MMDA patuloy na manghuhuli ng mga tricyle at pedicab driver sa Katipunan Avenue

Ni Santiago Celario

A tricycle terminal in Loyola Heights, QC. Photo © The Guidon

SA kabila nang matinding pagaalma ng mga tricycle driver sa ginagawang panghuhuli sa kanila ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City ay ipagpapatuloy nito ang nasabing operasyon upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan sa daan.

Ito ang ipinahayag ni MMDA Task Force Special Operations Commander bong Nebrija sa isang panayam. Idiniin niya na ipagpapatuloy ng kanyang mga tauhan ang panghuhuli sa mga tricycle at pedicab driver na gagamit, hindi lamang ng Katipunan Avenue kundi lahat ng pambansang lansangan o national road sa Metro Manila.

Iginiit ni Nebrija na ipinapatupad lamang nila ang batas para sa kaligtasan ng publiko at nakararami.

Nauna rito magugunitang nagsagawa ng operasyon ang MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga tricycle at pedicab drivers na ilegal na bumabaybay sa Katipunan Avenue.

(File Photo) Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong Photo © Philippine Star

Kaugnay nito sinabi naman ni Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong na mayroong batas at ordinansa ang lungsod na nagbabawal sa mga tricycle na dumaan sa mga national roads.

Sinabi pa niya na bubusisiin ng Quezon City Council ang prangkisa ng 24,700 tricycle sa lungsod upang malaman kung anong mga ruta ang dapat nang alisin.

Ipinaliwanag ni Belmonte-Alimurong na ang pangunahing layunin ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Herbert Bautista ay kaligtasan ng mga nakasakay sa tricycle. Idinagdag pa niya na bubuo sila ng technical working group (TWG) na mag-aaral sa isyu ng prangkisa at ruta sa lungsod para sa kapakanan ng mga naninirahan dito.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.