PAGASA nagbabala ng flash flood at landslides dahil sa hanging Habagat

Ni Santiago Celario

NAGBABALA ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration sa publiko na maaring magkaroon ng mga flash floods at landslides sa mababang lugar ng Pangasinan, Zambales at Bataan kapag nagpatuloy pa ang malalakas na buhos ng ulan bunsod ng hanging Habagat.

Ayon sa isang kalatas ng PAGASA nitong Sabado, dahil sa patuloy na pagragasa ng hanging Habagat ay nanganganib ang mga residente na naninirahan sa mga mababang lugar at sa gilid ng mga bundok.

Idinagdag pa ng ahensya na ang mga lugar na maapektuhan ng pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ay ang ilang bahagi ng Metro Manila, Ilocos region, Cordillera Administrative region, CALABARZON, Batangas, Babuyan Group of Islands, Mindoro at ilang bahagi pa ng Central Luzon.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko at ang disaster risk reduction and management offices na patuloy na i-monitor ang sitwasyon sa mga nasabing naturang lugar.

Nilinaw pa ng PAGASA na wala namang sama ng panahon na namataan sa nakalipas na magdamag at tanging ang Habagat lamang ang nagdadala ng ulan at hangin sa ngayon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.