‘Buaya’ ng karagatan*

HINDI maitatanggi na nagmimistulang “buaya ng karagatan” ang China Coast Guard dahil sa kawalanghiyaan at kasuwapangan na ipinakikita nila sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Dati nating tinalakay na kapag dumarating ang bangka ng mangingisdang Pinoy sa Panatag (Scarborough) Shoal sa Zambales ay sumasampa umano ang Chinese Coast Guard at hinihingi ang isda na kanilang nahuli. Ang iba nga sa kanila ay sobra raw ang kapal ng mukha na kinukuha ang magagandang isda na kanilang nahuli nang walang paalam at nakunan pa ito ng video.

Kamakailan ay naulat naman na ang iba ay nagbibigay rin ng kapalit sa mga kinuha nilang isda. Akalain ninyong kumukuha raw sila ng ilang kilo ng isda na nagkakahalaga ng PhP3,000 o higit pa at pinapalitan ito ng dalawang bote ng mineral water. Ang iba naman ay nagbibigay ng sigarilyo o kaya ay noodles bilang kapalit ng kanilang kinuhang isda.

Hindi ba pagpapakita ito ng labis na panggugulang sa ating mga kababayan na nagpapakahirap na manghuli ng isda upang buhayin ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay?

Walang kuwestyon na ang Panatag Shoal ay pag-aari ng Pilipinas dahil nasasakupan ito ng ating exclusive economic zone (EEC). Pero sa kabila ng katotohanang ito ay inangkin pa rin ng China ang lugar mula nang pasukin nila ito noong 2012 at magkairingan sila ng Philippine Navy. Dahil sa pagmamatigas ng China ay napilitang umatras ang puwersa ng ating navy kaya minabuti ng gobyerno na maghain ng protesta sa United Nations.

Pero ang masakit ay binalewala ng China ang international court kahit na nagdesisyon ito ng pabor sa ating protesta at nagdeklara na ang Scarborough Shoal ay puwedeng pangisdaan ng mga Pilipino, Tsino at mga kapitbahay nating mangingisda kahit nasa loob ito ng EEZ ng ating bansa.

Sa katunayan ay hayagang ipinakikita ng China na kontrolado nila ang lugar dahil ang pinapayagan lang nila na manghuli ng isda ay maliliit na bangka natin at hindi pinapapasok ang malalaking barko. Bukod dito, ayon sa ating mga mangingisda ay China Coast Guard lang ang nakikita nilang nagpapatrolya sa lugar at hindi ang Philippine Coast Guard.

Noong una ay pinagbawalan tayo ng China na mangisda sa Panatag. Nang magkaroon ng kaunting kaluwagan at payagan ang maliliit nating bangka ay sumasampa naman sila sa mga ito para makuha ang magagandang klase ng nahuling isda.

Kailan nga ba tuluyang magwawakas ang pagpapahirap na ipinalalasap ng China sa ating mga mangingisda? Kailan sila magigising sa katotohanan na namamayagpag sila sa teritoryo na hindi naman kanila?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.