mga Amerikano ang Maynila kahit deklarado na ito ng mga Hapones na “Open City.”

Sa Maynila rin pumutok ang “Unang Sigwa ng Paghihimagsik” o “First Quarter Storm” ng mga mag-aaral laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos noong unang bahagi ng Dekada 70 at naging saksi rin ang maraming lansangan, kabilang na ang makasaysayang Daang Mendiola, noong Dekada 80 sa mga malawakang pagkilos ng mga mapagpalaya at progresibong puwersa, na naguwi sa pagpapatalsik sa Diktadurang-US Marcos noong 1986.

Marami pang kaganapan sa Maynila subalit kakapusin ang pahina ng ating pahayagan para maibahagi ito. Hayaan na lamang ninyo na batiin ko ang aking mga kapwa Anak ng Maynila nang isang Maligayang Anibersaryo.

Mabuhay tayong mga Anak ng Maynila.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

You think your friends gonna like this story? If you do, kindly share it. Thanks.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.