Lima patay sa QC nitong marahas na madaling araw ng Linggo

Ni Santiago Celario

LIMANG hinihinalang mga kriminal ang napatay ng pulisya sa tatlong magkahiwalay na enkuwentro nitong Linggo ng madaling araw sa Quezon City.

Kinilala ng mga awtoridad ang apat sa mga napatay sa pamamagitan ng kanilang alyas na naka tattoo sa kanilang katawan. Sila ay sina “Rigor,” “Rak-Rak,” “Bansot,” at “Daning Baba.” Hindi naman matiyak ang mapagkikilanlan sa panglima dahil sa dami ng burda nito sa katawan. May mga tattoo ito sa dibdib na “Burnok” at “Gerald,” at “Dela Vega” sa likod.

Ayon kay Quezon city Police District Director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. magkasama si “Rigor” at “Rak-Rak” nang napatay ng mga operatiba mula sa QCPD Station 6 (Batasan) matapos silang makipagbarilan sa kahabaan ng Gold Street, Filinvest Subdivision, Barangay Batasan Hills mga dakong 12:30 a.m.

Sinabi ni Esquivel na may nakawan na nangyari malapit sa lugar ng enkuwentro at kaagad na rumesponde ang mga pulis matapos silang alertuhan nang isang concerned citizen. Habang nasa choke point ay namataan nila si “Rigor” at “Rak-Rak” sakay nang isang humaharurot na motorsiklo. Tinangka ng mga pulis na patigilin ang mga ito subalit imbes na sumunod ay nagpaputok ang dalawa dahilan para gantihan sila nang putok ng mga pulis.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na revolver, 12 sachet ng hinihinalang shabu, mga bala at 10 pulgadang tubong bakal.

Samantala, napatay naman si “Bansot” at “Daning Baba” ng mga tauhan ng QCPD Station 8 (Proj. 4 Station) Station Drug Enforcement Unit dakong 2 a.m. sa kanto ng Alvarez Extension at A. Legaspi Streets, Brgy. Milagrosa, Proj. 4 matapos magsagawa ng buy-bust operation doon ang mga awtoridad.

Sinabi ni Esquivel na nakatunog ang mga suspek na pulis ang ka-transaksyon nila kaya biglang bumunot ng baril ang mga ito at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ang mga awtoridad at matapos ang putukan ay nakahandusay na ang dalawa sa daan, walang buhay.

Ayon sa mga pulis, kilala ang dalawa bilang mga drug pusher sa nasabing lugar.

Kasunod nito, mga bandang 2:50 ng madaling araw, napatay ng mga pulis mula sa QCPD Station 4 (Novaliches) sa kanto ng Exeter at Midway Street sa loob ng Forest Hills Subdivision, Brgy. Sta. Monica, Novaliches ang ika-lima sa pinaghihinalaang kriminal na nasawi.

Sinabi ng mga awtoridad na nakatanggap sila ng tawag na may dalawang tao na kahina-hinala ang kilos sa pinangyarihan ng enkuwentro. Rumesponde ang mga taga-Station 4 at inabutan nila duon ang napatay at ang kasama nito.

Nang sisitahin nang mga pulis ang dalawa ay bigla na lamang nagbunot ito ng mga baril at pinaputukan ang mga awtoridad na nauwi sa maikling barilan. Tumalilis ang kasama ng napatay sa gitna ng barilan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.